CHAPTER 9
Kung nasanay tayong binigyan ng sapat na oras ay ninanais nating mas higit pang panahon ang ibibigay sa atin. Kung hindi man higit pa doon sa dati, gusto natin na sana walang magbago. Kung nakaramdam tayo ng pagmamahal, gusto nating manatili ang init ng pagmamahal na iyon sa bawat sandal hanggang sa tayo ay nabubuhay. Kadalasan ay naghahanap pa tayo ng higit pa sa dati niyang ipinaparamdam. Tama ngang walang tayong kakuntentuhan. Hindi tayo marunong makuntento sa kung ano ang meron tayo at kayang ibigay ng ibang tao lalo pa sa taong pinag uukulan natin ng pagmamahal.
Nagiging palagian na ang paglabas ni Gerald sa ibang bansa. Ang dati’y palagiang pagtawag niya kung nasa labas siya ng bansa ay naging tawag na lamang kapag matutulog na siya hanggang pati good night niya minsan ay nawala na din. May karapatan akong magtampo ngunit hindi ko ginawa. May mga pagkakataong gusto ko siyang tanungin ngunit mas pinili ko munang manahimik. Ngunit minsan, kahit gano mo kagustong magsawalang-kibo na lamang ay lalabas at lalabas ang tunay mong niloloob.
Kapag umuuwi siya ay may mga dala-dala parin naman siyang pasalubong sa akin ngunit napansin kong pinipilit niya na lang maging masaya kapag kasama niya ako at may mga pagkakataong bigla na lamang siyang aalis na parang nagmamadali.
“Nagiging madalas yata ang pagpunta mo ngayon sa Houston, Texas. Huwag mong sabihin na may negosyo pa kayo do’n.”
“Pasensiya ka na. May mga pinapaasikaso kasi si Dad do’n at sana huwag na natin pag-usapan pa ang tungkol dito.”
“Nagtataka lang ako kasi in almost two months ay tatlong beses ka ng pabalik-balik do’n. Iba na talaga kapag mayaman. Baka naman may ibang dahilan kaya ka do’n pumupunta. Pati studies mo tuluyan mo ng napababayaan.”
“Bhie naman, di ba sabi ko, huwag na natin pag-usapan pa ang tungkol dito?” Hinawakan niya mga kamay ko. Tumitig siya sa aking mga mata. Sinalubong ko ang mga iyon. Nakita ko doon ang pakiusap. Ang pagsusumamong huwag ng mag-ungkat ng mga bagay na pwedeng pagtalunan.
“Okey, fine.” Tumayo ako. Pinigilan ko na lang ang bunganga kong mag-usisa pa dahil alam kong kahit anong pilit ko ay hindi rin niya ako sasagutin. Nag-isipako ng iba pang puwedeng pagkaabalahan para mailayo na ang usapan tungkol sa madalas niyang pang-iwan sa akin dito sa Pilipinas.
“Hmnnn…Sige, ipagluluto na lamang kita.”
Hinintay ko siyang sundan niya ako sa kusina ngunit hindi siya sumunod. Namimiss ko na yung habang nagluluto ako ay kinakantahan niya ako. Mga sandaling sinanay niya ako sa kakaiba niyang pagsinta. Inisip ko na lamang na baka pagod lang siya.
Malapit na akong makapagluto at inaayos ko na ang mesa para tawagin siya nang nagmamadali siyang bumaba.
“I really have to go. May susundo na sa akin dito.” Balisa ang kaniyang mukha.
“Akala ko ba kakain ka dito. Nagluto pa naman ako ng paborito mong menudo.”
“Sige. Tikman ko na lang.”
Pagkuha niya sa tinidor nang tumunog muli ang cellphone niya.
“I’m sorry bhie. Kailangan ko ng umalis. I love you…”
Nilapag niya ang sana ay isusubo na niyang niluto ko at pagkatapos niya akong dampian ng halik sa labi ay nagmamadali na siyang lumabas. Sinundan ko siya at sinilip sa may bintana. Hindi yung driver niya ang sumundo sa kaniya. Bagong mukha. Mas matanda lang siguro sa akin ng lima hanggang pitong taon ngunit guwapo din at maganda ang katawan. Bumaba iyon at pinagbuksan siya sa likod ng kotse. Hindi iyon mukhang driver lang niya dahil sa pananamit at kilos, isa itong maykaya at edukadong tao. Bumalik ako sa kusina. Tinitigan ko ang niluto ko. Kanina lang nakaramdam ako ng gutom ngunit ngayon ay parang wala na akong ganang kumain. Binalik ko na lang ang mga plato sa lagayan. Nilagay ang ulam sa Ref at pumasok na lang ako sa kuwarto. Nabuo ang takot, nabawasan ang tiwala at sunud-sunod ang aking buntong-hininga. Kailangan kong malaman ang totoo. Oras na malaman kong niloloko lang niya ako ay magtutuos kaming dalawa.
Sinubukan kong tawagan siya sa kaniyang celphone ngunit nakapatay na ito. Lalo akong naghinala. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Wala na akong ganang gumawa ng kahit ano. Ang tanging nasa isip ko ng panahong iyon ay ang makausap siya. Hindi ko na kasi gusto ang nararamdaman ko at kailangan kong malaman kung nasaan siya at sino ang sumundo sa kaniya. Napakabigat ng dibdib ko sa mga sandaling iyon. Parang sasabog ngunit hindi ko alam kung anong emosyon ang naroon? Galit? Pag-aalala? Selos? Takot na iwan ako’t masaktan? Anong buhay mayroon uli ako kung tuluyan na siya sa akin na mawala? Paano ang pagmamahal ko sa kaniya. Paano ako? Tuluyang binagtas ng luha ang aking mga pisngi. Umiiyak ako. Sa unang pagkakataon ay iniyakan ko ang isang lalaki. Nasasaktan ako sa mga maaring mangyari kahit pilit kong pinauunawa na lahat ay mga kutob lamang, Kinuha ko ang cellphone ko. Muli ko siyang tinawahan ngunit nanatiling nakapatay ito. Hindi ako sumukong tawagan siya ng tawagan ngunit hindi niya binubuksan ang celphone at ang labas, magdamag akong hindi nakatulog sa takot na inaagaw na si Gerald sa akin.
Kinabukasan ay hindi ko din siya nakita sa campus namin. Nagiging palagian na ang pagliban niya sa kaniyang mga klase. Tuluyan na nga niyang napapabayaan ang kaniyang pag-aaral. Napapabuntong-hininga ako.
Kapag nasa library ako at nakaupo sa dating tagpuan namin ay parang lalo akong pinapatay kapag naaalala ko ang mga dapat sana ay Masaya naming nakaraan. Tinatamaan ako ng kakaibang lungkot kapag nadadaanan ko ang tambayan naming sa may canteen. Kahit sa gate kapag lumalabas ako sa campus namin ay namimiss ko ang kaniyang mga sitsit o kalabit at sinasabayan niya akong maglakad hanggang sa apartment na nirerentahan niya para sa akin. Dadaan kami ng makakain o kaya ay lalabas kami at doon na magdidinner sa paborito naming restaurant. Pinipigilan ko lang ang muling maiyak. Pilit kong pinaiintindi sa sarili ko na bakit ako iiyak kung wala pa naman akong pinanghahawakan na ebidesiyang may iba nga siya.
Hanggang sa dumating ang pang 14th monthsary namin. Alam kong kahit minsan ay hindi niya nakakaligtaan ang araw na iyon. Tumawag siya sa akin nang maaga at binati niya ako ng happy 14th monthsary. Sandali nga lang ang tawag na iyon at alam kong pupuntahan niya ako kinagabihan. Sa akin siya matutulog dahil nakasanayan na namin na kapag mga ganoong araw ay magdamag kaming magkasama. Inagahan kong nagluto ng mga paborito niya. Bumili na rin ako ng maiinom naming alak, hinanda ko na ang aming kuwarto at alam kong sa bandang alas siyete ng gabi ay darating na siya. Siguradong may surpresa na naman iyon na dadalhin para sa akin.
Ngunit alas-otso na ay hindi parin siya dumating. 8:30 nang may kumatok sa pintuan ko na at nang buksan ko ay isang lalaki na may dalang box ng chocolate at may kabigatang gift. May maliit ding note---
“I tried to come but I can’t personally give you this gift for some complexities. Babawi ako. Happy 14th monthsary baby.”
Hindi ko alam kung bubuksan ko ba ang gift niya sa akin o ibalik na lang sa pinagbigyan niya. Ngunit sinabi ko sa aking sarili na kailangan kong maging matatag. Buhayin ang tiwala dahil kung sasabayan ko siya sa mga ganitong pagkakataon. Kung hindi ako magpakatatag para sa aming dalawa at aawayin baka lalong maging kumplikado ang lahat.
Binuksan ko ang binigay niyang gift. Isang laptap. Nilapag ko ito sa mesa. Alam niyang iyon ang isa sa mga gusto kong mabili. Iyon ang gusto kong sana ay magkaroon ako balang araw dahil kailangan ko din iyon sa aking pag-aaral ngunit nang mahawakan ko iyon at hindi siya ang nagbigay ay parang wala akong ganang buksan pa iyon. Hindi ko naman kailangan ang kung anu-anong material na bagay kung wala din lang ang taong mahal ko. Hindi ko na napigilan pa ang aking mga luha nang ibalik sa ref ang lahat ng aking inihanda. Dinala ko na lang ang chocolates at ang binigay niyang bagong laptap sa aking kuwarto. Pinatay ko na ang ilaw at kahit nasaktan ako ay pinilit kong makaidlip. Kahit napakahirap akong dalawin ng tulog sa sakit ng loob ay pilit kong inisip na mahal parin niya ako. Hindi niya ako bibigyan ng ganoong kamahal na regalo kung hindi niya ako mahal. Hindi pa ako ganoon katagal nakatulog nang naramdaman kong may yumakap sa akin ng mahigpit at basa ang leeg ko. Si Gerald lang ang alam kong may duplicate ng susi sa bahay at pabango niya ang naamoy ko. Ngunit umiiyak siya. Humahagulgol siya habang yakap niya ako.
“I’m sorry baby. I’m so sorry kung nagiging marami na akong pagkukulang sa iyo. Hindi ko ginusto. Hindi ko din sinasadya.”
Bumangon ako.binuksan ko ang ilaw para makita siya. Nakapantulog lang ito. Gulo ang buhok na parang nagmadali lang makahabol. Umiiyak siya.
“May problema ba?” tanong ko.
Ngunit imbes na sagutin ako ay hinila niya ako sa kama at niyakap ng sobrang higpit.
“Hindi ko kayang magkakalayo tayo. Hindi ko kayang iwan ka ngunit parang iyon ang mangyayari bhie. Mahal na mahal kita at gusto kong tandaan mo iyon kahit ano pa ang mangyayari.”
“Hindi kita maintindihan.”
“Alam ko na mahirap mong intindihin ang lahat. Hayaan mo na. Ayaw kong pati ikaw ay maaapektuhan kung anuman ang problema ko ngayon. Halika nga dito at namimiss kitang yakapin.” Pinunasan niya ang kaniyang mga luha. Pinilit niyang ngumiti. Sinipat ko ang oras sa dinding. Mag-aalastres na pala ng madaling araw.
Humiga na rin ako sa tabi niya. Niyakap niya ako. hinalikan ko ang labi niya at muli kaming nakatulog na may ngiti ako sa labi.
Mahal niya ako.
Kinaumagahan ay nagluto ako ng almusal namin pagkatapos naming masayang sinet-up ang regalo niyang laptap sa akin. Masaya kaming nagsalo noon at nang matapos kaming kumain ay sinabi niyang siya na ang magliligpit sa aming pinagkainan. Bumalik ako sa kuwarto at nakita ko ang celphone niya. Naalala ko ang lalaking sumundo sa kaniya noon. Kung totoo ang kutob ko, maaring hindi siya nagbura sa inbox niya at tiwala din siyang hindi ko pinakikialaman ang celphone niya. Pagkakataon ko na din iyong malaman kung sino ang lalaking iyon.
“I don’t allow you to go out today. Stay in your room and take a rest.”
“Tomorrow meet me around 6:30 in the same place dahil ayaw mo naman akong puntahan kaya mas mainam na doon na lang tayo sa dating pinagtagpuan natin. Take Care.”
Tinignan ko ang sent items niya pero empty iyon. pero sa call register niya, sila ang laging nagtatawagan ng Joey na iyon. Joey ang pangalan ng ipinapalit sa akin. Pero kulang pa ang nakuha kong imporamasyon. Kulang pa para ipamukha ko sa kaniya ang ginagawa niyang kalokohan. Kaya pala sinabi niyang hindi siya puwedeng makipagkita dahil pinagbawalan siya at nagpuslit lang ito nang madaling araw na para makita ako.
Pagdating niya sa kuwarto ay nakangiti siyang yumapos sa akin.
“Maligo ka na baby, sama na ng amoy mo.” Biro niya sa akin habang hinahalikan niya ang braso ko.
“Mamaya. Bhie, labas naman tayo mamayang 6:30?” gusto ko lang siyang huliin.
“6:30? Bakit hindi na lang ngayon? Kasi di ako nakauwi so kailangan kong umuwi ng 5 mamaya para hindi magalit si Daddy kasi di ako nagpaalam sa kaniya kagabi. Baka pagalitan ako kung gagabihin pa ako ng uwi.”
Nagsisinungaling na siya sa akin. Naisip kong sundan siya ng 6:30 kung saan sila magkikita ng lalaking iyon.
Ngayon ko malalaman ang lahat.
Pinasunod ko ang sasakyan niya. Kahit magbayad ako ng magkano basta malaman ko lang kung ano ang ginagawa niya. Sa kaniya naman galing ang pera na ginagastos ko dahil pinahinto niya akong magtrabaho kaya gagamitin ko din sa pag-iimbestiga tungkol sa kinalolokohan niya ngayon.
Dumaan sa bahay at sa malapit sa gate na lang ng subdivision ako naghintay gamit ang inarkilahan kong taxi. Kalahating oras lumabas na muli ang sasakyan niya kasama ang driver niya at pinasunod ko sa taxi ang kanilang sasakyan. Huminto sa isang class na restaurant at nang alam kong nakapasok na siya ay sumunod na din ako pero sumilip muna ako.
Kitang-kita ko ang pagyakap ng lalaki at ang pagtapik naman ni Gerald sa likod ng lalaki at umupo na sila. Mabuti na lamang at nakatalikod si Gerald sa pintuan kaya hindi niya nakita ang pagpasok ko. Medyo magkakalayo kasi ang mga mesa kaya hindi ko marinig ang kanilang usapan. Pumuwesto ako sa medyo tago sa kanila ngunit makikita ko ang mga reaksiyon ng kanilang mga mukha.
Seryoso ang kanilang pag-uusap. Nilapit ng guwapong lalaki ang upuan niya kay Gerald at may nilabas itong papel. Matagal nilang tinignan ang papel na iyon at habang nagsasalita ang lalaki at titig na titig si Gerald sa kaniya na parang interesado siya sa lahat ng sinasabi ng lalaki. Hanggang nakita ko na lamang na iniabot ng lalaki ang panyo kay Gerald at nagyakapan silang dalawa. Mahigpit ang yakap na iyon at dahil hindi ko na kaya pang makita sila ganoong tagpo ay umalis na ako.
Umiyak ako sa kuwarto ko nang gabing iyon. Bakit naglilihim si Gerald sa akin? Bakit kailangan niyang magtago sa akin. Kung nagmahal naman siya ng iba maliban sa akin ay mas mainam sanang ipagtapat niya nang hindi ako nasasaktan ng ganito. Tumawag siya ng gabing iyon para magsabi ng good night ngunit hindi ko siya magawang tanungin o sabihin tungkol sa pakikipagkita niya kay Joey. Ayaw kong isipin niyang minamanmanan ko na ang bawat kilos niya. Kaya ko pa namang tiisin ang lahat. Kaya ko pang magtiis hanggang siya na mismo ang magsabing hiwalay na kami. Ngunit kung patuloy niya akong paglilihiman at patuloy siyang makikipagkita sa lalaking iyon ay mabuti pang sabihin ko na din sa kaniya ang aking nalalaman.
Dumalaw siya kinabukasan. Medyo nakaramdam ako ng panlalamig mula sa kaniya. Parang laging hindi siya mapakali at malalim ang iniisip. Kung may tatawag ay pumupunta siya sa banyo, isasara ang banyo at doon siya makipag-usap bagay na hindi naman niya ginagawa dati. Basta tahimik lang siya habang biyayakap niya ako. Tahimik lang siyang hinahalikan ako na parang malayo ang iniisip.
“May iniisip lang ang baby mo ha? Hayaan mong yakapin lang kita.”
Ako man din ay tahimik din lang pero naroon ang pagpupuyos ng damdamin. Galit ako sa ginagawa niyang paglilihim. Maraming tawag sa kaniya at pabalik-balik siya sa banyo. Gusto kong makita at mabasa ang inbox niya. Parang iyon lang kasi ang tanging paraan para malalaman ko kung sino ang kausap niya at katext.
Nang bumaba siya at nakitang walang laman ang refrigerator na pagkain ay nagpaalam siya sandali para maggrocery lang daw. Hindi na niya ako pinasama dahil abala ako sa pagrereview. Nagpalit siya ng short at nakita kong pitaka lang niya ang hinugot niya doon. Naiwan ang celphone niya.
Pagkaalis na pagkaalis niya ay nakita kong si Joey ang madalas niyang kausap sa celhphone. Nabasa ko din ang isang text na ganito ang laman.
“See me na lang sa airport bukas. Baka aabutin tayong ng 2 weeks sa Houston kaya better if you just drop all your subjects, Afterall, baka matatagalan na tayo doon sa next visit natin kaya mas magandang malinis ang record mo sa school.”
Si Joey pala ang lagi niyang kasama kapag pumupunta siya ng Houston. Siya pala ang dahilan kung bakit hindi na siya nakakatawag kapag nasa ibang bansa na siya. Hindi ko napigilan ang pag-agos ng aking luha. Nanginginig ang buo kong katawan. Parang gusto kong magwala. Hindi ko na mapapalampas ang lahat. Hindi ko kayang maging martir. Magtutuos kami ng Gerald na ito pagbalik niya. Hinanda ko na lahat ang aking sasabihin. Hindi ko na kayang kontrolin ang galit ko at kung may kailangang tapusin ay tapusin na kaysa sa tatagal ako sa ganitong kalagayan. Kung sa kaniya ay madali lang sirain ang pag-aaral niya ako, hindi ko kayang gawin iyon. Higit isang taon na lang doctor na ako. Hindi ako makapapayag na siya ang dahilan na hindi ko matapos ang nasimulan ko. Ngayon niya makikita kung sino si Mario. Kailangan kong malaman ang buong katotohanan tungkol sa Joey na ito.
Nang dumating siya ay napakarami niyang pinamili. Masayang-masaya siya at hindi ko alam kung paano ko simulang kausapin. Yun bang ayaw mo sanang sirain ang mood ng isang tao lalo pa’t may favor siyang ginagawa para sa’yo.
“Baby, tulungan mo naman akong iayos ang mga pinamili ko oh, heto bumili ako ng ice cream mo saka yung paborito mong chocolate cake….”
Hindi ako sumasagot. Hindi ako kumilos. Parang walang narinig.
“Aba, suplado.” tatawa-tawa niyang sinabi.
Kumanta-kanta siya habang mag-isa niyang nililigpit ang mga pinamili. Parang sa tingin niya ay ayos lang ang lahat. Pagkaayos niya sa mga pinamili sa Ref at sa cabinet ay muling nagpasuyo.
“Bumili pala ako ng isda baby, namimiss ko na kasi yung fish sweet and sour na luto mo. Ipagluluto mo ako ha?”
“Magluto ka ng lamunin mo!” mabigat ang pagkakasabi ko.
“Galit? Ha ha! Paano kung masusunog ko na naman? Masasayang lang.” parang hindi siya tinamaan.
“Masasayang lang? Di ba, kayong mga mayayaman hindi niyo alam ang salitang sayang? Meron nga diyan, makasama lang niya ang kalaguyo niya sa ibang bansa ay kaya niyang lumiban sa kaniyang klase at handa niyang i-drop lahat ang mga subjects niya.”
Tumingin siya sa akin. Parang gusto niyang magtanong ngunit ramdam kong pinigilan lang niya ang sarili. Kumuha siya ng platito. Naglagay siya ng cake doon. Ibinalik at kumuha siya ng kopita, nagsalin doon ng ice-cream. Ibinalik niya sa Ref ang ice cream. Nakangiti paring lumapit sa akin dala ang kopitang puno ng ice cream. Inabot niya iyon sa akin ngunit hindi ko tinanggap.
“Binasa mo mga text sa akin? Bhie, kailan mo pa naging ugali ang makialam sa celphone ko na hindi ka nagsasabi?”
“Mula no’ng nagbago ka. Mula noong nakita ko kayo ni Joey sa isang restaurant na gusto kong lumabas tayo ngunit mas pinili mong makipagkita sa kaniya.”
“Anong nangyayari sa iyo?” nilapag niya sa mesa ang ice cream.
“Ang tanungin mo ay anong nangyayari sa atin. Sino si Joey sa buhay mo? Bakit lagi kayong magkasama na pumupunta sa Houston at anong karapatan niya sa buhay mo para ipa-drop ang mga subjects mo.”
“Baby naman, Joey is…. He’s my friend. A family friend.”
“Sinungaling!”
“Sinungaling!”
“Bakit ka pa nagtanong kung hindi ka rin lang naman pala maniniwala sa isasagot ko.”
“Dahil hindi iyon ang totoo. Maiintindihan ko naman kung kausapin mo ako sa magandang paraan e, at hindi dadaanin sa pagsisinungaling at pagtatago tungkol sa kaniya.”
“Bhie, makinig ka sa akin. Gusto kong…”
“Anong kalokohang makikinig ako sa iyo! Ikaw ang makinig sa akin dahil unang-una ikaw ang gumagawa ng katarantaduhan. Anong nagustuhan mo kay Joey ha? Dahil ba mas guwapo siya, mas maganda ang katawan, mas magaling sa kama, mas matalino! Anong mayroon siyang wala ako? Mayaman siya katulad mo at napapagod ka ng gastusan ako? Kung iyon ang dahilan, sabihin ko sa iyong kaya kong mabuhay ng wala ang mga binibigay mo sa akin. Ikaw ang nagpumilit na bigyan ako kahit ilang beses na akong tumanggi dahil nga parang naiinsulto ako. Kahit ayaw ko ay pinagbigyan kita. Kaya kong magtrabaho para sa sarili ko.”
Umupo siya. Tumingin siya sa akin. Nangingilid ang mga luha. Parang gusto niyang magsalita ngunit sa tuwing bumubuka ang kaniyang bibig ay hindi niya tinutuloy ang sasabihin hanggang tuluyan na lang siyang yumuko.
“Bakit hindi ka sumagot! Bakit hindi mo sabihin sa akin na ayaw mo na sa akin at may bago ka na. Bakit kailangan pa sa Houston ninyo gawin ang mga bagay na puwede naman ninyong gawin dito. Hindi mo naman kailangang i-drop ang mga subjects mo para lamang maiwasan ninyo ako ng tuluyan e.”
Umiling siya at tuluyan ng bumagsak ang kaniyang mga luha.
“Hindi ko kailangan ang luha mo Gerald, ang kailangan ko ay ang sagot mo.”
“Ano pa ba ang gusto mong sasabihin ko, bhie? Anong silbing sagutin kita kung sarili mo lang naman na conclusion ang pakikinggan mo? Nagtatanong ka nga pero ang paratang mo ay ang totoo na sa paningin mo. Napakasakit lang sa akin na tuluyang nilamon ng pagseselos mo ang pagmamahal mo sa akin. Hinayaan mong sirain ng paghihinala ang dapat ay buong tiwala mo sa akin at ng pagmamahal ko sa iyo. Nagseselos ka ba kay Joey?”
“Selos, marahil, ngunit mas akmang sabihing natatakot akong pinagpapalit mo na ako. Hindi ako magkakaganito kung wala akong nakita at nabasa. Hindi mababawasan ang tiwala ko kung ang dating ginagawa mo noon ay hindi nagbago. Kahit hindi mo sa akin aminin, Gerald, naramdaman ko ang maraming pagbabago.”
“Bhie, hindi natin hawak ang lahat na nangyayari. Sa ayaw at sa gusto natin ay may magbabago, may mawawala, may naiiwan man ngunit hindi natin kayang panatilihin iyon. Ngunit iisa lang ang alam kong hindi nagbago o nabawasan, iyon ay ang pagmamahal ko sa iyo. Hindi din totoong ipinagpalit kita kay Joey, please lang naman bhie, makinig ka sa akin.”
“Nakikinig naman ako ah. Sinasagot naman kita.”
“Nakikinig ka nga pero hindi mo naman ako iniintindi.”
“Intindihin kita para malaya mong gawin ang gusto mo. Maniniwala ako sa iyo para puwede mo lang akong paikutin ng paikutin.”
“Saan mo dinala ang talino mo, bhie? Sa tingin mo ba, kung mahal ko si Joey mag-aaksaya pa ba ako ng panahong magpaliwanag sa iyo? Di ba mas madali sanang makipaghiwalay sa iyo at sabihin ayaw ko na kaysa sa magpaliwanag sa iyo na sa tingin ko naman ay sarado ang utak mong pakingggan ako. Mainit ang ulo mo ngayon, babalik na lang ako kung kailan handa ka ng tumanggap sa mga paliwanag ko. Wala kasing mangyayari sa mga sasabihin ko kung galit ka dahil mas pinapairal mo ang kung ano sa paniwala mo ay tama. Ang taong galit, kahit wala na sa rason ay ipagpipilitan ang alam niyang tama kahit mali na siya. Tawagan mo ako kung handa ka ng makipag-usap sa akin. Yung alam mo na kung kailan ka magsalita at kung kailan ka sa akin makinig.” Tumalikod na siya.
Hindi ko alam kung anong pumasok sa aking kademonyohan o nainsulto lang ako sa ginawa niyang pagtalikod na hindi pa niya nasasagot ang mga tanong ko kaya pagtalikod niya ay buong lakas ko siyang itinulak pabalik sa kama. Napahiga siya. Hinawakan na lamang niya ang ulo niya at mina-masamasahe. Huminga siya ng malalim. Paulit-ulit. Parang gusto niyang ilabas lahat ang namumuong galit sa kaniyang dibdib.
“Huwag mo akong talikuran at huwag kang umalis na hindi mo sinasagot ang mga tanong ko. Alam kong gusto mong umalis dahil ihahanda mo ang mga gamit mo dahil may flight kayo ni Joey.”
“Ang pagpunta ko ba sa Houston bukas kasama ni Joey ang pinagkakaganyan mo? Ang paghihinala mo ba sa amin ni Joey? Ang pagpapadrop ba ni Joey sa mga subjects ko? Ang kawalan mo ba sa akin ng tiwala at sa tingin mo ay tama lahat ang iyong iniisip? Ang pagseselos mo ba sa kaniya! Sabihin mo sa akin kung ano ba talaga ang problema bhie! Ipamukha mo sa akin kung ano ba talaga ang ayaw mo at lahat, lahat lahat ng gusto mo ay gagawin ko ihinto mo lang ang ganiyang ugali mo dahil kung may isang bagay na ayaw kong mawala sa iyo o sa relasyon natin, iyon ay pagkawala ng tiwala at respeto natin sa isa’t isa. Kapag iyon ang nawala hihilain nito pababa ang pagmamahal natin sa isa’t isa hanggang gawin tayong magkaaway imbes na sana ay nagmamahalan. Irespeto mo ako pati ng sasabihin ko kung gusto mong irespeto ko din pati ang lahat ng maling ginagawa mo at bintang sa akin ngayon. Ansakit kasi na pinagbibintangan ka ng wala ka namang ginagawang masama. Ang hirap ng pinagbibintangan ka na hindi mo alam kung paano mo patutunayang mali ang hinala dahil hindi ka naman pinakikinggan. Alam mo ba kung gaano kasakit iyon? Ngayon, magpakatotoo ka sa akin, sabihin mo kung ano ang problema mo para ihanapan ko ng solusyon. Please lang bhie, sa lahat ng ayaw ko ay ang mag-aaway tayo sa simpleng dahilan. Ayaw kong magkaroon ng mitsa ang relasyon natin sa wala namang kadahi-dahilan.”
“Lahat, Gerald lahat ng binanggit mo. Ayaw ko ang pagpunta mo sa Houston kasama si Joey, naghihinala ako sa inyo, ayaw kong i-drop mo ang mga subjects mo, nawalan na ako ng tiwala dahil sa pagsisinungaling mo at oo! Nagseselos ako sa inyo!”
“Sige, hindi ako aalis dito. Kung iyon ang gusto mo, mananatili ako sa tabi mo. Hindi ako sasama kay Joey sa Houston at walang pupunta doon. Masusunod ang hiling mong hindi ko i-drop ang mga subjects ko at para mawala ang hinala mo at pagseselos, ngayon din ay ihaharap ko si Joey sa iyo, mag-usap kayo. Kung iyon lang ang paraan para muli mo akong pagkatiwalaan. Lahat ng gusto mong itanong ay siya ang sasagot. Hindi ka naman naniniwala sa sasabihin ko di ba?”
Lumabas siya. Kinuha ang celphone niya. Nagdial at tinawagan niya si Joey.
Ilang minuto pa ay dumating na si Joey.
Hindi ko alam kung paano ako magsimula sa pagtatanong. Para kasing sa ginawa palang niyang pagtawag sa kaniya at iharap sa akin ay tuluyan na akong naniwalang wala ngang namagitan sa kanila ngunit parang tinutulak parin ako ng pride ko. Napasubo na kaya kailangan na lang harapin. Isa pa, gusto ko din naman malaman ang totoo.
“Alam ko ang tungkol sa inyo ni Gerald. Iginagalang ko iyon. May asawa ako’t anak kaya kung anuman ang iniisip mong namamagitan sa amin ni Gerald, gusto kong tanggalin mo iyon sa isip mo.”
“Bakit kayo pumupunta ni Gerald sa Houston? Sa anong dahilan?”
“Kung gusto mong malaman ang totoo ngayon, I’m sorry but I am not the right person to reveal it. In due time, malalaman mo din. Iyon kasi ang pakiusap sa akin ng mga taong kasangkot. Kailangang ilihim muna ang lahat pero sinisigurado kong malalaman mo din. Ang sigurado ko ay hindi sang-ayon si Gerald sa pagpunta-punta niya sa Houston, kung maari, hindi niya sana gustong iwan ka dito ng matagal. Kailangan niyang gawin ito sa ayaw niya’t sa gusto para sa Daddy niya at para sa iyo din.”
“Bakit kailangan niyang i-drop ang mga subjects niya?”
“Dahil hindi na niya naasikaso ngayon ang pag-aaral niya. Hindi siya ang may gusto sa lahat ng ito. Sinusunod niya lang ang tama at dapat niyang gawin. Kaya sana, hayaan mong pumunta siya ng Houston. Ako ang nakikiusap sa iyo at kung narito lang ang Daddy niya, siguradong makikiusap siya sa iyo na hayaan mo muna siyang harapin muna ang dapat harapin dahil nahihirapan na din ang Daddy niya sa sitwasyon ngunit dahil mahal niya ang anak niya ay pilit niyang iniintindi ang lahat. Puwedeng siya na lamang ang pupunta doon dahil naroon naman ang Daddy niya kung ikinakasama mong isipin na kami ang magkasama. Huwag mo lang siyang pigilan ang pagpunta niya doon dahil naroon na ang Daddy niya at mas maiging ako ang hindi pupunta kaysa sa siya mismo.”
“Sigurado kang malalaman ko din ang lahat ng dahilan pagdating ng panahon?”
“Makakaasa ka. Kung ayaw mong tuluyang mawala sa iyo si Gerald, magtiwala ka sa kaniya dahil hindi iyan gagawa nang hindi mo magugustuhan. Sinabi niyang handa niyang ibigay at isuko lahat ng meron siya. Masuwerte kang nakatagpo ng katulad niya at huwag kang gagawa ng mga bagay na ipagsisisi mo kung hahayaan mong lamunin ka ng pagseselos at pride.”
Hinatid ko sila sa Airport. Yunakap siya sa akin ng sobrang higpit, nagpasalamat siya sa ibinigay kong pang-unawa. Tama naman siya. Kung nagmahal ka, kailangan mong magtiwala dahil magkakambal ang dalawang ito sa kahit anong relasyon. Ngunit ang dalawang linggo ay naging higit isang buwan. Sobrang namiss ko siya ng husto kahit lagi kaming magkachat at nagkakatawagan. Iba parin talaga iyong nayayakap ko siya, nahahalikan, naaamoy at kasama sa lahat ng mga gawain sa bahay. Namimiss ko siya ng husto. Sobrang namimiss ko na siya.
Dumating siya, dalawang Linggo bago ang kaniyang kaarawan. Dahil wala na siyang pasok at hindi na nag-aaral ay hinahatid-sundo na lamang niya ako. Pag-uwi ko ay naroon siya sa bahay. May pagkain lagi ngunit hindi siya ang nagluluto. Nag-oorder na lamang sa labas. Nagtataka lang ako dahil lagi siyang may dalang backbag. Ayaw niyang buksan ko ang laman no’n at kahit saan siya magpunta, dala niya ang bag na iyon kahit pa mag-CR lang siya. Hindi na ako nag-usisa, hindi na rin ako nagsimula pang mag-isip ng maaring maging mitsa ng pagdududa. Tama na yungandiyan siya. Sapat na yung masaya ako sa kaniya.
Siya ang nanggigising sa akin sa umaga dala ang breakfast na dinaanan lamang sa mga bukas na restaurant sa umaga. Sabay kaming kakain dahil gusto niyang binebeybi daw niya ako ngayong hindi na siya nag-aaral. Sobrang spoiled ko sa kaniya. Pagkatapos naming mag-agahan ay ihahatid ako sa school. Susunduin pagkatapos ng aking klase at sabay kaming mamasyal hanggang sa dinner. Bago siya umaalis sa gabi kinakantahan muna niya ako hanggang makatulog ako, kukumutan, dadampian ng halik sa labi. Sasabihin ang paulit-ulit niyang sinasabi na mahal na mahal niya ako at ako ang buhay niya. Papatayin ang ilaw at maririnig ko na lamang ang busina at ingay ng kaniyang sasakyan palayo. Nasanay ako sa ganoong set-up. Paano na lang ang buhay ko kung mawala siya sa akin? Nasanay na akong kasama siya at pinagaan at pinasaya niya ang puno ng lungkot, pagdurusa at pagdarahop na buhay ko.
Hanggang dumating ang kaniyang kaarawan. Isang nakakagimabal na katotohanan ang aking nasaksihan. Isang katotohanang noon ay gusto kong tapusin at takasan!
CHAPTER 11
Formal ang birthday party ni Gerald. Lahat ng mga bisita nila ay malalapit lamang na kaibigan ng daddy niya, malalapit na kamag-anak nila at mga matatalik na kaibigan niya mula Elementary, High school at college. Kaya nga kahit hindi niya gusto ay nagiging formal parin ang dating ng birthday party na ibinigay sa kaniya. Pinasundo niya ako sa driver niya. Asiwa ako noon sa suot kong white longsleeve at red tie kaya medyo tumagal muna ako sa loob ng sasakyan. Iyon kasi ang kulay na dapat masunod na isuot ng mga bisita. Hindi lang naman iyon din ang iniisip kong dahilan, mas naasiwa akong humarap sa mga mayayamang tao. Hindi ko kasi alam kung paano ako makihalubilo sa kanila.
Kinatok niya ako sa loob ng Lexus niya dahil nga parang hindi ko kayaning bumaba doon at pagtitinginan ako ng mga naroong bisita niya. Siguro dahil naroon parin ang inferiority complex ko na aking nakuha noong pinagtatabuyan akong makipanood ng betamax nang bata pa ako.
“Bakit hindi ka pa bumababa diyan bhie?” mahinang bulong niya sa akin.
“Nahihiya ako. Hinintay na lang kitang puntahan mo ako dito.”
“Basta, ipapakilala kita bilang special friend at kung alam kong hindi makitid ang utak ng makakaharap natin, sana huwag kang maasiwa kung aaminin kong lover kita. Pero kay Daddy, matagal na niyang alam na may kinalolokohan akong lover pero hindi ka pa niya nakikita.” Nakangiti siyang nakatingin sa mga bisita habang sinasabi niya iyon. Pabulong nga lamang ang kaniyang pagkakasabi dahil iniwasan din niyang marinig siya ng iba.
“Basta, ipapakilala kita bilang special friend at kung alam kong hindi makitid ang utak ng makakaharap natin, sana huwag kang maasiwa kung aaminin kong lover kita. Pero kay Daddy, matagal na niyang alam na may kinalolokohan akong lover pero hindi ka pa niya nakikita.” Nakangiti siyang nakatingin sa mga bisita habang sinasabi niya iyon. Pabulong nga lamang ang kaniyang pagkakasabi dahil iniwasan din niyang marinig siya ng iba.
“Alam niyang ganito ako?”
“Naman. Nagulat siya noong una, hindi ako kinausap ng halos isang Linggo. Pero nang sinabi kong handa akong umalis at sumama sa iyo kung hindi niya ako maiintindihan kaya siya na rin lang ang sumuko. Lahat ng sinabi niya mula pagkabata ko ay ginawa ko, ngayon lang ako susuway at nang 21 years old ako, iyon ang naging deal namin, huwag na huwag siyang makikialam sa akin pagdating sa usaping puso dahil hindi din ako makikialam at irerespeto ko kung sinuman ang ipapalit niya kay Mommy.”
Hinawakan ko ang braso niya bilang pagpapahinto sa aming paglalakad papunta sa napakagarang bakuran nila ng puno ng mga nagsisiyahang bisita.
“Ganoon ka-open minded ang daddy mo?”
“Sabi ko naman sa iyo, walang hindi natatanggap ng taong may pinag-aralan at handang tumanggap sa pagbabagong dala ng pagbibihis ng lipunan. Nang una, nagalit siya, pinapadate ako sa kung sinu-sinong magaganda’t mayayamang babae dito pero wala akong nagustuhan hanggang sinabi kong itigil na lang namin ang lahat dahil nahanap ko na ang gusto ko at ikaw nga ‘yun. Nang sinabi kong magtatapos ka na ng medicine at isa ka sa pinakamatalino sa batch ninyo ay tumahimik na lamang siya. Ang gusto lang niya ay makilala ka at msabihang hindi mo ako sasaktan. Mabait si Daddy. Sa tingin ko magkakasundo kayo. Tara na at ipapakilala kita sa mga pinsan ko, barkada at siyempre kay Daddy.”
Sa tulad kong nahihiya ay hanggang sa pakikipagkamay lang ako, pagsagot kung may tinatanong sila at tagapakinig sa kanilang mga kuwento. Nakikitawa kung may nakakatawa. Kumuha at kumain ng paunti-unti. Sip lang ng alak. Dapat may tamang grace ang pagngiti at pagtawa. Hay ang mga mayayaman talaga. Nakapagod maging plastik. Ngunit nakahanda si Gerald na alalayan ako at hindi niya ako iniwan.
“Halika ka na. Hayun na si Daddy. Sabi niya kasi kapag daw makita natin siyang pupunta doon sa bahaging iyon ng garden ay sumunod tayo. Gusto ka niyang makilala at gusto ka din niyang makausap ng tungkol sa atin. Siguro naman hindi mo sasabihin sa kaniya na pinaglalaruan mo lang ako. Ganyan talaga ang karamihan sa mga Daddies, inaalam kung ano ang pakay ng lover ng kanilang anak. Ito kasi ang gusto niya, ang makilala ka ng husto at makausap bago muling makipagparty sa lahat.”
“Natatakot ako. Paano kung hilingin niyang lalayuan kita.”
“Tange! Hindi ko inisip na magagawa ni Dad yan. Gusto lang niyang sukatin kung gaano mo ako kamahal at kung sakali mang hilingin niyang layuan mo ako, gagawin mo ba?”
“Magkano ba?” humagalpak ako ng tawa para lang mawala ang tensiyong nararamdaman ko.
“Ganun? May presyo talaga.” Nagkukunyarian siyang pikon.
“Bhie naman, alam mo namang priceless ka sa akin. Kulang ang yaman ninyo na pambili niya ng kalayaan mo mula sa akin. Kahit walang-wala ako, kaya kong ipaglaban ang nararamdaman ko sa iyo. Ibibigay ko na sa iyo dito ang regalo kong pinag-ipunan ko talaga.”
“Sweet naman ng baby ko.”
Nilabas ko ang nasa bulsa kong maliit na kahon at nilabas ko ang bracelet at isinuot sa kamay niya.
“Happy birthday bhie. Isa lang itong materyal ngunit hindi nito kayang tumbasan ang tunay na pagmamahal ko sa iyo. Sumpa ko, hindi kita iiwan. Habang-buhay kitang mamahalin.”
Sa sinabi ko ay bigla niya akong hinila sa tagong lugar at hinalikan ako sa labi. Sa paghalik niyang iyon ay naramdaman ko ang mainit niyang luha na pumatak sa akin pisngi. Umiiyak na naman siya.
“Bakit ka na naman umiiyak?”
“Wala ‘to. Masayang-masaya lang ako at sana pakikinggan ng Diyos ang dasal ko. Sana hindi na magwakas pa ang pagsasama natin ngunit kung hindi man magtagal ay masaya akong naranasan ang nagmahal at minahal ako ng husto ng taong minahal ko ng walang kasintindi.”
“Mahal din kita bhie, alam kong mahirap mapanatili ang ganitong relasyon ngunit gusto kong manatili ka sa buhay ko hanggang sa huli kong hininga.” Hinalikan ko siyang muli at pagkatapos ay pinunasan ko gamit ang aking panyo ang luhang bumabagtas sa kaniyang pisngi.
“We should be enjoying my birthday. Tara na at baka aalis na si Daddy do’n”
Hawak niya ang kamay ko habang pumunta kami sa daddy niya. Nakatalikod no’n ang daddy niya dahil nakaharap sa mga nagkakasiyahang bisita. Dumaan kami sa likuran niya.
“Dad, dito na kami.”
Humarap ang daddy niya at ako ang hindi makapaniwala sa nakita ko. Para akong nanigas at hindi ko alam kung nasa katinuan pa ako. Nanginginig ang buo kong katawan at hindi ko magawang ngumiti. Sinikap kong ipinikit at iminulat ang mga mata ko dahil baka niloloko lang ako ng aking paningin. Gusto kong magising kung ang lahat ng nangyayari ay isang napakahabang panaginip lang.
“Dad, si Mario Bautista po. Ang lalaking naging dahilan ng katigasan ng ulo ko sa inyo.” Sinabayan niya iyon ng tawa. Tumingin ako kay Gerald. Biglang parang gusto kong umalis doon at sabihin sa kanya ang isang katotohahanang nasa harapan naming dalawa.
Pilit kong pinakalma ang sarili ko kahit nanlalamig na ang mga kamay ko. Huminga ako ng huminga ng malalim para hindi maramdaman ni Gerald ang pagkakaasiwa ko sa mga sandaling kaharap ko na ang ama kong matagal ko ng hinahanap. Ayaw kong maramdaman niya ang magkakahalong emosyon na hindi ko na halos kayang pigilan.
“Good evening po, sir.” Nangingig kong bati.
“Ngayon makikilala ko na din ang lalaking naging inspirasyon ng anak ko.” Tumitig siya sa akin. Iba ang kaniyang mga titig ngunit hindi nakaligtas ang kaniyang mapanuring mata sa akin. Gusto kong maramdaman niya ang bugso ng kaniyang dugo. Gusto kong sa pamamagitan ng pagtingin niya sa aking mga mata ay maramdaman niya ang koneksiyon ng isang ama sa kaniyang anak. Nilahad niya ang kamay niya. At kahit alam kong nanlalamig ang mga kamay ko ay inabot ko ang kamay niya.
“Nice meeting you po.” Garalgal na ang boses ko. Sasabog na talaga ang dibdib ko.
“Nanlalamig ka. Huwag kang nerbyosin sa akin. Kung mahal mo si Gerald, mula ngayon dapat mo na ring ituring ang sarili mong hindi iba sa akin.” Mabait ang kaniyang ngiti at tingin ngunit para sa akin, hindi. Para sa akin, siya parin ang lalaking nanloko kay nanang. Gusto kong umalis na noon si Gerald nang masabi ko sa mukha ng lalaking kaharap ko ang hirap na pinagdaanan naming mag-ina dahil sa sinumulan niyang hindi niya tinapos.
“So, pano, as what we agreed Dad, I have to go muna. Alagaan niya baby ko dad at huwag ninyong takutin. Hintayin ko kayo ni Daddy do’n bhie ha?”
Ngumiti lang ako. Ngiting pilit ko lang na sinukli sa sinabi niyang baby. Hindi ko alam pero bigla na lang akong nandiri.
Nang dadalawa na kami ay hindi ko na alam kung paano ko simulan ang lahat. Wala akong masabi na parang biglang natuyo ang aking lalamunan.
“Gusto ko sanang sabihin sa iyo, Mario na sana huwag mong sasaktan si Gerald. Sobrang ipinaglaban ka niya sa akin. Mahirap sa isang ama na makitang ang anak niya ay sa kapwa niya lalaki nagkakagusto. Nang una, katakot-takot na mura ang inabot niya sa akin ngunit kahit anong gawin ko ay talagang ayaw ka niyang isuko at dahil doon ay pinagbigyan ko na lang siya. Ipinakita kasi niya ang determinasyong ilaban ang gusto, ipaglaban ang mahal niya…”
“Na hindi mo nagawa noon kay nanang ko!” sa wakas ay nagkaroon ako ng pagkakataong isingit at simulan ang kuwentong dapat naming pag-usapan.
Para siyang nakakita ng multo. Tumingin sa akin. Tinitigan niya ako. para siyang binuhusan ng malamig na tubig dahil nakita ko ang panginginig ng kaniyang labi.
“A- anong sinabi m-mo?”
“25 years ago. May naging katulong kayo na Loida ang pangalan. Nakipagrelasyon ka sa kaniya at binuntis mo. Dahil hindi siya marunong bumasa at sumulat, tinakwil mo siya at nang buo mong pamilya. Pinagtalikuran mo ang responsibilidad mo sa amin ni nanang dahil mahirap siya at mangmang.”
“Ikaw ang anak namin ni Loida? Ikaw ang anak kong matagal ko ng hinanap?”
“Hinanap mo ako? Hindi mo alam kung anong hirap ang pinagdaanan namin ni nanang. Hindi mo alam kung gaano kasakit ang loob ko sa ginawa mo sa amin. Hindi mo din alam kung gaano kahirap ang mga pagsubok na pinagdaanan ko habang ikaw ay masaya sa kayamanan mo. Mayaman ka nga pero wala kang budhi.”
“Hindi mo alam ang buong kuwento. Hindi mo alam ang tunay na nangyari sa amin ng nanang mo. Kung gusto mo, pag-uusapan natin iyan sa ibang araw huwag muna ngayon ngunit sana anak, bigyan mo ako ng pagkakataong ipaliwanag sa iyo at ikuwento ang buong nangyari. Tanging kuwento ni nanang mo ang alam mo. Kung gusto mong maintindihan ang buong detalye ay maaring sa ibang araw natin pag-usapan ito, anak.”
“Anak, tinawag mo akong anak? Alam mo ba kung gaano ko katagal gustong marinig ang salitang anak mula sa isang tatay? Alam mo din ba kung gaano ko hinangad na sana sa kabataan ko ay masundo ako at maihatid sa paaralan na isang ama. Hindi mo alam kung gaano kahirap ang mabuhay mag-isa. Hindi mo ba alam kung paano abutin ang pangarap na kulang ang iyong buo kong pagkatao. Wala akong tatay sa 25 years at ngayon madali sa iyong tawagin ako ng anak?”
“Hindi mo din alam kung gaano kahirap maghanap ng anak na nawawala. Hindi mo din alam kung gaano magsisi sa mga nagawa mo sa nakaraan na kahit gustong balikan ay hindi na maari pa. Kaya nga hindi ko tinutulan si Gerald sa buhay pag-ibig niya ngayon dahil ayaw kong ulitin niya ang nangyari sa akin noon. Anak bigyan mo ako ng pagkakataong ipaliwanag sa iyo lahat.”
“Kung ang pakikinig ko sa mga paliwanag mo ay maibabalik niya ang naipagkait sa aking magandang simula ng pagkabata, sige payag akong pakikinggan kita. Sabihin mo sa akin, kaya bang ibalik ng paliwanag mo na iyan ang lahat ng sakit at hirap na pinagdaanan naming mag-ina? Alam mo bang nakakulong ngayon si nanang at kung sana naging lalaki kang ipaglaban siya at harapin ang responsibilidad mo sa aming mag-ina malayo sanang nagyari sa amin ang mga pagkakamali at dagok na babaunin namin sa aming alaala habang nabubuhay.”
“Patawarin mo ako anak. Bakit nakakulong si Loida? Anong nagawa niya? Bigyan mo ako ng panahong ayusin ang pagkakamali ko. Wala na akong magawa sa kung ano ang nangyari sa nakaraan ngunit sisiguraduhin kong magbabago ang lahat at maayos ko din ang maling simula natin. Bigyan mo ako ng sapat na panahon at pagkakataon.”
“Tama na. Nakaya kong bumangon mag-isa at kaya ko ding magtagumpay na ako lang. Ngayon narinig mo ang lahat ng hinaing ko. Sapat na sa aking malaman mo ang niloloob ko.”
“Patawarin mo ako, anak. Alam kong masiyado ka lang nadadala ngayon sa galit mo sa akin ngunit kung handa ka ng makinig, sasabihin ko sa iyong maiintindihan mo din ang lahat ng nangyari”
“Patawarin? Paano kami ngayon ni Gerald ha? Hindi namin alam na magkapatid kami, nagkakilala bilang mga estranghero, nagkamabutihan, nagkaroon ng relasyon, nagkatikiman at ngayon ay sobrang nagmamahalan. Sabihin mo sa akin ngayon kung paano mababago ng paghingi mo ng tawad ang kamaliang iyan.” Humahagulgol ako. sobrang napakasakit ng dibdib ko. Gusto kong tumakas sa lugar na iyon at sana sa paglayo ko ay tuluyang mabubura ng lahat ang maling simula. Gusto kong takasan ang maling nabuong relasyon dahil sa hindi naming sapat na nalaman ang tunay na kuwento ng pagkasino namin ni Gerald.
Tumalikod ako. Binilisan ko ang paglakad. Gusto kong tumakas at gusto kong lahat ng alaala ng gabing iyon at buong kuwento naming ni Gerald ay tuluyan ng mabura. Sana kung nailuluha lang lahat at sa pagpatak nito ay kasama niya ang mga butil ng alaala. Kung sana ganoon lang din kabilis mawala ang pagmamahal ko kay Gerald dahil sa hindi katangga-tanggap na pagmamahalan. Dinig ko ang pagtawag niya sa pangalan ko nang makita niya akong humihikbing dumaan ngunit hindi ko na pinansin pa. Kailangan ko ng simulan ang paglimot. Hindi na tama bang pahabain ang pagkakamali. Kahit gaano kasakit, kailangan parin sundin kung ano ang tama at dapat para sa aming dalawa.
Ngunit akala ko doon matatapos ang lahat ngunit mas marami pang nakakagimbal na pangyayari ang inyong matutunghayan.
CHAPTER 12
Nagmahal ako, binigyan laya ko ang sarili kong magmahal muli pagkatapos ng mga unos na nangyari sa akin sa nakaraan. Akala ko iyon na ang tama para sa akin. Iyon na ang pagmamahal na noon ko pa hinahanap. Lagi akong nagpapasalamat noon sa Diyos dahil pinagkalooban niya ako ng Gerald na magmamahal sa akin at hiniling kong sana manatili siya sa aking buhay. Ngunit kung sana kinakausap tayo ng Diyos at binagbabawalan tayo sa una palang na mali ang taong ating inaangkin. Kung sana sasabihin niyang isang malaking kasalanan ang pinasok ko dahil incest ang aking ginagawa ngunit hinayaan niyang mangyari ang lahat at ako ang tanging makakadiskubre kung saan ang mali sa relasyon namin. Ito ba ang kapalit ng pagiging sobrang perfect ng aming relasyon? Ngayon ay pinapanalangin ko sa Diyos na sana ay tuluyan ng mabura ang pagmamahal ko kay Gerald. Sana ay tuluyan ko na ding makalimutan ang lahat ng nangyari. Kung ang lahat ng sana ay maging makatotohanan. Kung sana lahat ng hiling natin ay kayang gawin sa isang kisapmata. Nananatili sa puso at isipan ko si Gerald.
Umiiyak ako sa tuwing naaalala ko siya. Kahit saan ako mapatingin sa loob ng apartment ay parang nakikita ko siya. Sa kusina habang kinakantahan niya ako habang nagluluto, sa CR kung naglalambing siyang magpahilod ng likod o ang hindi na din mabilang na mga paglalambingan na minsan ay nagiging mas mapusok pa at nagtatapos sa pagtatalik. Sa sala kung nanonood kami ng pelikula at nakasandig siya sa aking balikat, sa hagdanan na madalas naming paghahabulan papunta sa kuwarto, sa loob ng kuwarto na siyang laging saksi sa aming matinding pagmamahalan. Lahat ng mga ibinigay niya sa akin. Kung lahat ng ibinigay niya ay ibabalik ko sa kaniya, siguradong wala na halos maiwan sa akin mula paa hanggang ulo. Alam kong imposibleng makakalimutan ko siya ngunit iyon ang kailangan kong pag-aralan at gawin. Kailangan kong kalimutang lover ko siya, kailangang tuluyang mabura ang pagmamahal ko sa kaniya at ang maiwan ay ang katotohanang, magkapatid kami.
Higit isang oras pa lamang ako sa apartment ay kumakatok na si Gerald sa pintuan ng apartment. Alam kong may susi siya kaya ginamit ko ang isa pang padlock sa loob para hindi siya makapasok. Hindi ko siya kayang harapin. Hindi pa ako handang humarap sa kaniya bilang kapatid kaya imbes na pagbuksan ko siya ay pinatay ko ang ilaw para maitaboy siya’t umuwi na sa bahay nila. Ngunit dinig ko sa labas ang kaniyang mga pagmamakaawa.
“Parang awa mo na bhie, kausapin mo ako. ano bang problema? Anong nangyari sa pag-uusap niyo ni Daddy dahil siya din ay hindi masabi sa akin kung alin nga ba ang mali at pinahihirapan mo ako ng ganito ngayon.”
Kung sana madali lang sabihin na hindi na puwedeng ituloy namin ang nasimulan dahil magkapatid kami. Ngunit hindi sa akin dapat manggaling ang lahat. Hindi ko alam ang buong kuwento at dahil ang ama namin ang dahilan ng lahat ng pagkakamaling ito ay siya ang dapat magsabi sa anak niyang inaruga niya at naging madali ang buhay. Gusto kong maramdaman niya ang hirap na ayusin ang gusot naming magkapatid. Gusto kong sisihin din niya ng husto ang sarili na ang dalawang anak niyang lalaki ngayon ay nagkarelasyon dahil sa kabuktutang ginawa niya sa kaniyang kabataan. Nais kong maramdaman niya ang nararamdaman ko ngayon. Iiwas ako hanggang makakaiwas at alam kong titigil din siya kung malaman niyang magkapatid kami.
“Hindi ako aalis dito bhie hangga’t ayaw mong makipag-ayos sa akin. Kung may sinabi siya sa iyo, sana sabihin mo sa akin dahil wala namang gusot ang hindi naayos sa mabuting pag-uusap.”
Naisip ko, hindi na kayang ayusin ng mabuting pag-uusap ang relasyon naming dalawa bilang kami. Isa itong pagkakamali na dapat ay tapusin na at hintayin ang tamang panahon kung kailan matatanggap na ng puso na ang nangyari ay dala lamang ng isang pagkakamaling hindi dapat pinagpapatuloy pa kundi nararapat lamang na wakasan at pagdating ng panahon ay muling sisimulan kung tuluyan ng naglaho ang kakaibang sigaw ng aming mga puso. Kung malalaman niya ang lahat, siguradong katulad ko, tatakas din siya, gustong kalimutan ang nasimulan at mandidiri siya sa mga nangyari sa amin. Alam kong darating din siya sa puntong tulad ng ginagawa ko ngayong pagtakas at pagtalikod.
“Baby naman, kung may sinabi man si Daddy sa iyo, kailangan bang ako ang nahihirapan? Hindi ko alam kung ano ang mga sinabi niya sa iyo kung bakit ka nagkakaganyan ngunit gusto kong gamitin mo ang utak mo, makinig ka sa puso mo, wala akong ginagawa na kasalanan sa iyo para pahirapan mo ako ng ganito. Pagbuksan mo ako, pag-usapan natin ang problema. Hindi ako aalis hangga’t hindi mo ako kinakausap, bhie.”
Umiiyak na din ako. Alam kong nahihirapan siya. Ganoon din naman ako. Ang isa sa mga pinakamasakit na bahagi ng relasyon ay ang nagmamakaawa sa iyo ang taong mahal mo. Ang pinakamasakit ay ang mahal mo pa ang isang tao at mahal ka pa din niya ngunit may mga dapat isaalang-ala at alam mong mali nang ipagpatuloy ang nasimulan dahil.
Bakit kami? Bakit siya ang minahal ko ng ganito at bakit ako ang minahal niya? Bakit nahihirapan kami ngayong harapin at tanggapin ang katotohanan. Paulit-ulit kong tinanong ang Diyos kasabay iyon ng pagluha. Habang siya ay nagmamakaawang sagutin ko siya at kausapin, ako naman ay nagmamakaawa din sa Diyos na sana ay umalis na lang muna siya at pabayaan na muna niyang lilipas ang lahat. Habang siya ay nakikiusap na pagbigyan kong mag-usap kami ay nakikiusap din ako sa Diyos na huwag na niyang pahirapan pa ang sarili niya at ako. Sa ama namin siya magtanong dahil kapwa lang naman kami biktima ng mga pangyayari sa nakaraan na wala naman kaming kinalaman.
“Please, kung mahal mo ako at kung mahalaga pa ang pinagsamahan natin, kahit bigyan mo lang ako ng ilang minuto para makapag-usap tayo dahil hindi ko kayang mabuhay ng wala ka. Ikaw lang ang nagiging lakas ko para lumaban… parang awa mo na bhie, kausapin mo ako.”
May kasama ng iyak at hikbi ang kaniyang pagmamakaawa at lalo na akong nanghihina na parang nananaig na ang awa ko sa kaniya at pagmamahal ngunit idinaan ko na lang din sa pagluha. Umakyat na ako sa taas at doon ko tuluyang inihagulgol ang kanina ay tahimik kong pagluha. Kinuha ko ang headphone, binuksan ko ang laptap at pinilit kong iwaglit sa isip kong naroon siya. Gusto kong dugasin ang tainga ko ngunit hindi nito kayang lokohin ang aking utak at ang sakit ng nararamdaman ko. Oo nga’t hindi ko siya naririnig ngunit dinig na dinig siya ng aking puso at alam kong hindi siya tumitigil sa pagmamakaawa na harapin siya.
Kinabukasan. Kahit hindi man ako nakatulog pa ay kailangan ko ng bumangon. Tinignan ko ang orasan, time to take a bath na dahil may pasok pa ako sa school. Next week na ang finals namin at after 2 months, clinical intership ko na at kapag pumasa ay magiging ganap na akong doctor. Iyon ang pilit kong ipinasok sa isip ko, harapin ang pangarap at tuluyan munang iwaglit ang usaping puso. Malapit na ako sa finish line, babalikan ko na si nanang at harapin naming dalawa at lasapin ang bunga ng aking pagsisikap. Gusto kong ipamukha sa ama ko na kaya kong itaguyod ang buhay naming mag-ina ngunit bakit si Gerald, si Gerald at si Gerald parin ang nangingibabaw. Hindi ako nakatulog magdamag dahil si Gerald… paano kami ni Gerald… paano ko harapinn ang buhay na wala na si Gerald…na hindi na kami ni Gerald kundi magkapatid na lang… paulit-ulit lang na si Gerald ang paikot-ikot sa isip ko kahit pilit kong ipinapaunawa sa aking sarili na tapos na ang kuwentong pag-ibig namin dahil kapatid ko, kadugo’t kalaman ko ang lalaking minahal ko ngunit ang diyaskeng puso ay ayaw tumigil sa pagtibok… ang utak ay ayaw maniwalang magkapatid kami…ayaw sumuko…ayaw lumimot at tanging pagluha…pag-iyak…paghagulgol ang tanging kauuwian sa pilit kong pagpapakatatag.
Wala akong ganang bumangon, walang ganang kumain, walang ganang maligo ngunit kailangan kong kumilos dahil sa isang nabitiwang pangako kay nanang. Hindi ngayon ang tamang panahon ng pagsuko. Ngayon pa na kilala ko na ang ama kong pagpapamukhaan ko na kaya din naming umahon ng kahit wala pa siya.
Paglabas ko sa pintuan ay naroon parin si Gerald. Ginamit niyang unan ang mga kamay niya at tulog. Nakita ko ang sasakyan niya sa di kalayuan. Naisip kong mahusay nga siyang magpaawa kasi puwede din lang naman siya sa loob ng Lexus niya matulog. Kailangan ko siyang daanan kaya pagtaas ko pa lamang ng paa ko ay bigla siyang bumangon at hinawakan ang paa ko.
“Please bhie, huwag kang pumasok na hindi tayo mag-uusap.”
“Ako ang nakikiusap sa iyo. Tigilan na natin ito. Tanungin mo ang Daddy mo kung ano ang problema at huwag ako ang guluhin mo.”
Pilit kong tinanggal ang pagkakahawak niya sa binti ko at nang matanggal ko ay tinangka kung lumayo ngunit nahawakan niya uli ang isang paa ko hanggang dumausdos siya.
“Please naman bhie, kahit ilang minuto lang. Huwag ka naman sanang maging makitid dahil hirap na hirap na ako.”
Bumangon siya at niyakap niya ako. Mahigpit na mahigpit iyon at alam kong kung hahayaan ko lang ay tuluyan nitong matutunaw muli ang binuo kong pader sa pagitan namin. Nanalangin ako sa Diyos na sana bigyan niya ako ng lakas na paglabanan ang lahat. Nilayo ko ang katawan niya sa katawan ko. Mas malakas ako sa kaniya kaya madali lang sa aking ilayo siya. Nakita ko ang nag-uunahang luha sa kaniyang pisngi. Nakita ko ang sobrang pagmamakaawa ng kaniyang mga mata. Nakikusap ang mga iyon. Biglang parang pumusyaw siya. Parang nanghihina. Napaluhod at bigla na lang napasubsob.
Gusto ko siyang tulungan ngunit pumasok din sa isip kong kasama iyon ng pagdradrama lang niya. Pagtalikod ko ay may humintong sasakyan at nagmamadaling lumabas si Joey.
“Anong nangyari sa kaniya? Bakit hindi mo siya tulungan?” galit at aburidong tanong ni Joey ngunit hindi ko na pinansin. Binilisan ko ang paglakad at sakto namang may dumaan na jeep. Pinara ko iyon at kasabay ng pag-upo ko sa likod at tinanaw ang pagbuhat ni Joey kay Gerald ay ang masaganang pagbuhos na naman ng pinigilan kong luha.
Pagsapit ng hapon ay hindi nagpakita si Gerald kaya pagkakataon ko na din iyon na mag-empake at makalipat na ng tirahan. Magbed spacer na lang muli ako. Babalik ako sa dati kong trabaho at iwan ang mga gamit na ibinigay ni Gerald sa akin. Gusto kong makalimot ng mabilisan. Gusto kong maayos ang buhay ko at kapag darating na yung panahong magkikita kaming muli ay tanggap na ng puso at isip kong magkapatid lang kami.
Nag-iwan ako ng sulat sa kaniya. Ganito ang laman ng sulat.
Gerald,
Hindi dapat sa akin manggaling ang balitang sumira sa ating nasimulan. Magtanong ka sa daddy mo dahil siya ang dahilan ng lahat ng kamaliang ito. Nakikiusap ako na hayaan mo na muna akong lumimot. Alam kong kailangan mo din ito. At kapag malaman mo ang lahat ay siguradong ikaw din ay nangangailangan ng panahong mag-isip at lumimot. Magkikita parin tayo at sana kapag dumating ang panahong iyon ay kapwa natin tanggap ang katotohanan. Maraming salamat sa lahat ng mga naitulong mo. Masakit man sanang banggitin dito ngunit totoong sa iyo ko lang naramdaman ang tunay na pagmamahal, pagmamalasakit at pagpapahalaga.
I do appreciate that you give me everything you have at sobrang nagpapasalamat ako sa lahat-lahat. Minahal din kita at alam kong naramdaman mo din iyon pero sana ipagdasal natin sa Diyos na susunod nating pagkikita ay ibang pagmamahal na ang mamamayani sa ating puso. Masakit man pero kailangan nating gawin ang kung ano ang tama sa mata ng Diyos at ng tao at kung ano din ang dapat para sa atin. Para sa akin, hindi masamang minahal kita ngunit nagiging masama na lamang ito sa paningin ko ngayon kung ipagpapatuloy pa natin ang nasimulan. Hayaan mo na muna ako nagyon. Huwag mo na muna akong gambalain pa.
Magpapaalam muna ako ngayon at sana pagdating ng panahon kung kailan handa na tayong harapin ang lahat ay makikita ko parin ang mga ngiti mo sa labi. Patawarin mo ako kung nasaktan kita pero gusto kong malaman mo na hindi ka nag-iisa sa sakit na iyan kundi ako din, kasama mong pinaglaruan ng pagkakataon.”
Mario
May mga araw na hinihintay ako sa gate ni Gerald. Hinahabol niya ako. humihingi ng pagkakataong mag-usap kami. Ngunit mas malakas ang mp3 ko sa tainga at mas mabilis akong maglakad palayo. Kung hihintuan man niya ako gamit ang Lexus niya ay mas magaling akong sumakay sa mga paparating na jeep. Hindi ko siya binigyan ng pagkakataon. Hindi ko din hinayaang malaman niya kung saan ako nakatira. Mas lalo na akong nainis nang isang araw ay ang ama ko ang nakita ko sa gate na nag-aabang. Isang mayamang tao na naroon at naghihintay sa pinabayaan niyang anak. Ngunit tulad ni Gerald bigo din siyang kausapin ako.
Minsang pinatawag din ako ng aming Dean, ang Campus President na harapin ang ama ko ngunit kung talagang ayaw ay hindi mapilit. Hindi pa ako handang harapin sila. Katulad ng hindi niya pagharap sa responsibilidad niya sa akin. Katulad ng 25 years niyang pagpabaya sa akin. Gusto kong maramdaman din niya ang hirap ng alam mong may anak ka ngunit hindi mo kayang abutin. Katulad kong may amang mayaman ngunit hindi niya ako nakayang tulungan ng hinihila ako palabas ng bahay kapag nakikipanood, hindi din niya alam ang hirap nang nagtitinda ng gulay para makapag-aral o masunog ang balat at maglublob sa putik para lamang sa baryang kikitain para mabuhay. Hindi pa sapat iyon. Hindi pa niya natutumbasan ang hirap na pinagdaanan ko noon.
Hanggang tuluyan na silang sumuko. Pati si Gerald ay hindi ko na nakikita pa at hindi na din nagsasabi pa ang kinaibigan kong guwardiya namin sa campus kung nakita niya si Gerald o ng pinagtataguan kong ama ko. Ibig sabihin ay tuluyan na silang napagod pagkatapos ng halos tatlong buwang paghingi sa akin ng panahong makipag-usap. Ngunit hindi ganoon kadali ang tatlong buwang iyon sa akin. Nakikita kong nalulungkot ang ama kong nabigo na kausapin ako. Humahagulgol ako sa tuwing nakikita kong nahihirapan na si Gerald. Nang huling nakita ko ay pumayat na ito ng husto. Ako man din ay pumayat dahil sa wala na din akong ganang kumain at di narin nakakatulog dahil kahit anong pilit kong takasan ang lahat ay parang multong hindi matahimik at gabi-gabi akong dinadalaw. Mahal ko siya. Sa kabila ng pagiging magkapatid namin, mahal na mahal ko parin siya hindi bilang kapatid kundi isang karelasyon. Parang hindi ko magawang pandirihan ang mga ginawa namin noon bagkus ay sobrang namimiss ko parin ang kaniyang mga yakap at halik. Bakit ganito! Bakit hindi ko siya kayang iwaglit! Anong sumpa ito sa akin! Anong naging kasalanan ko at kailangan kong mahirapan ng ganito?
Hanggang isang court summon ang natanggap ko. Inanyayahan akong maging saksi sa pagkamatay ng aking ama. Ako lang daw ang tanging saksi ng mangyari ang krimen. Muling binuksan ang kaso ni nanang. Muling pinag-aralan at isang sikat na abogado ang may hawak sa kaniyang kaso. Pumasok sa aking isipan ang aking ama. Siya nga ba ang nagpabukas sa kaso ni nanang?
Umuwi ako sa aming probinsiya. Sa pag-uwi kong iyon ay taglay ko ang maraming mga katanungan. Muli kaming nagkita ni ate Champagne na tuwang-tuwa nang makita ang sobrang pagbabago sa aking hitsura. Lumabas na daw ang tunay kong kaguwapuhan at panis ang ibang naglalabasang mga artista sa akin. Hindi siya makapaniwala na ako na yung dating nagtitinda lang ng gulay sa tapat ng parlor niya na hindi marunong magsukli. Napaiyak siya lalo na nang malaman niyang ilang buwan na lamang ay tuluyan na akong magtatapos sa medicine at magiging ganap na doctor na kapag naipasa ko ang board. Tanging buong pusong pasasalamat ang sinasabi ko sa taong unang nagturo sa akin isulat ang pangalan ko at magsukli. Nang wala si nanang noong graduation ko ay siya ang tumayong magulang ko at nang nakulong na si nanang ay sa kaniya ako tumira at itinuring akong hindi iba sa kaniya. Kahit saan ako dadalhin ng aking mga paa at kahit pa nasa tugatog na ako ng tagumpay, hindi ko makakalimutan ang mga taong naging tuntungan ko para umangat.
Napag-isip-isip kong hindi na masamang hayaan ang ama kong bumawi siya sa mga pagkakasala niya kay nanang. Kung mapapatawad ni nanang ang ama ko ay sino ba naman ako para hindi din siya patawarin. Nang bigla na kasing hindi nagpakita ang ama ko at si Gerald ay nakadama ako ng kakaibang kalungkutan. Sobrang naramdaman kong parang lahat sa buhay ko ay dumating na’t kumpleto ngunit nawala lang na parang bula. Masyadong sinara ng galit ang tama kong pag-iisip. Masyado pinakitid ng mga masasakit na karanasan ang aking utak at dahil sa mabilis na pagdagsa ng katotohanan, nakalimutan kong maging bukas sa mga katotohanan at harapin iyon ng buong tapang. Ngunit ang susi ay na kay nanang. Kung anuman ang desisyon niya ay siyang masusunod.
Kinabukasan ay nagkausap kami ng abogado ni nanang na ayaw sabihin kung sino ang nagbayad sa serbisyo niya. Kilala siyang abogado sa Pilipinas at alam kong kahit hindi niya aminin ang ama ko ang tumulong. Self defence daw ang kailangan naming palabasin sa korte. Gusto niya akong kausapin bago humarap sa husgado para mapag-aralan ang mga bagay na maglalabas sa katotohanang ipinagtanggol lang ni nanang ang buhay niya at ako. Wala ng ibang saksi sa pagkakataong iyon kundi ako lamang at ang tanging alam ng mga tao sa amin ay hindi ako ampon ni tatang kundi anak niya ako kaya alam nilang sasabihin ko lang kung ano ang aking nakita.
Paliwanag ng abogado sa akin ay kailangan naming mapatunayan sa hukuman na self defence lamang lahat at nang marinig niya ang tunay na kuwento ay sinabing si nanang ang tumulak kay tatang dahil sa walang tigil na pambubugbog sa akin at nakita naman ng mga kapit-bahay at ang kapitan naming noon ang duguang mukha ko at ang mga galos ni nanang at ang putok din nitong labi habang si tatang ay tanging ang tusok sa dibdib niya ang tanging sugat. Ibig sabihin ay hindi namin pinagtulungan kundi gusto lang ni nanang na ipagtanggol ako at pagtulak niya ay para lamang matigil ang maaring pagpatay sa akin at hindi niya aakalaing maaring ikamatay iyon ng aming ama.
Mahusay ang pagpapaliwanag niya sa kin. Sabi ng abogado... “To prove self-defense, you and your nanang must show with clear and convincing evidence, that first, she is not the unlawful aggressor. Second, there was lack of sufficient provocation on her part; and lastly, she employed reasonable means to prevent or repel the aggression. It is well-settled that once your nanang had admitted that he inflicted the fatal injuries on the deceased, it was incumbent upon her, in order to avoid criminal liability, to prove the justifying circumstance claimed by her with clear, satisfactory and convincing evidence. We cannot rely on the weakness of the prosecution but on the strength of our own evidence. Alam kong malaki ang chance nating mailabas ang nanang mo sa kulungan. Pag-aralan mo lang sabihin ng diretso ang lahat.”
Sinamahan ako ni ate Champagne. Biro nga niya na siya daw ang magiging cheerer ko sa korte. Pagkatapos ng court hearing ay nagkaroon kami ng pagkakataong mag-usap ni nanang. Naluluha siya ng sinabi ko ang tungkol sa aking pag-aaral at ilang buwan na lamang ay matatapos na ako.
“Salamat anak at hindi mo ako binigo. Pero saan ka kumuha ng pera pambayad sa abogado natin?”
Hindi ako nakapagsalita. Noon ko naisip na hindi nagpakilala ang ama ko sa kaniya at tanging abogado lamang ang kumakausap sa kaniya. Kung sasabihin ko ngayon na nagkita kami ng ama ko at ikuwento sa kaniya ang lahat, baka nanaisin na lang niyang makulong muli. Gusto ko na siyang lumaya at makasama siyang muli. Kung darating ang panahong magharap sila ng ama ko, mabuting ayusin na muna nila ang kanilang problema bago ko sila harapin at alam kong ayaw magpakilala ng ama ko sa kaniya dahil gusto niyang mailabas muna sa kulangan si nanang bago sila magharap. Nirespeto ko ang gustong mangyari ng ama ko.
“Ang importante nang ay makalaya ka na dito at muli na tayong magkasama. Gusto kong sa graduation ko ay ikaw na ang naroon. Iyon ang tanging pangarap ko, ang masaksihan mong naabot ko na ang pangarap nating mag-ina.”
Muli kong nakita ang luha ni nanang. Umiiyak siya sa saya dahil ang mga luhang iyon ay may kasamang ngiti. Masaya ang kaniyang mga mata kahit may kasama iyong mga luha.
“Salamat, anak. Hindi mo ako binigo.” Sapat na ang luha ni nanang para lalong mahugasan ang mga kasalanan ng ama ko sa amin. Ang mga ngiting iyon ang nagbukas sa puso ko sa kung anuman ang kuwento sa kanila ni nanang.
Bago kami nagkahiwalay muli ay ipinakilala ko si ate Champagne kay nanang. Nilahad ko ang buong kuwento mula nang tinuruan niya akong magsulat hanggang sa siya ang umampon na sa akin nang makulong siya. Lubos din ang pasasalamat ni nanang. At dahil sa kailangan kong bumalik sa Manila dahil sa nalalapit na ding mga exams ko ay kay ate Champagne ko siya ipinagkatiwa.
Bago ako lumuwas ng Manila ay iniwan ko ang address at celphone number ko kay Ate Champagne para mapuntahan niya ako o matawagan kung anuman ang magiging hatol kay nanang.
Halos dalawang buwan pa ang nagdaan at dalawang buwan na rin lang graduation ko na nang sinabi ng roommate ko na may bisita akong dumating. Nagmadali akong pumasok sa kuwarto at nakita ko nga si nanang at si ate Champagne na naghihintay sa akin. Lumaya na si nanang. Mas naunan pang tumulo ang luha ko kaysa sa magsalita sa mga sandaling iyon dahil hindi na dapat pang tanungin. Hayun na at kaharap ko na si nanang. Nangyari na ang isa sa mga pinaka-asam asam ko.
“Anak, laya na ako.” maluha-luhang salubong ni nanang.
Sobrang saya ko ay nayakap ko at naipaikot-ikot si nanang. Hindi ko talaga maipaliwanag ang saya ko para sa aming ina. Ngayon ay malaya na siya at nakamit ko na ang isa sa mga pangarap ko na mailabas siya sa kulungan ngunit bigla akong natigilan. Parang ang lahat ay nagiging maayos na ngunit alam kong laging may puwang sa puso ko. Parang may mali. Parang hindi buo ang kasiyahan ko.
“Nang, may sasabihin po sana ako kung sino po talaga ang tumulong sa iyo para lumaya.”
“Anak, kilala ko na kung sino. Siya ang sumundo sa amin ni Champagne. Kaya ako narito ngayon para bigyan mo ako ng pagkakataong ikuwento ang totoong nangyari sa amin. Gusto kong ikuwento sa iyo ang lahat na hindi ko din alam dati ngunit hindi ko isinara ang puso kong makinig sa paliwanag ng daddy mo sa akin. Iyon ang gusto niyang ipaliwanag sa iyo ngunit hindi mo siya binigyan ng pagkakataong.”
“Nang, ano ba kasi talaga ang tunay na kuwento sa inyong dalawa ng ama ko?”
“Nagsilbi akong katulong sa kanila noon. Niligawan ako ng Daddy mo at nirespeto niya ako hindi bilang katulong kundi isang babaeng dapat mahalin. Mabait ang lolo mo dahil galing din siya sa hirap hanggang sa naging yumaman at napangasawa niya ang lola mo. Ang dati ng mayaman na lola mo ang malupit at matapobre. Naging patago ang relasyon naming ng Daddy mo noon at tanggap niya ako kahit ano pa ang kapintasan ko. Sabi nga niya, matalino daw ako kung sana ay nakapag-aral. Nang una, natatakot akong mahalin siya, guwapo na, mayaman at matalino pa na noon ay dalawang taon pa magtatapos na din siya sa pag-aaral niya. Isang taon naming itinago ang aming relasyon hanggang hindi namin napigilan ang aming mga sarili at may nangyari. Naulit pa iyon ng naulit hanggang hindi na ako dinatnan ng buwanan kong regla at doon na nagsimula ang lahat ng problema.”
“Problema? Dahil mahirap kayo at walang pinag-aralan kaya nang magkabukuhan na ay ayaw harapin ni Daddy ang nangyari sa inyo.” sabat ko sa seryoso niyang paglalahad.
“Iyon ang dati kong kinuwento sa iyo anak para wala ng mas mahaba pang kuwento pa. Hindi ko kasi akalain na magkikita kayong mag-ama. Ang totoo niyan ay ipinaglaban niya ako sa mama niya. Tanggap ako ng papa niya pero isinusuka ako ng mama niya. Sobrang pagpapahirap ang ginawa sa akin kapag wala ang daddy mo. Naawa ang daddy mo at inilipat ako sa isang apartment. Nangako siyang babalikan niya ako doon kahit ano ang mangyari. Nag-iwan siya ng panggastos ko. Ang mali niya ay hindi siya nagpaalam sa akin na pumunta siya ng ibang bansa para daw sa kaniyang pag-aaral. Alam niya kasing kapag ipaliwanag niya ay hindi ko kayang intindihin kung ano iyon pero sana man lang alam ko na pumunta siya ng ibang bansa. Naghintay ako ng isang buwan, dalawang buwan at ng pangatlong buwan ay dumating ang mama niyang may dalang mga litrato ng daddy mo kasama ang isang babae. Pinalabas ng lola mo na asawa iyon ng ama mo at hindi na niya ako babalikan pa. Masakit ang loob ko noon kaya kahit pa nangako akong hihintayin ko siya ay tinalikuran ko na lamang ang lahat at ang tanging alam ko ay niloko lang ako ng Daddy mo. Pinaasa at pinahintay niya ako sa wala. Umuwi ako sa bahay at dahil sa galit ng mga magulang ko ay tinakwil nila ako. Noong panahon namin, kung nabuntis ka, isa na iyong napakalaking kahihiyan at mas magiging doble pa kung nabuntis ka at wala kang maiharap na ama ng pinagbubntis mo. Pinalayas ako. Wala na akong ibang matakbuhan noon maliban kay tatang mo. Ipinagtapat ko sa tatang mo na noon ay naunang kasintahan ko kaysa sa daddy mo. Nang una ay gusto niyang ipalaglag ka namin at kapag natanggal ka ay pakakasalan niya ako. Tanggap daw niya ang nangyari sa akin ngunit hindi niya kayang makita niyang buhay ang bunga ng pagtataksil ko sa kaniya. Sinabi kong isisilang kita isa pa, anim na buwan ka na noon sa sinapupunan ko at hindi na ligtas sa akin na ipalalaglag kita kaya wala siyang nagawa kundi tanggapin ka na lang. Umalis kaming dalawa sa aming baryo at nagpakalayo-layo. Napadpad kami sa lugar kung saan ka lumaki at walang nakakikilala sa amin. Ipinagpalit ng tatang mo ang buo niyang pamilya sa akin ngunit sa pagdaan ng panahon ay nagiging mainitin na ang ulo niya hanggang nagiging manginginom na at iresponsable. Galit siya sa iyo. Sa tuwing nakikita ka niya ay bumabalik sa kaniya ang katotohanang nagtaksil ako. Nagalit din ako sa iyo dahil sa tuwing nakikita kita ay parang naiisip ko ang daddy mo na nagpaasa at nanloko sa akin.”
Napabuntong hininga ako. “Totoo bang nag-asawa ng iba si Daddy?”
“Nalaman ko na lamang sa kaniya ang buong katotohanan nang magkita kami nang lumaya ako at sinundo ako sa atin. Humingi lang siya ng tulong sa mommy niya na bisitahin niya ako para malaman ang kalagayan ko ngunit pinalabas ng mommy niya na nag-asawa na siya ng iba para mapaglayo niya kami at nagkuwento din siyang sumama na ako sa ibang lalaki at kaya hindi na niya ako naabutan pa sa apartment. Umuwi daw ang daddy mo para hanapin ako ngunit wala na nga ako sa apartment. Sinundan niya ako sa aming baryo ngunit nakaalis na kami ng tatang mo doon. Alam kong hindi siya nagsinungaling anak dahil kilala niya ang mga magulang ko at mga kapatid. Kilala niya ang buhay sa aming baryo. Tumagal daw siya doon ng dalawang buwan ngunit dahil hindi na ako bumalik at dahil alam niyang sumama na ako sa tatang mo ay wala na siyang ibang magawa kundi bumalik na lang sa Manila. Wala siyang kasalanan anak. Naging biktima lang tayo ng mga pagkakataon. Biktima ng maling simula. Pupunta siya ngayon dito para hingin ang tawad mo. Anak, alam kong hindi naging maganda ang paglaki mo. Naghirap ka, nasaktan, dumaan ng mga pagsubok. Ngunit nakaraan na iyon anak. Matalino ka at alam kong alam mo ang gusto kong ipakahulugan sa iyo. Pakinggan mo ang puso mo. Napatawad ko na siya anak. Puwede pa tayong magsimulang muli. Sana kalimutan na natin lahat.
Niyakap ko si nanang. Humahagulgol ako. Nakaramdam ako ng pagsisisi dahil hindi ko siya binigyan ng pagkakataong magpaliwanag. “Oo nang, handa na akong makinig sa kaniya. Gusto ko ding humingi ng tawad sa nagawa ko sa kaniya sa mga nakaraang buwan.”
“Anak, gusto niyang magpaliwanag ng tungkol sa inyo ni Gerald. Gusto niyang ilahad ang buong kuwento sa inyong dalawa dahil alam niyang kapwa na kayo nahihirapan. Alam na ni Gerald ang lahat at ikaw na lamang ang hindi pa nakakaalam. Sana bago magiging huli ang lahat, makinig ka sa ama mo. Alam kong hanggang ngayon nalulungkot ka parin. Palayain mo ang puso mo, matuto kang makinig sa paliwanag ng iba.”
Sasagot pa lamang sana ako nang may kumatok sa pintuan. Bukas ang pintuan ngunit nagbigay pugay lang na naroon siya at nakikinig. Lumingon ako at nakita ko si Daddy. Nakangiti sa akin at mabilis ko ding sinuklian iyon ng buo at mapang-unawa kong ngiti. Pinalaya ko ang aking puso, kumilos ang aking paa at tumakbo ako papunta sa kaniya. Niyakap ko siya ng mahigpit na mahigpit. Muling bumulwak ang aking luhang puno ng pag-asa at saya.
Hinayaan kong mamutawi ng aking labi ang matagal ko ng gustong itawag sa kaniya…
”Daddy!”
Chapter 14
Hinayaan kong maramdaman ng matagal ang yakap ng isang ama. Kaytagal kong gustong maramdaman iyon. Simula ng bata pa ako at hindi ko naranasang hawakan ng isang tunay na ama. Pumikit ako. Gusto kong punan ang pagkukulang na iyon sa aking pagkatao at pagmulat ko ay nakita ko ang mukha ni nanang. May ngiti sa labi na mula pagkabata ay hindi ko iyon nakita sa kaniya. Masaganang luha din ang umaagos sa kaniyang pisngi na parang ang dating asiwa at pagod niyang mukha ay naging kalmado at tuluyang nabura ang hirap na kaniyang dinanas. Tumingin ako kay Daddy at tumingin din siya sa akin. Nang makita ko ang basa niyang mga mata at ang pamumula nito ay alam kong pinipigilan lamang niya ang pagbagsak ng kaniyang luha hanggang nakita ko ang mahina niyang pagtawa.
“Kaytagal kong pinangarap na mabuo ko ang pamilya ko. Ito ang pangarap ko na dati ay akala ko tuluyan ko ng hindi pa makakamit. Oo nga’t nasa akin na lahat ng yaman at luho sa mundo ngunit laging may kulang. Laging may iniisip akong akala ko hindi ko na kayang abutin at dahil kay Gerald muling nabuo ang pamilya ko.”
“Dad, alam nab a ni Geral na magkapatid kami?”
“Gusto kong ilahad sa iyo ang buong kuwento anak.” Sinuklay-suklay niya ang buhok ko na para parin akong bata sa kaniyang paningin.
“Sige po, makikinig ako.” bumitaw ako sa kaniya. Hinila ang isang upuan at umupo ako doon. Umupo din siya sa tapat naming mag-ina. Nanatiling lumuluha si Ate Champagne dahil sa kaniyang mga naririnig at nakikita. Sobra siyang nadala sa mabilis na pagkabuklat ng kuwento ng aking buhay.
“Ang ipinakita ni lola mo kay nanang mo noon na kasama ko sa litrato ay ang mommy ni Gerald. Matalik ko siyang kaibigan mula pagkabata ko dahil kaibigan ng pamilya namin ang pamilya niya. Kung may taong nakakaalam sa buong kuwento namin ng nanang mo, walang iba kundi ang mommy ni Gerald. Nagkaklase kami sa Elementary, High School hanggang College at nakasama ko siya sa ibang bansa para sa aming international practicum. Nagpadala ako ng mga pictures namin sa lola mo na hindi ko naisip na gagamitin niya iyon bilang panira sa binitiwan kong pangako kay nanang mo. Naniwala ang nanang mo sa kasinungalingan noon ng mommy ko.”
Huminto siya. Napailing saka niya itinuloy.
“Sumalangit sana ang kaluluwa ni mommy. Hayun nga, nang binalikan ko ang nanang mo sa apartment ay wala na siya doon at nang sinundan ko siya sa purok nila ay hindi ko na siya naabutan dahil ayon sa mga magulang niya, sumamang nakipagtanan sa iba. Hindi parin ako naniwala noon. Alam kong mahal ako ng nanang mo at hindi niya magagawang sumama sa ibang lalaki. Dahil walang nakakaalam kung saan sila nagpunta ay sinikap kong hintayin ang pagbabalik niya. Lagi kong ipinapanalangin ang kaniyang pag-uwi. Naghintay ako ng dalawang buwan doon na kahit anong galit ng mommy ko ay wala akong pakialam basta ang lagi kong iniisip ay sana man lamang ay maipaliwanag ko sa nanang mo kung ano ang totoo. Ngunit nabigo ako hanggang naisip kong maaring masaya na siya sa piling ng kaniyang sinamahan at dala ng pagkabigo, bumalik ako ng Manila. Halos isang taong wala akong ginawa kundi maglasing, mambabae, magwaldas ng pera, bumiyahe sa ibang bansa para makalimutan ko lang ang nanang mo. Hanggang kinausap ako ng mommy ni Gerald at binuksan niya ang mga mata ko. Hindi niya ako iniwan. Kahit mahirap ay ipinaramdam niya sa akin na hindi natatapos ang buhay sa pagkabigo sa pag-ibig. Kung buhay man ang pag-ibig kailangan hindi ka mamatay sa pag-ibig. Dapat marunong kang mabuhay ng dahil sa pag-ibig.”
“Naging kayo ng Mommy ni Gerald Dad? Ibig sabihin ay magkapatid kami ng ama ni Gerald?” tanong ko. Ngunit sa sulok ng aking isip ay nagdadasal akong sana hindi kami magkapatid. Sana ay hindi matuldukan ang pag-iibigan namin dahil hanggang sa sandaling iyon ay siya parin ang laman ng aking puso.
“Hanggang pagkaraan ng isang taon ay naging maganda muli ang takbo ng buhay ko. Pinagsikapan iyon ng mommy ni Gerald. May boyfriend noon ang mommy ni Gerald ngunit napabayaan niya at nagkulang siya sa oras doon sa boyfriend niya ng dahil sa akin. May nangyari sa kanila noon ng boyfriend niya hanggang dahil sa kaseselos ng boyfriend niya sa akin at dahil hindi naman ako kayang iwan ng mommy ni Gerald na wala pang pumapalit kay nanang mo sa puso ko ay naging madalas ang kanilang pag-aaway. Hanggang isang araw ay hindi na nagpakita ang boyfriend niya at nalaman na lamang niyang ikinasal na siya sa ibang babae. Ilang lingo din lang mula noon ay nalaman niyang buntis siya ngunit paano pa niya ipapanagot iyon sa boyfriend niyang may asawa ng iba.”
“Ang ibig niyong sabihin Dad, anak ng ibang lalaki si Gerald? Hindi ko kapatid si Gerald?” napatayo ako sa kinauupuan ko. Naglulundag ako at parang sa sandaling iyon ay bigla akong nakahinga ng maluwag, tuluyang naglaho ang lungkot sa puso ko at lahat ng mga aalahanin ng isip ko ay biglang nawala. Napayakap ako kay ate Champagne. Paulit ulit kong sinabi na habang lumuluha ako na hindi ko kapatid si Gerald.. Nanginginig ang labi ko at gusto kong isigaw sa buong mundo na hindi ko kapatid ang taong sobra kong minahal. Ilang minuto din akong napapalundag hanggang napaluhod ako sa katatawa na may kasamang luha. Mga luhang hinayaan kong umagos sa aking mga mata. Luhang dala ng hindi ko makayanang supilin na ligaya.
“Makikinig ka pa ba sa buong kuwento anak?” tanong ni Dad na noon ay napapaluha na rin sa nakikita niyang ligaya sa akin. Si nanang din ay napatawa sa nakita niyang kakaiba kong reaksiyon.. Tahimik akong umupo ngunit pangiti-ngiti. Ngunit sadyang hindi ko talaga mapigilan ang tumawa ng tumawa ng tumawa hanggang lahat sila ay nakitawa na din.
“Sige po. Okey na ako Dad, ituloy niyo na.”
“Dahil sa natatakot ang mommy ni Gerald sa istrikto niyang pamilya at dahil alam kong hindi na ako babalikan pa ng nanang mo, pinakasalan ko ang mommy niya para kapag maisilang si Gerald ay may masasabi siyang daddy. Hindi mahirap mahalin ang katulad ng Mommy ni Gerald. Natupad ang gusto ng aming mga pamilya. Naging mabuting maybahay ang nanay ni Gerald at walang ibang nakakaalam sa buong pagkatao ni Gerald kundi ako lamang at ang mommy niya. Hindi namin iyon sinabi kay Gerald dahil gusto kong mahalin niya ako bilang tunay na ama at iyon din kasi ang tanging paraan ko para lahat ng mga pagkukulang ko sa iyo ay Gerald ko maibigay. Basta ang alam ko may anak ako sa nanang mo. Gusto kong gumawa ng mabuti sa anak ng iba, ipadama ang tunay na pagiging ama para makinig din ang Diyos sa panalangin ko na sana kung sinuman ang umako sa iyo ay ituring ka din bilang isang tunay na anak niya. Gusto kong sa pamamagitan ng lubos na pagmamahal ko sa mommy ni Gerald at kay Gerald ay ganoon din ang gagawin ng kung sinuman ang pumalit sa akin sa puso ng nanang mo. Ngunit nalaman kong hindi pala ganoon ang nangyari. Sobrang napahirapan ka ng husto ngunit gusto kong lahat ng iyon ay mabubura na ngayong magkakasama na tayong lahat anak.”
“Nasaan na ngayon ang Mommy ni Gerald?” paninigurado ko lamang kahit naikuwento na sa akin ng yaya ni Gerald ang tungkol sa nangyari sa mommy niya.
“Namatay sa sakit na kanser. Ngunit bago siya namatay ay hiniling niya sa akin na tanggapin ko si Gerald kahit sino pa siya at irespeto ang lahat ng gusto niya dahil nais niyang maging masaya ang anak niya. Gusto niyang mabuo ang buhay ng anak niya na naayon sa gusto nitong mangyari. Basta wala siyang sinasaktan ay hayaan ko daw na magiging masaya siya. Sinikap ko namang mabago ang pagkatao niya ngunit sadyang lalaki ang gusto. Dahil sa pagkatao niyang ganun ay napilitan akong magbasa ng mga libro, mag-internet tungkol sa ganoong pagkatao para lalo ko pa siyang maintindihan. Hanggang naliwanagan ako at hinayaan siyang magiging masaya sa pinili niyang buhay. Nang dumating ka sa buhay niya ay nakita ko ang pagpupursigi sa kaniyang mag-aral. Naging masaya ang bawat araw niya hanggang hiniling ko sa kaniyang mag-usap tayong dalawa.”
“Tulad ko, hindi din ba alam ni Gerald ang lahat ng kuwentong ito?”
“Wala siyang alam anak. Nalaman na lamang niya ang buong kuwento nang inuwi siya sa bahay ni Joey na hinang-hina. Kinabukasan no’n ay nag-usap kami. Hindi naging malaking isyu sa kaniya ang katotohanang hindi ko siya anak dahil ayon sa kaniya, higit pa sa tunay na anak ang naramdaman niya mula sa akin at kahit pa nalaman niyang hindi ko siya tunay na anak ay hindi nagbago ang pagtingin at pagmamahal niya sa akin. Ang tanging hindi niya natanggap ay ang bigla mong pagtalikod sa kaniya. Lahat ng paraan ginawa namin para mapaliwanagan ka ngunit sadyang nagiging mailap ka. Ipinagkait mo sa kaniya ang pagkakataong magpaliwanag. Hindi mo siya binigyan ng pagkakataong marinig ang kaniyang hinaing. Hanggang sa siya na mismo ang nag-ayos sa kaso ng nanang mo para makalayo. Iyon ang tangi niyang inatupag dahil alam niyang kapag makalaya ang nanang mo at muli kaming magkasama ay iyon ang magiging susi para makinig ka sa akin. Sabi niya sa akin na hayaan kong gawin niya iyon para sa akin, sa nanang mo at higit sa lahat ay sa iyo. May mga gabing nakikita ko siyang umiiyak. Napakalakas ng kaniyang iyak. Ilang gabi ding isinisigaw ang pangalan mo. Nasaktan siya ng sobra sa pagkawala mo lalo pa’t hindi niya masabi sa iyo ang kaniyang niloloob. Iyon bang lahat ng gusto sana niyang sabihin ay hindi niya masabi sa iyo at naiipon lang sa dibdib niya. Wala siyang ganang kumain ngunit sa pakiusap ko ay pinipilit niyang gawin. Ako ang nagbibigay ng pag-asa sa kaniya para mabuo ang kaniyang buhay at lagi kong sinasabing magkakasama din kayong dalawa. Ang laging sagot niya ay…
“Sana nga po Dad. Lahat, lahat ng meron ako kaya kong ibigay sa kaniya. Lahat ng meron ako ay hindi ako magdadalawang isip na ihandog sa kaniya dahil alam kong siya ang aking buhay. Ito na lang ang alam kong huling maibigay sa kaniya at ito lang ang alam kong kailangan niya sa ngayon, ang mabuo ang pamilya niya. Yung muli kayong magkakasama, kayo, si nanang at siya. Masaya na ako kapag mangyari iyon kahit hindi na niya ako babalikan pa.”
Napaluha ako. parang bumabalik sa akin ang kaniyang pagmamakawa noon sa pinto na mag-usap kami. Ang paghahagulgol niyang paghingi sa akin ng awa na sana hawak-kamay naming lutasin kung anuman ang problema. Umiiyak ako dahil sa mga ginawa ko. Hindi niya dapat pinagdaanan ang ganoong sakit. Hindi siya dapat nasaktan ng ganoon. Naramdaman ko ang hirap na pinagdadaanan niya dahil ako man din ay ganoon ang sakit na piunagdaanan. Ang pagkakaiba nga lamang ay alam niyang hindi kami magkapatid pagkatapos ng gabing nagmakaawa sa akin at ako, ang tanging pumipigil sa akin na kausapin siya ay dahil gusto kong makalimutan ang pagmamahal ko sa kaniya dahil ang pagkakaalam ko ay kapatid ko siya.
“Nasaan po siya ngayon Dad?” tanong ko.
“Nasa bahay. Matagal ka niyang hinihintay. Gusto kong mula ngayon sa bahay na kayo titira. Iyon ang gusto ni Gerald. Iyon ang hiling niya. Anak, mahal mo pa ba siya?”
“Opo Dad. Mahal na mahal ko siya. Pinigilan ko lang dahil ang alam ko kadugo ko siya. Gusto ko naman sanang magkita kami kung kailan handa na sana akong humarap sa kaniya bilang kapatid at hindi bilang karelasyon ngunit dumaan na ang ilang buwan Dad pero siya parin ang mahal ko at hindi nagbago iyon kahit sinikap kong isipin na magkapatid kami. Mabuti na lamang po at hindi ngunit nasaktan ko na siya. Napahirapan ko na siya ng hindi ko naman sinasadya.”
“Masakit sana na isiping nagkaroon ako ng dalawang lalaking anak na hindi nasunod ang damdamin sa ibinigay ng Diyos nilang pagkatao ngunit kahit baliktarin pa ang lahat at kahit ano pa ang gagawin ko ay hindi ko matatalikurang anak ko kayo. Mainam ng magkaroon ako ng anak na katulad niyo ngunit matalino, hindi masamang tao at naipagmamalaki kaysa magkaroon ng anak na straight ngunit magiging sakit lang ng ulo at kaaway ng lipunan.”
“Kumusta na po si Gerald ngayon?”
Napabuntong hininga si Daddy. Tumingin siya sa akin at biglang tumulo ang luha. Alam kong may hindi siya sinasabi.
“Ayusin mo na ang mga gamit mo anak. Uuwi na tayo sa bahay. Naghihintay sa atin si Gerald. Matagal na niyang hinihintay ang pagkakatong ito. Matagal na niyang inaasam na magkakasama tayong lahat.”
“Bakit hindi niyo sinasagot ang tanong ko? Kumusta na po si Gerald?”
Yumuko siya at humagulgol. Kung napigilan niya ang pagluha kanina, ngayon ay hindi na niya nakayanan pa at natakot ako. Alam kong may hindi magandang nangyari.
Huling Bahagi
Pagkababa namin sa mga ilang gamit namin ni nanang sa sala ng bahay ay hinanap ko kaagad si Gerald. Namimiss ko na siya ng husto. Ngayon ko gustong bumawi sa kaniya. Gusto kong punan ang ginawa kong pagpapahirap sa kaniyang kalooban. Ang ilang buwan niyang pag-iyak. Ang hindi ko pakikinig sa kaniyang mga pakiusap sa akin. Ang kaniyang pagmamakaawang hindi ko tinugon. Sa kabila pala ng paglayo ko sa kaniya ay wala naman siyang ibang ginawa kundi ang ayusin ang pamilya ko. Siya ang dahilan kung bakit ko nahanap at nakilala ang ama ko. Siya din ang gumawa ng paraan para lumaya si nanang sa kulungan. Siya din ang humiling na dapat ay magkakasama na kaming buong pamilya sa iisang bahay. Lahat na ay ginawa niya sa akin. Lahat na ng meron siya ay buong puso niyang ibinigay kapalit man niyon ay ang sobrang pagpapahirap ko sa kaniyang kalooban.
“Nasaan si Gerald yaya?” tanong ko nang makita ang yaya niyang pababa sa hagdanan.
“Nasa kuwarto po niya Sir. Puntahan niyo na lang. Diretso ho kayo dito at kakaliwa kayo.”
Halos liparin ko ang hagdanan at nang buksan ko ang pintuan ng kuwarto niya ay nakita ko siyang tulog habang nakaupo sa may ulunan niya si Joey. Lumapit ako sa kaniya at pinagmasdan siya. Hindi na siya ‘yung dating Gerald na makulit nang makilala ko siya sa library…ang guwapong Gerald na humahablot sa notebook ko… ang makisig na Gerald na tiga hatid-sundo ko, ang mala-Adonis na Gerald na kumakanta habang nagluluto ako at mapagmahal kong baby na siyang minahal ko ng husto. Pumayat siya ng husto. Mapusyaw at kalbo. Tulog siya nang dumating ako at ang pagkakita ko sa ganoong sitwasyon ang tuluyang nagpahina sa akin. Hindi ko naisip na madatnan ko siya sa ganoong kalagayan. Wala sa isip kong may sakit siya at bago ako nakapagsalita ay tumulo na ang aking luha. Hinila ako ni Joey sa labas ng kuwarto.
“Ako ang family doctor nila. Ito din ang dahilan kung bakit kami pumupunta ng Houston. Ayaw niyang mag-alala ka sa sakit niya. Gusto niyang manatili siya sa iyo katulad nang nakilala mo siya. Pinipilit niyang makipagkita sa iyo kahit inaatake na siya ng halos hindi niya makayanang sakit. Hindi ko siya mapigil na puntahan ka kahit maysakit siya kaya nga lagi niyang dala ang mga gamot niya kahit saan kayo magpunta. Lahat ay gusto niyang gawin para sa iyo. Hindi niya inisip ang sarili niya. Ang laging sinasabi niya kapag nasa Houston kami ay lahat ng ginagawa niya ay para sa iyo. Gusto niyang gumaling para sa iyo. Ayaw niyang mamatay siya dahil hindi niya kayang iwan ka.” Nangingilid ang luha ni Doctor Joey.
“Wala na ba siyang pag-asang gumaling, Dok?” humihikbi kong tanong.
“Malapit ka ng maging doctor. Alam kong nagkakainitindihan tayo kung sasabihin ko sa iyong Grade IV na ang tumor niya. Which means the tumor grows very aggressively and it so impossible to treat lalo na ay kumalat na din ang cancer cells sa utak niya nang maipakita namin sa Anderson Cancer Center dahil alam kong iyon ang pinakamahusay na hospital ng cancer sa buong mundo. Sa tuwing umaalis kami noon ay lagi niyang nirereklamo ang sakit ng pagkakalayo ninyo hindi ang sakit na nararamdaman niya. Ngunit kailangan niyang gawin iyon para humaba pa ang buhay niya at magkasama kayo. Puno siya noon ng pag-asa. Lahat ay ginagawa niya gumaling lamang siya ngunit nang iniwan mo siya, tuluyan na rin niyang pinabayaan ang sarili na parang wala nang ganang ituloy pa ang kaniyang laban. Mas nagiging pursigido pa siya sa kaso ng nanang mo kaysa sa pagpapagamot niya dahil ayon sa kaniya, gusto niyang iwanan ka ng isang buong pamilya at masaya na siyang mamatay kung makita niyang nagiging buo na kayo.”
“Bakit hindi niyo sinabi sa akin ang lahat ng ito noong nag-usap tayo dok?” di ko mapigilan ang di mapahagulgol.
“Hiling niyang hindi mo na dapat pang malaman ang kondisyon niya dahil nga pursigido siyang magpagaling. Tiwala at buo ang pag-asa niyang gagaling siya dahil sa pagmamahal mo. Ayaw niyang mag-isip ka ng iba kundi ang pag-aaral mo lang dahil alam niya kung gaano iyon kahalaga sa iyo. Gusto niyang mapanatili mo ang iyong konsentrasyon sa pag-aaral.”
“Dok, hindi ko alam ang gagawin ko kung tuluyan na siyang mawala sa akin.”
“Gano’n din siya sa iyo. Ngayon lang ako nagkaroon ng pasyenteng kahit sa gitna ng kaniyang paghihirap ay mas iniisip niya ang para sa mahal niya. Lagi kong naririnig na isinisigaw niya ang pagmamakaawa niya sa Diyos at ganito ang laman ng lagi niyang panalangin…
“Diyos ko, ibalato mo na sa akin ang buhay ko para sa baby ko. Kunin mo na lahat lahat ng kahit pa talino ko, lahat ng material na bagay na mayroon ako…ng kahit anong magandang kinabukasan para sa akin huwag lang ang buhay ko dahil hindi ko kayang maihiwalay sa taong mahal ko. Hindi ko siya kayang iwan Diyos ko.”
“Bakit hindi nakinig ang Diyos? Bakit hinayaan niyang naghihirap parin siya?” pasigaw ko na iyong nasabi.
“May dahilan ang Diyos kung bakit niya ginawa ito sa inyo. Hindi mo man ngayon nakikita dahil nauuna ang galit at pagdadalamahati mo ngunit sa pagdaan ng buwan o taon, malalaman mong may dahilan din ang Diyos sa pagdating ni Gerald at ang tuluyan din niyang paglaho sa buhay mo.”
“Anak!” boses ni Daddy sa likod ko.
“Dad, bakit ganon? Bakit ito ang kapalit ng pagkabuo natin. Daddy ayaw kong mamatay si Gerald. Hindi ko kakayaning mawala siya sa atin. Bakit siya pa Dad? Bakit hindi niyo ito sinabi sa akin?”
“Dati tinanong ko na rin ang Diyos tungkol diyan ngunit sa pagdaan ng araw ay natanggap ko na lalo na nang nakausap ko si Gerald at buong puso na rin niyang tinanggap ang kapalaran niya. Walang may gustong mamatay si Gerald anak. Napakabuti niyang tao. Kayanin natin ang maaring pagkawala niya sa atin kahit gaano pa iyon kasakit. Hindi ko alam kung bakit siya ngunit ayon sa kaniya, siya ang binigyan ng Diyos ng ganoong karamdaman dahil alam ng Diyos na sa ating lahat, siya ang pinakamatatag at siya din ang kailangang maghintay sa taas. Hindi ko sinabi ito sa iyo dahil sa kahilingan niya. Gusto kong gawin mo ang kaisa-isa niyang hiling sa ating lahat. Walang luluha sa harap niya. Walang magpapakita ng awa, walang magpapakita ng kahinaan. Irespeto natin ang kagustuhan niyang iyon. Alam kong hindi mo kaya iyon ngunit nakikiusap akong kayanin mo tulad ng pagsasakripisyo niyang hindi niya hinayaang maapektuhan ka sa kaniyang karamdaman. Anak, hiling niya iyon na alam kong mahirap mong gawin ngunit kailangan nating ibigay sa kaniya. Kung hindi mo pa kaya, pumunta ka muna sa kuwarto mo, isigaw mo doon ang sakit ng loob mo. Iiyak mo doon ang paghihirap ng kalooban mo at pagbalik mo sa kuwarto niya, lahat ng naipon diyang sakit ay kaya mo ng pigilin kung nasa harap mo na siya. Ganyan ang ginagawa ko anak bago ko siya harapin.”
Ginawa ko ang hiling ni Daddy. Nagbasag ako sa sobrang pagsisisi ko sa mga nagawa ko sa kaniya. Sinuntok-suntok ko ang dibdib ko. Sumigaw ng ubod ng lakas. Lumuha, humagulgol, umiyak ng umiyak ngunit hindi ko kayang ubusin ang sakit. Naroon iyon na parang bukal na pabalik-balik. Parang dagat na hindi maubusan ng tubig. At noon alam kong hindi ko maipapangakong kaya kong magpakatibay sa harap ng taong nasaktan ko ngunit nanatiling tapat sa kaniyang pangako.
Kinahapunan ay kinatok ako ni Dok Joey sa kuwarto ko. Gising na daw si Gerald at kailangan ko ng ihanda ang aking sarili sa muli naming pagkikita. Kailangan ko daw patatagin ang loob ko. Hindi ko alam kung paano ko gawin ang hiling niya. Hindi ako makakapangakong kaya kong labanan ang pagluha.
Pagpasok ko ay nakita ko siyang nakasandal sa unan. Taglay nito ang kakaibang ngiti. Walang nakikitang paghihirap sa kaniyang mukha. Maaliwalas ang kaniyang pagkakangiti sa akin at nang mabungaran niya ako ay itinaas niya ang dalawang kamay at isinigaw niya ang katagang…
“Hey baby ko!”
Mabilis akong lumapit sa kaniya at niyakap ko siya. Pilit kong pinigilan ang pagluha. Niyakap din niya ako. Mahina ang kaniyang pagkakayakap ngunit sinikap niyang higpitan iyon. Tumuloy ang pag-agos ng aking luha ngunit ayaw kong ipakita iyon kaya panakaw kong pinusan iyon sa aking kamay at tinagalan ang pagkayakap ko sa kaniya nang di niya makita ang basa kong mga mata.
“Patawarin mo ako. Hindi ko po alam kung papaano ako babawi sa iyo bhie. Sorry…. Sorry…Sorry.
“Shhhh! Tahan na bhie. Huwag mo ng itago ang pag-iyak mo dahil alam kong umiiyak ka. Iyakin ka kayang baby ka.” pilit niyang pinasaya ang pag-uusap ngunit kahit kailan hindi ko nakitaan ng pagkatuwa ang nangyayaring ito sa amin.
“Sorry na po talaga!” tuluyan ng yumugyog ang balikat ko.
“Sa pagmamahal hindi kailangan ang salitang patawarin dahil kung tunay kang magmahal kasama nito ang pagtanggap mo sa kabuuan ng mahal mo hindi lamang ang kaniyang mga kalakasan bagkus mas dapat pang mahalin ang kaniyang mga kahinaan nang malaman mong siya at katulad mo ding nagkakamali.”
“Salamat baby. Paano kaya ako babawi sa iyo?”
“Sige simulan mo ng bumawi ngayon. Gusto kong ituring mo ako katulad ng dati, iyong baby mong malakas at walang sakit. Gusto kong lagi kang nakatawa o nakangiti. Sige, puntahan natin sina nanang at daddy sa garden sa may pool. Sabayan natin sila sa hapunan. Matagal na akong hindi nakakalabas at ngayong nandito ka na ay gusto kong gawin muli ang dati nating ginagawa.”
Napakasaya ng hapunang iyon sa akin. Katabi ko ang mahal ko at kaharap ko ang nagkabalikang mga magulang ko. Wala ni isa sa amin ang bumanggit tungkol sa karamdaman niya. Tanging mga masasayang alaala naming dalawa ang naging paksa at ang mga nakaraan nina nanang at daddy din ang paminsan-minsan ay tinatanong ni Gerald.
“Nang, bukas po baka darating na po yung magtuturo sa inyo sa mga basics ng pagbabasa at pagsusulat. Huwag po sana kayo mainsulto pero kailangan po ninyo iyon lalo na kapag gawin kayong Manager ni Daddy sa isa sa mga shops niya. Nabayaran ko na din kaya huwag na kayong tumanggi pa.” nakatawang balita ni Gerald.
“Gano’n ba? Salamat anak. Iyan talaga ang gusto kong gawin.”
Tumitig ako kay Gerald. Naisip kong bakit lumikha ang Diyos ng katulad niya at kukunin din siya kaagad sa amin. Napakalupit naman ng kapalaran na kung sino pa ang may mabuting kalooban ay sila pa ang maagang kinukuha ng Diyos. Ayaw kong lumuha kaya kinuha ko ang tubig sa harapan ko at inubos ko ang laman niyon.
Nagkatabi kami sa pagtulog ni Gerald. Nakayakap ako sa kaniya magdamag at sa tuwing nagigising siya ay haharap siya sa akin at hahalikan ang labi ko sabay sabihing…”Baby naghihilik ka!”…kahit hindi naman. At kung sakaling makatulog ako at matanggal ang braso kong nakayakap sa kaniya ay magmamaktol na parang bata. Titigil lamang siya kung muli kong hihigpitan ang pagyakap sa kaniya.
Kinabukasan ay maaga niya akong ginising. Kailangan daw magpalit na ako at huli na ako sa intership ko. Pagkaligo ko ay nasa kusina na siya at hinihintay niya ako para sabayan ng agahan. Kahit medyo mahina na siya ay pilit parin siyang sumasama na ihatid ako sa clinic na pinag-iinternan ko at pagdating ng hapon ay naroon din siya para sunduin ako. Masayang-masaya siya sa tuwing sasakay na ako at yayakapin niya sabay sabing…”Yeyyyyy dito na mahal kong baby!”
Pagkaraan ng dalawang linggo ay kinausap ako ni Doctor Joey.
“Bumubuti ang kalagayan niya. Parang lalo siyang nagiging malakas sa ngayon hindi katulad ng wala ka sa tabi niya. Kailangan lang nating maghanda dahil magiging palagian na ang pag-atake ng sakit niya. Pero kung titignan mo siya ngayon, parang lalo siyang lumakas at sumigla. Tignan mo nga naman talaga ang nagagawa ng pag-ibig ano?” nakangiting balita niya sa akin.
Dalawang linggo pagkatapos naming kumain ng hapunan. Sinabi niyang pupunta na kami sa kuwarto para manood ng paborito naming mga Romantic Comedy movies.
“Bhie, pasuyo lumabas ka muna dito sa kuwarto kahit ilang oras lang. please!”
Alam kong may mali at inaatake siya ng sakit niya.
“Bhie, hindi kita iiwan dito lang ako. Sandali at kukunin ko ang mga gamot mo.”
“Ayaw kong makita mo ako sa ganitong sitwasyon kaya parang awa mo na. umalis ka na muna hahhhhhhhhhhhhhhhhhhhh!” alam kong hindi na niya makayanan ang sakit ng kaniyang ulo. Namumula ang buong mukha niya. Hawak niya ang ulo at umiikot-ikot na siya sa kama niya na may kasabay na pagsipa. Umiiyak lang akong nakamasid sa kaniya. Pilit kong pinainom ng gamot niya ngunit sumuka lang siya ng sumuka. Pinakalma ko siya.
“Baby, huminga ka ng malalim. Hinga ng malalim at kahit sandali lang ay tumigil ka. Kaya mong pigilan yan baby, Please.”
Kinagat niya ang labi niya. Tumingin siya sa akin namumula ang mga mata at may mga luha sa gilid nito. Naawa ako sa kaniya dahil alam kong sobrang sakit na ngunit kailangan niya akong sundin. Tinurok ko ang injection sa kaniya at pagkatapos no’n habang hinihintay naming umepekto ang naiturok sa kaniya ay niyakap ko siya ng mahigpit. Alam kong masakit na masakit ang ulo niya at nagsusuka dala ng kaniyang sakit at hinayaan ko lang na masukahan niya ako basta hindi ko siya iiwan. Hindi ko siya kayang iwang mag-isa. Pagkaraan ng ilang saglit ay humina na ang kaniyang pagkakayakap sa akin at alam kong makakatulog na siya. Muli kong pinagmasdan. Alam kong kahit ano ang gawin ko, kahit pa doctor ako ay tanging Diyos na lamang ang makakatulong sa kalagayan niya. Sana maawa ang Diyos sa amin. Sana bigyan niya kami ng himala. Kahit sa buong buhay namin ay ngayon lang niya kami mabalatuhan ng kaniyang himala.
Dalawang linggo pa bago ang aking graduation ay niyaya ko siyang lumabas kami. Dinala ko siya sa restaurant na unang pinangdalhan niya sa akin. Muling bumalik sa alaala niya ang araw na naroon kaming dalawa. Lahat ng aming mga napagdaanan at pagkaraan ng isang oras ay tinawag na ang pangalan ko para alayan ang taong mahal ko ng isang kanta. Muli kong kakantahin ang kantang inalay niya sa akin. May boses din naman ako hindi nga lang katulad ng ganda ng boses niya ngunit alam kong mabibigyan ko ng hustisya ang buong kanta.
Pumailanlang ang intro ng “Everything I Have” at habang kinakanta ko ay bumabalik ang lahat sa akin. Hindi ko napigilang hindi maiyak habang kinakanta ko iyon lalo pa’t nakangiti ang mahal kong nakamasid sa akin. Katulad ko, umiiyak din siya. Alam kong iyak iyon ng sobrang kaligayahan dahil sa kabila ng pagsubok, buo parin kaming dalawa.
If I could be the perfect man in your eyes
I would give all I'm worth to be a part of your life I could promise the world but it's out of my hands I can only give you everything I have
Alam kong ako ang pinakamalaking bahagi ng buhay niya. May mga pagkakamali man ako ngunit alam kong dama niyang sobrang mahal na mahal ko din siya. Hindi ko nga lang kayang ibigay at dugtungan ang buhay niya ngunit kung sana puwede lang ibalato sa kaniya ang kalahati ng buhay ko ay ginawa ko na para sabay din kaming magbabalik sa hiram naming buhay. Kung sana puwede kong ibigay ang bawat kalahati ng aking hininga ngunit ang kaya ko lang ibigay ay kung anong meron ako. Siya…lahat lahat ng sa kaniya ay ibinigay niya sa akin.
I never dreamed I could ever feel the way I do
I hope and pray I will always be enough for you I can only do my best I have to trust you with the rest
Dumating siya sa buhay ko at hindi ko inaakalang makakatagpo ako ng taong kakaiba kung magmahal. Ang taong bumuo sa aking pagkatao. Umaasa ako at nananalangin na sana sapat na ako para sabihin niyang naging masaya siya sa mundo. Dinadalangin ko na nawa’y naging kumpleto siya sa pagmamahal ko. Inaasahan kong hihintayin niya ako kung saan man siya tutungo at doon ay muli naming ipagpapatuloy ang naudlot naming pag-iibigan. Habang narito pa siya, gagawin ko ang lahat para mapaligaya siya. Hindi ako perpekto ngunit sisikapin kong maging ganoon sa kaniya at ang mga hindi ko man magawa ay alam kong siya na ang pupuno. Parang hindi ko na kayang ituloy ang kanta. Sobrang mabigat na ang dibdib ko at hindi na ako makahinga. Napaupo ako at yumuko na lamang sa kaiiyak nang biglang may tumuloy sa lyrics ng kanta…
I promise I will hold you through the changes and fears
when life seems unclear and when I can't be right there with you I know there’s an angel by your side
Siya ang nagtuloy sa lyrics na iyon ng kanta. Nakangiti siya habang kinakanta niya ngunit bumabagtas ang luha sa kaniyang pisngi. Alam kong nanghihina siya ngunit pinipilit niyang umakyat ng stage habang kinakanta iyon. at nang matapos ang lyrics na iyon ay hinawakan niya ang kamay ko at pinisil. Sa sandaling iyon, wala kaming pakialam sa mga naroon at nanood. Ang tanging mahalaga ay ang sasabihin ng taong mahal ko at hindi ang iisipin ng iba. Hindi ko alam kung hanggang kailan na lang siya sa piling ko at gusto kong iparamdam ang pagmamahal ko sa kaniya sa alam kong tama lang para sa katulad niya. Hindi ko siya ikakahiya at wala na akong pakialam pa sa sasabihin ng iba. Sa harap ng madaming tao, habang ang lahat ng mata ay nakatutok sa amin ay hinalikan ko siya sa labi.
Hiyawan ang mga naroon. Pumapalakpak. Ang ilan ay may mga luha sa kanilang mga mata. Nadala sila sa madamdamin naming pagkanta. At ilan sa mga naroon na kasabay naming umiyak ay mga kakilala niyang nakakaalam sa kalagayan ng taong kayakap ko… ang mahal kong malapit ng bawiin ng langit sa akin.
Sa pagdaan ng araw ay lalong nagiging madalas na ang pag-atake ng sakit ni Gerald. Namalagi na si Doktor Joey sa bahay na katulong ko sa pag-aasikaso sa kaniya. Sa tuwing nakikita kong namimilipit siya sa sakit ng ulo at nagsisigaw siya habang mahigpit niya akong niyayakap ay parang ako ang nasasaktan. Sinasabayan ko iyon ng pagdarasal na sana huwag na siyang pahirapan pa ng Diyos dahil sa katulad ni Gerald na kabutihan ang ginawa niya sa buong buhay niya ay hindi niya deserve ang ganoong pagpapahirap. Kung maari lang na ipasa niya ang sakit na nararamdaman niya. Tanging yakap ko at halik sa kaniyang noo ang tangi kong magawa. Noon ko din napag-isip-isip na kahit gaano ka pala kagaling na doctor ay may mga sakit ding hindi mo kayang gamutin at ang lalong napakasakit sa akin ay wala akong magawa sa karamdaman ng taong sobra kong minahal.
May mga gabing nahuhuli ko siyang may ka-chat at mga litrato ko ang naka-share. Hindi ko alam kung ginagamit niya ang mga pictures ko sa pakikipagchat ngunit hinayaan ko na lamang siya dahil nakikita ko namang nawiwili siya sa ginagawa niya. Bigla niya akong gigising sa umaga, kukuhanan ng pictures sa ilang mga anggulo. Tatanggalin niya ang damit ko at tuwang tuwa siyang kunan ako na tanging boxer short lang ang suot ko. I-upload niya iyon sa Facebook account niya o kaya ay i-share sa kung sinuman ang ka-chat niya. May mga sandali ding nagtatawagan sila ng ka-chat niya at nagulat na lamang ako ng bigla niyang ipinasa sa akin ang celphone niya.
“Bhie, kausapin mo siya, kaibigan ko yan sa Houston. Sa kanila ako namamalagi noong nagpapagamot ako doon. Bryan ang pangalan niya.”
Para kay Gerald kakausapin ko naman at makipagkuwentuhan ngunit ginagawa ko lang iyon dahil parang natutuwa siyang nakikinig sa usapan namin ng kaibigan niya. Tuwang-tuwa siya kung nakikita niyang natatawa ako sa jokes ni Bryan. May iba akong nararamdaman sa ginagawa niyang iyon ngunit hinayaan ko na lang gawin niya ang lahat na makapagpapasaya sa kaniya.
Dumating ang araw ng graduation ko. Mahinang-mahina na si Gerald ngunit pinilit parin niyang sumama para makita daw niya akong aakyat sa entablado at tanggapin ang diplomang noon ko pa pinangarap na makamit. Lahat nasa kamay ko na. Lahat ng pangarap ko ay nasa akin na, maliban sa taong mahal ko. At siya… siya pa na pinakamalahaga sa lahat ng aking pangarap ang alam kong napipintong mawawala sa akin.
Pagkatanggap ko ng diploma ko ay itinaas ko iyon at nakita ko ang pagtayo niya at pagpapalakpak. Nasa mukha niya ang kakaibang saya. Napapaluha siya sa kakatawa. Masayang-masaya ang baby ko sa aking pagtatagumpay. Pababa na ako sa entablado at babalik sa aking upuan ng bigla na lang siyang nakitang natumba sa upuan niya. Nang makalapit ako sa kaniya ay buhat na siya ni Daddy na walang malay. Lahat kami ay natakot. Ako man din ay humahagulgol na, pero alam kong buhay siya at nawalan lang ng malay. Isa iyon sa mga simtomas na malala na nga ang tumor niya, ang pagkawala ng malay. Dinala na namin siya sa hospital ngunit ilang sandali pa ay nagpilit na siyang lumabas para daw sa makaattend siya ng party sa bahay.
Nakipag-usap lang siya sandali sa mga bisita at hiniling niya sa akin na ihatid na siya sa kuwarto niya dahil pagod na pagod na siya at gusto na niyang matulog.
“Bhie,” hinawakan niya ang kamay ko. Tumitig siya sa akin. Nakangiti. “Lahat ay nakamit mo na. Lahat ay naibigay ko na. Lahat ng meron ako, nasa sa iyo na. Pagod na akong lumaban ngunit masaya akong nasaksihan ko ang lahat ng iyon. Kung anuman ang mangyari sa mga susunod na araw, gusto kong magpakatatag ka. Alam kong nahihirapan ka na ding nakikita ako lalo na kapag inaatake ako ng sakit ko. Mas lalo kasing masakit sa aking nakikita kang hindi alam ang gagawin sa tuwing tinatamaan ako ng karamdaman ko. Mangako ka sa akin na buksan mo lang ang puso mo na wala na ako. May darating sa iyo at alam kong mamahalin ka niya tulad ng pagmamahal ko.”
“Hindi ko kaya. Kahit wala ka na, gusto kong ikaw lang ang huli kong mamahalin.”
“Bata ka pa bhie, gusto kong ienjoy mo ang buhay mo. Huwag kang matakot magmahal. Oo nga’t masasaktan ka ngunit kasama iyan kung nagmahal ka. Kakambal ng ligaya ang sakit sa pag-ibig. Lahat kailangan sumubok sa pag-ibig. Hindi mo alam kung magiging masaya ka o magiging malungkot, wala ka ding alam kung magtatagumpay ka o mabibigo kung hindi mo subukang magmahal. Subukin mong magmahal bago mo malalaman ang kahihinatnan. Ang mahalaga sa pag-ibig ay ang sumubok kang magmahal at ngumiti, hindi yung sumuko ka na agad na hindi pa sumusubok.”
“Ngunit bhie, ikaw lang ang mahal ko, wala ng hihigit pa sa iyo, wala ng makakagawa sa mga nagawa mo sa akin.”
“Hindi ko naman sinasabing may papalit sa akin kung saan mo ako ilalagay sa buhay mo. Mananatili ako doon. Ngunit subukan mo lang buksan ang ibang bahagi ng puso mo para sa iba. Maaring may darating na magbibigay sa iyo ng hindi man katulad ng ginawa ko ay ibang nakakatuwang pagtatapos naman ng pag-ibig ang hatid nito sa iyo. Matatahimik ako’t masisiyahan kapag makita ko na sa kabila ng masakit na karanasan at pagtatapos natin ay muli kang magmahal at binuksan mo ang puso mo sa bagong darating.”
Gusto ko mang tumanggi sa sinabi niya ngunit hindi ko na siya kinontra pa. Itinaas ko ang kumot niya. Hinagkan sa labi at muli kong pinalaya ang luha ng pagdadalamhati.
“Kung may darating hayaan mong magiging handa muna ang puso ko’t isipan bago ko harapin ang bagay na iyan. Ngunit pangako kong bubuksan ko ang puso ko sa iba.”
“Huwag kang mangako bhie…sumumpa ka!” pagkasabi niya niyon ay nakita ko ang mabilis na pagpunas niya sa kaniyang luha na umagos sa kaniyang tainga. Alam kong masakit din sa kaniyang palayain ako ngunit alam niyang iyon ang dapat at tama.
“Sumpa ko iyan sa iyo bhie. Sumpa ko ‘yan.”
Kinabukasan ay hinawakan niya ang kamay ko. Pinikit niya at minulat ang mga mata. Kinabahan na ako sa nakita kong reaksiyon niya. Alam ko ng mangyayari iyon sa kaniya.
“Bhie, anong oras na? Bakit mo pinatay ang ilaw sa kuwarto?”
Niyakap ko siya. Mahigpit na mahigpit. Hindi ko alam kung paano ko sasabihing pati kurtina sa kuwarto niya ay nakabukas at sumisilip na ang sinag ng araw sa kaniya. Hindi ko na naman napigilan ang lumuha dahil alam kong ilang oras na lamang ay mamaalam na siya sa akin.
“Bhie, magsalita ka naman.”
“Umaga na baby. Nakabukas ang bintana mo at maliwanag ang araw.” garalgal kong sagot. Sobrang sakit sa aking makita siya sa ganoong kalagayan. Hindi ko kayang pigilin ang umiyak.
“Alam ko na. Naiintindihan ko na. baby, huwag mo akong iwan. Gusto kong nahahawakan kita para kahit hindi na kita makita ay alam kong nariyan ka lang sa tabi ko. At kung sakaling hindi na kita marinig, kung sakaling hindi ko na kayo makikilala pa at hindi na din ako makapagsalita, gusto kong yakapin mo lang ako. Gusto kong ihatid ako ng yakap mo hanggang sa huli kong hininga. Mahal na mahal kita. Naging buo ang buhay ko dahil sa iyo at sinumpa mo sa akin, sana gawin mo para sa ikaliligaya mo din. Hihintayin kita bhie. Alam kong muli tayong magkakasama at hihintayin kita doon.”
Niyakap ko siya… “Mahal na mahal kita! Salamat sa lahat lahat. Ikaw ang gumawa ng paraan para makamit ko lahat ng pinangarap ko. Ikaw na pinakamahalaga sa akin ang tuluyan pang mawawala ngunit gusto kong malaman mo na ikaw ang pinakamalaking bahagi ng buhay ko. Hinding-hindi kita makakalimutan.”
Ilang oras pa ay dumating na lahat ang kinatatakutan ko. Tama ang sabi niya kagabi, pagod na siya sa pakikipaglaban. Gusto na niyang magpahinga at hiniling ko sa Diyos, taimtim akong nanalangin na ibigay na niya ang hiling ng baby kong magpahinga.
Hanggang nawala na ng tuluyan ang kaniyang pandinig, hindi na niya maikilos ang kalahating bahagi ng katawan, hindi na din siya makapagsalita at kahit hindi niya ako marinig ay kinakantahan ko siya ng Everything I Have… paulit-ulit, hindi ako nagsasawa kahit pa pinapaos na ako. Lumuluhang nakamasid lang sa amin si Nanang at Tatang. Nakahiga kaming dalawa sa kama niya. Nakaunan siya siya sa isang braso ko. Nakadantay ang isang braso niya sa akin habang yakap ko siya. Paulit-ulit akong kumakanta at alam kong iyon ang gusto niya hanggang naramdaman ko huminga siya ng ubod ng lalim, nanginginig siya na parang giniginaw at tuluyang nanigas. Mas hinigpitan ko ang yakap ko sa kaniya. Itinigil ko ang pagkanta, humagulgol ako at para maibsan ang naipong pagdadalamhati sa dibdib ko ay buong lakas kong isinigaw ang pangalan niya….
“GERAALLLLLLLLLDDDDDDDDD”
Sa burol walang patid ang pagdating ng mga gustong makita siya. Hindi ko siya iniwan. Lagi ako sa tabi ng kaniyang kabaong. Hindi ko pansin ang ikot ng lahat. Hindi ko din pansin ang pagdating at pag-alis ng mga nakidalamhati. Masyado akong natamaan sa pangungulila. Akala ko kasi kaya ko na. Akala ko din matatanggap ko ang pagpanaw niya pero hindi pala ganoon kadaling tanggapin ang sakit na iwan ka ng mahal mo dahil kailangan na niyang mauna.
Ako din ang huling umalis sa libing. Nagpaalam na sina nanang at tatang. Sinabi kong susunod na lamang ako dahil gusto kong magpaalam kay Gerald ng ako lang at siya ang nasa sementeryo. Nakidalamhati ang langit. Bumuhos ang ulan.
Biglang may nagpayong sa akin. Lumingon ako at isang gwapo at matipunong lalaki ang nakita ko. Mas matangkad si Gerald ngunit hindi sila nagkakalayo ng hitsura. Ngumiti siya sa akin. Nakatingin lang ako sa mukha niya. Nagtataka. Madaming gusting itanong.
“Ako nga pala si Bryan. Kaibigan ni Gerald. Yung nakausap mo sa celphone from Houston? Ibinilin ka niya sa akin. Sana hayaan mong tulungan kitang bumangon muli.”
“Kailan ka pa dumating dito?”
“Nang araw na namatay siya, hindi ko na siya naabutan pero sa celphone nakapangako ako sa kaniyang ako ang mag-aalaga’t titingin muna sa iyo. Sana maging bukas ka sa pagdating ng mga pagbabago sa iyong buhay. Hindi ako nagmamadali. Handa akong maghintay. Basta nandito lang ako hanggang handa ka na muling humarap sa bagong yugto ng buhay.”
Hindi na ako nagsalita. Naalala ko ang sumpa ko kay Gerald. Pinaghandaan niya lahat. Ibinigay niya ang lahat ng mayroon siya. Inakbayan ako ni Bryan nang tumalikod kami sa puntod ni Gerald.
Babalik ako. Hindi siya mawawala sa aking alaala. May natatangi siyang lugar sa puso ko't buong buhay. Walang sinuman ang papalit sa kaniya doon ngunit may nakalaan paring bahagi ng puso ko sa iba. Iyon ang binitiwan kong sumpa sa kanya. Hindi ako magsasawang bisitahin siya sa kaniyang libingan kasama ang kaibigan niya… kasama ng lalaking pinagkatiwalaan niya para sa akin.
|
Sana suportahan ninyong muli ang susunod kong nobela na pinamagatang Chakka, Inibig mo'y Pangit
haist naiyak ako sa kwentong ito ha grabe.
ReplyDeletei really don't know what to say about this story..all i know is that "TWO THUMBS UP!" i was crying, wala tigil ang luha ko sa pagluha..gusto ko ring isigaw kung ano naramdaman ko because it also happened to me but not really exactly kagaya ng estorya ni gerald at mario. Nawala din sa akin ang taong pinakamamahal ko...i hope i can find someone like him, like GERALD na wagas kung mag mahal..
ReplyDeletenathan;-)
HEARTFELT
ReplyDeletethanks guys.... pls read my next novel too...Chaka (Inibig mo'y Pangit)
ReplyDeleteJoemar thank you. Ang sakit nito. Pero salamat. Salamat
DeleteAng ganda ng kwento muh,napaiyak mu me,dpat binuhay mu c gerald at hndi cia namatay.
ReplyDeletesana hindi nalang namatay c Jerald para masaya.. buong pamilya..kakalungkot. .. ssubrang ganda ng storya, pagmamahal ng pamilya, pagpapatwad, at pagmahahal ng isang karelasyon.. subrang ganda
ReplyDelete