Original Photo By Mario Horna
Bangkang Papel
by Chris Li
by Chris Li
Malamig at malamunay ang simoy ng hangin na dumadampi sa aking mukha. Mapayapa ang ilog at ang tunog nito ay isang musikang tila malungkot at nakikiramay sa aking nadarama. Napaupo ako sa dulo ng tulay para sa daungan ng mga bangka. Inilubog ko ang aking mga paa sa tubig at nagmuni-muni.
Hawak ko sa aking kanang kamay ang sulat mula sa isang kaibigan. Isang alaala ng pangako nito sa akin. Pangakong kailanman hindi natupad at hindi man lang kayang gawin. Bawat masasayang alaala ko sa kanya ay napalitan ng pait at pighati... Hinapuhap ko ang aking gamit at inilabas ang aking panulat at papel at nagsulat.
Wala akong maisulat... Pero maraming gustong sabihin...
Ilang minuto rin akong nakatitig sa puting papel na nakalapat sa aking mga hita. Puting papel na may mga tulo ng mga luha mula sa aking mga mata. Huminga ako ng malalim at nagsimulang magsulat.
Nanghihinayang...
Nanghihinayang ako dahil akala ko magiging mabuting magkaibigan tayo. Nangako ako sa iyo na hindi kita iiwan at ganoon ka rin sa akin. Pinanghawakan ko iyon ng lubos.
Dito sa lugar na ito nag-iwan tayo ng mga alaala. Dito natin isinisigaw lahat ng ating hinanakit sa mundo at sa mga taong bahagi nito... mga taong hindi marunong magpahalaga - na ngayon ay isa ka na.
Nagkibit balikat ako sa panlalamig ng pakikitungo mo sa akin at patuloy kang sinusuportahan at inaalalayan. Nanahimik ako at naghinay lamang na may sabihin ka. Sabi mo pa nung una masayang masaya ka at nagkaroon ka na ng trabaho. Nagdiwang tayo at kumain ng paborito nating banana que at malamig na sabaw ng buko. Napakasaya ko noon dahil ibinahagi mo sa akin ang iyong tagumpay.
Pero ngayon, bago na ang mga kaibigan mo. Mga mayayaman. Mga taong kaya kang pasayahin sa mga materyal na bagay, mataas na estado at mataas na ihi. Hindi naman ako madamot o seloso sa kaibigan, wala akong karapatan diktahan ka kung sino man ang piliin mo. Ngunit labis akong nasaktan ng iwan mo akong nakatanga para sa kanila. Nung una ay ok lang, napatawad kita agad ngunit ng maglaon ay unti unti akong nilamon ng mga tanong.
Ano bang ginawa ko sayo para gawin mo sa akin ito? Ikaw, na alam mo kung gaano kasakit ang lumaki na walang matinong atensyon kahit sa sarili mong pamilya. Ikaw na alam ang pakiramdam ng masawalang bahala. Ikaw na nalugmok na rin mula ng maiwan kang mag-isa. Hindi ka na lang sana nangako para mas madali ang lahat. Iniwan mo kong nakabitin sa mga tanong na tingin ko ay kailanman hindi na masasagot.
Sana ay masaya ka… Tunay na masaya…
Tinupi ko ang papel at gumawa ng bangka mula rito. Inilagay ko ito sa tubig at mula roon ay inanod na ito ng ilog. Pinagmasdan ko ito habang papalayo sa akin habang patuloy ang pag-agos ng aking mga luha sa aking pisngi. Pilit kong pinipigil ang humikbi o humagulgol dahil ayokong tuluyang maawa sa aking sarili.
Maawa dahil sa maling mga desisyon. Siguro dapat ko na nga itong ilabas at matapos nito ay magpatuloy at kalimutan ang lahat. Tumayo ako at buong lakas na sumigaw ng sumigaw. Inihiyaw ko sa ilog at sa buong lugar ang pagkasawi ko sa isang kaibigan hangang matuyo ang aking lalamunan at mamaos. Dumilim ang langit at lumakas ang hangin. Sana ay katulad ng bangkang papel ay anurin na rin ng ilog ang sakit na nararamdaman ko.
Pumatak ang mga butil ng tubig sa aking mga braso at mukha. Bumuhos na ang malakas na ulan tila ba nakikiramay sa aking pinagdaraanan. Mga sariwang luha ang dumaloy ulit sa aking mukha at nakita ang bangkang papel na unti-unting lumubog. Hinayaan ko na ang sarili kong humikbi o humaulgol habang nasa ilalim ng malakas na ulan. Humiga ako at tinignan ang kalangitan at nagsumamo sa may Kapal na kunin na ang lahat ng sakit. Nagmamakaawa… Ipinikit ko ang mga mata ko at pinilit iwaksi ang bawat kahapon.
Naramdaman kong tumigil ang pagpatak ng ulan ngunit naririnig ko pa ito sa paligid. Sa pagtataka ay minulat ko ang aking mga mata at nakita kitang nakangiti sa ilalim ng kulay kahel mong payong. Namutawi sayong mga labi salitang tumunaw sa aking puso at ibinalik ang isang pilit na ngiti. Sa sobrang pagkasabik sa iyo ay bumangon ako niyakap kita ng mahigpit.
“Sorry…”
Move on. Hindi siya deserving para sa mga luha mo...
ReplyDeletenag sorry nman xa,kaya oks na...tangapin mo xa ul8 bilang kaibigan, pero wag n kayo magpromise ng kung ano sa isat isa..nakakamiss mga best friends ko.,hehehe < ROBZ here from cotabato city
ReplyDeletethis story is sooo true..maraming ganyang kaibigan..madaling magbago..masakit pero yun talaga ang totoo..
ReplyDeletenice story Chris..just keep on writing dear :))
OH MY GOSH!! ANG GANDA... I LOVE IT... NAKARELATE KO... :(
ReplyDelete