Pinagmamasdan ko ang kanyang mukha,
wala pa rin itong pagbabago. Malaki pa rin ang kanyang pisngi, pababa
pa rin ang kanyang mga mata at makapal pa rin ang kanyang mga kilay.
Mas okay ang aura nya ngayon. Kung dati ay para syang naglalakad na
kalungkutan, ngayon ay iba na. Makikita sa kanyang mga kilos, maging
sa kanyang pananalita ang kaligayahan na alam kong mahigit dalawang
taong nawala sa kanya. Ibang-iba na sya ngayon. He has totally moved
on. At masaya ako para sa kanya.
Pinilit kong ilapit ang aking sarili sa
lugar na kinauumpukan nila ng mga barkada nya. Malutong ang kanyang
mga halakhak. The last time I heard him laugh that way was when we
were still together. Maya-maya pa ay nag-cheers sila ng mga kaibigan
nya. Patuloy ang kanilang kwentuhan. Patuloy rin ang aking
pagmamasid. Pinipilit kong intindihin ang buka ng kanilang mga bibig.
Ngunit hindi ko makuha ang mga mensahe.
Makalipas ang ilan pang mga minuto,
alam kong tinatamaan na sya sa alak na kanina pa nya iniinom.
Nakailang beses na rin syang pabalik-balik sa kasilyas sa loob ng bar
na kanilang iniinuman. Sa t'wing sya ay tumatayo ay mayroon syang
kahawak ng kamay. Payat, moreno at kagwapuhan din namang lalaki.
Siguro nga ay sya na ang tinatangi nya ngayon. Masaya ako para sa
kanya.
Pumatak na ang alas-dos na madaling
araw at patuloy pa rin sila sa paglaklak. Gusto ko syang hatakin at
yakapin. Pero alam ko, kahit anong gawin ko, hindi na ito maari. At
hindi na rin ito tama. Nakita ko ang paglatag ng ulo ng kanyang
lalaking kahawak-kamay sa kanyang balikat. Hindi ko maipaliwanag,
ngunit nakaramdam ako ng luwag sa aking dibdib sa halip na matinding
panibugho. Nakita ko kung paano nya alagaan ang lalaking iyon, ganun
pa rin sya, kung paano nya ako inalagaan noon, ganoon nya rin
inalagaan ang lalaking iyon ngayon. Nakahinga ako ng maluwag. Masaya
ako para sa kanya.
Ilang saglit pa ay nakita kong
akay-akay nya na ang lalaking iyon. Mukhang hindi na kinaya ang alak
at nahilo na. Nakita kong nakangisi sya habang inaakay ang lalaking
iyon papasok sa loob ng kotse. Naipasok nya ito ng maayos. Pumasok
rin sya sa loob at pinaayos ng higa ang lasing na katipan. Dumilat
ang lalaki at kahit alam kong lango na ito sa alak, ngumiti pa rin
ito. Sya, na nagulat, ay nagpakawala rin ng isang ngiti. Kahit
madilim ang loob ng sasakyan ay naaninag ko ang paglalock ng kanilang
mga kamay. Ilang segundo pa ay nasaksihan ko kung paanong nag-lock
ang kanilang mga labi. Ang halik na yun ay uhaw na uhaw, agresibo,
sabik at puno ng pagmamahal. Ang halik na yon ay ang halik na aking
naranasan, ilang taon na ang nakararaan.
Nagngitian silang dalawa.
“Magpahinga ka na. Babalik na ako sa
bar. Matulog ka muna at ikaw ang magdadrive.” malambing nyang sabi.
“I love you.”
“I love you too.”
Muling naglapat ang kanilang mga labi.
This time, mas matagal, at punong-puno ng passion. Natapos ang halik.
Inayos nya ang pagkakalatag ng ulo nito sa maliit na unan at marahan
syang lumabas ng kotse. Tumunog ang lock ng sasakyan. Sumandal sya sa
pinto ng kotse. Kita ko sa kanya ang pagkahilo. Pinilit nyang ibalik
ang kanyang composure. Nakita ko syang humugot ng isang malalim na
buntong-hininga.
Sumandal din ako sa pinto ng kotse
habang patuloy na nakamasid sa kanya. Hinawakan ko ang kanyang kanang
kamay pero alam kong hindi nya ito nararamdaman.
Nakita ko ang pangingilid ng kanyang
mga luha. Pinahid ko ito pero patuloy ito sa pagtulo.
Bakit ka umiiyak? You should be
happy.
“Salamat
sa'yo. Kung nasaan ka man.” mahina at gumagaralgal nyang sabi.
Napangiti ako.
“Thanks
for teaching me how to let you go. I swear. Hinding-hindi kita
makakalimutan.”
Nakaramdam ako ng
init. Yung init na tumatagos hanggang sa loob ng kaluluwa. Ramdam na
ramdam ko ang sincerity.
“Thanks
for letting me meet him. Alam kong ikaw ang gumawa ng paraan para
makilala ko siya. Salamat sa'yo.”
Nilapit ko ang
aking bibig sa kanyang tainga at sinabi kong “Walang anuman. Mahal
na mahal kita.” pero alam kong hindi nya ito maririnig.
Muli nyang sinilip
ang kanyang bagong kasintahan na natutulog sa loob ng sasakyan.
Ngumiti sya. At sya ay naglakad na pabalik sa loob ng bar.
Masaya ako para
sa'yo. Masaya ako para sa inyo.
W A K A S
No comments:
Post a Comment