CHAPTER 18
“Mahigit dalawang taon na silang wala sa bahay.” Bungad sa akin ng kaniyang lolo.
“Saan po sila nagpunta?”
“Basta ang maibibigay ko lang sa iyong detalye ay sa Manila na sila ngayon nakatira. Hindi ko alam kung ano ang ginawa mo sa apo ko para magawa niyang suwayin ang gusto ko. Lahat ng gusto ko na alam ko namang ikagaganda ng kinabukasan niya ay sinuway niya ngunit wala naman siyang napala dahil hindi ka naman niya mahagilap. Masakit sa loob ko na tanging alaala ko sa namayapa niyang ama ay napapalayo din sa akin. Ang hindi ko lang maintindihan hanggang ngayon ay kung ano ba talaga ang gusto niyang mangyari sa buhay niya. Matanda na ako, ang tanging gusto ko na lang sanang mangyari ay makitang masaya ang apo ko sa pinili niyang buhay. Ngunit ang alam ko, sobra siyang naapektuhan sa nangyari. Hiling ko lang na sana huwag mo ng guluhin ang pananahimik niya ngayon. Pasensiya ka na pero ayaw ko na kasing balikan pa ng alaala ang lahat. Iyon lang ang maibibigay kong impormasyon sa’yo.”
Umalis din ako kaagad dala ang napakaraming mga katanungan. Nangilid ang aking luha. Paano kung ang tatlong taon na nagtago ako ay nasayang lamang dahil sa mga mali kong desisyon. Paano nga kung sa tatlong taon na iyon ay tahimik na siya pagkatapos kong iniwan at tinaguan. Anong karapatan kong guluhin iyon samantalang ako ang tumakas? Ngunit sa kabilang dako ay nag-aalala ako para sa kaniya. Ano ang nangyari nang wala na ako? Bakit kasi hindi ko man lamang siya nagawang tawagan o i-text man lamang sana noong nasa Dubai ako? Bakit hindi ako gumawa ng paraan na kahit magkalayo kami ay nagawa ko man lang makibalita sa kaniya?
Dahil nagutom ako ay dumaan muna ako sa malapit na fastfood. Nang mag-oorder ako ay napansin kong iba ang nakuha kong pitaka sa aking bag na iniwan ko sa kotse ni Mama na hiniram ko para lang hanapin si Lando. Tinatamad na akong balikan pa kaya naisip kong itanong kung maaring gamitin na lamang ang credit card ko. Nang hindi sigurado ang cashier ay tinawag niya ang Manager daw nila at nang lumingon ang babae ay nakilala ko kaagad siya.
Ang asawa ni Lando. Si Glenda.
Nakilala ko siya ngunit siya ang hindi nakakilala sa akin.
“Glenda! Kumusta na!” excited at masayang-masaya kong bati sa kaniya.
Tumingin siya sa akin na parang hindi talaga niya matandaan kung sino ako. Napakunot siya ng noo. Ngunit ilang sandali na niya akong tinitignan ngunit hindi talaga niya ako matandaan. Kaya minabuti kong magpakilala.
“Terence. Maalala mo? Yung bestfriend ng asawa mo?”
“Terence? Oh my God, is that you! My God! Anong nangyari!” bigla niyang sinabi na parang hindi parin talaga makapaniwala kaya lumabas siya sa counter at mabilis na hinarap ako. Malapitan niya akong tinignan.
“Oh my God. Grabe! Anlaki ng pinagbago mo. Doon muna tayo nang makapag-usap. Sandali lang ha. Aayusin ko lang yung order mo.” Bumalik siya sa cashier at sinabi niyang dadalhin na lang yung order niya sa table na pag-uusapan nila.
Pagkaupong-pagkaupo palang namin ay hindi na ako nakatiis na tanungin ang tungkol kay Lando.
“Kumusta naman ang mag-ama mo?”
“Ibig mong sabihin ang anak namin ni Lando at si Lando mismo?”
“Oo. Sino pa ba naman. Ikaw talaga.”
Ngumiti siya ng matipid. Tumingin muna sa malayo saka niya ako tinignan.
“So, wala ka talagang alam?” Seryoso ang kaniyang mukha.
“Alam sa ano? Bakit ba napakahirap kong malaman ang totoo. Ganyan din ang sinabi ng lolo niya. Ano bang totoo?” sunud-sunod kong tanong dahil masyado na akong nabibitin. Sobrang litung-lito na ako.
“Ilang araw bago ang kasal namin, kinausap niya ako ng masinsinan.”
Dumating ang order ko. Nilapag ng crew sa mesa. Tumigil muna siya hanggang nakaalis ang crew.
“Tapos? Anong nangyari?” usisa ko uli.
“Napapansin ko kasi noon na laging tulala. Napakalalim lagi ng iniisip niya. Tinanong ko siya kung ano ang gumugulo sa isip niya. Sinabi niya sa akin na kahit daw anong gawin niya ay hindi niya ako kayang mahalin dahil may nagmamay-ari na ng puso niya. Masakit din para sa aking tanggapin iyon ngunit kailangan kong makinig at unawain siya. Ayaw daw niyang mas may magiging masidhing problema kung pasukin namin ang pag-aasawa dahil sa nabuntis niya ako at wala namang pagmamahalan sa pagitan namin.”
“Sa pagitan ninyo? Ibig sabihin, hindi mo din siya mahal?”
“Sa pagitan ninyo? Ibig sabihin, hindi mo din siya mahal?”
“Hindi mo kasi alam ang totoong nangyari. Pero tutal napag-uusapan na din lang ay siguro mainam ng malaman mo kung saan nagsimula ang gusot na ito. Kaibigan ko si Lando noong college kami. May boyfriend ako na sobrang pasaway kaya lagi kaming nag-aaway. Dahil sa lalaki si Lando, siya ang lagi kong kinakausap para sana lalo kong maintindihan ang pinagdadaanan talaga ng boyfriend ko. Dahil si Lando ang laging nasa tabi ko, siya ang laging nakikinig sa akin, nahulog ang loob ko sa kaniya. Nagkainuman hanggang nangyari ang di dapat mangyari. Minsan lang nangyari iyon ngunit pagkatapos no’n umiwas na si Lando sa akin. Akala ko hindi nagbunga. Kaya nagkaayos muli kami ng boyfriend ko. Ngunit ilang buwan pagkatapos mangyari ang lahat ay nalaman kong buntis ako. Alam kong si Lando ang ama kasi may nangyari man sa amin ng boyfriend ko ay protektado kami ngunit iyong kay Lando dahil sa kapwa nakainom ay hindi namin nagawang gumamit ng protection noon. At kung susumahin ang buwan na buntis ako, iyon ang buwan mula nang may nangyari nga sa amin. Kaya maaring ako lang ang nagkagusto sa kaniya ngunit hindi siya sa akin. Naibaling ko sa kaniya ang pagmamahal ko sa boyfriend ko dahil nasa sa kaniya kasi ang katangian na hinahanap ko.”
Nakatingin ako sa kaniya. Tumigil siya. Tinignan ang inorder ko.
“Kumain ka na muna baka nagugutom ka.”
Biglang parang nanuyo ang lalamunan ko sa mga naririnig ko kaya minabuti kong uminom muna ng softdrink. Pinakawalan ko ang kanina ko ba pinipigilang malalim na hininga.
“Biglang nawala ang gutom ko. Anong nangyari sa dapat ay kasal ninyo?” pagpapatuloy ko.
“Hindi niya daw kayang itali ako sa kawalang kasiguraduhan. Kaya nang kinausap niya ako ay binuksan ko din ang katotohanan na kung ipilit ko ang gusto ko ay ako parin ang magiging kawawa sa huli lalo pa’t siya na mismo ang nagsasabi ng kung ano ang tunay niyang nararamdaman. Wala ako noong magawa kundi palayain siya habang maaga pa. Hindi natuloy ang aming kasal, Terence. Umalis siya noon agad-agad para puntahan ka sa Manila. Tinanggap niya ang mga masasakit na sinabi ng lolo niya tungkol sa kaniya dahil gusto niyang ipaglaban ang tunay niyang nararamdaman. Dama ko kung gaano ka niya kamahal. Walang araw na hindi ikaw ang bukambibig niya. Dama ko kung gaano ka niya iningatan sa buhay niya. Kaya ko siya pinakawalan dahil alam kong ganoon ka din sa kaniya. Inintindi ko ang lahat.”
“Naghintay ako. Hinintay ko kahit tawag lang niya. Pero nang hindi na ako makapaghintay ay umalis ako para makalimot. Umalis ako dahil ayaw kong makigulo.” Sagot ko.
“Gaano ka katagal naghintay? Hindi mo man lang binigyan yung tao kahit tatlong buwan lang?”
“Akala ko kasi…”
“Kaya maraming nadidisgrasiya dahil sa akala na ‘yan e. Iyon nga ang malaki mong pagkakamali e. Alam mong panalo ka na. Alam mong hawak mo ang suwerte sa larong iyon ngunit natakot kang ituloy ang laban ninyo. Ako kasi, nang sinabi niyang hindi niya ako mahal, alam kong talo na ako pero hindi ko muna siya isinuko bilang kaibigan. Sa pag-ibig kasi, parang sugal lang din iyan. Kung alam mong talo ka na, huwag nang ipilit, huwag nang ituloy ang laban lalo pa’t alam mong wala ka ng ipapanalo pa dahil kung ipagpatuloy mo lang, mas malaki ang matatalo sa iyo. Ganun naman talaga ang pag-ibig. Dapat alamin mo kung kailan ka pupusta ng malaki, kung kailan ka lalaban at kung hanggang saan lang ang kaya mong ipatalo. Nanalo ka na, tumakas ka pa. Kaya nang umiiyak siya dahil hindi ka na niya naabutan ay alam kong talo ako pero hindi ko kailangang isuko ang braha ko ng ganon lang. Nilaro ko ang huling braha ko hindi para magpatalo ng mas malaki kundi para matapos ang laro sa magandang pagtatapos. Iyon bang natalo ka pero naglaro ka parin dahil gusto mong mag-enjoy. Kaya sinuportahan ko parin siya bilang kaibigan hanggang tuluyan ko nang natanggap na magkaibigan lang talaga kami at tuluyan kong tinanggap na ituloy ang buhay. Hanggang sa nanganak ako ay hindi niya ako iniwan. Naging mabuti siyang ama sa anak namin. Ngunit hindi niya kailanman ipinaramdam sa akin na asawa niya ako. Pinaramdam niyang kaibigan ko lang siya. Laging handang dumamay. Ikaw Terence, anong ginawa mo nang umalis ka? Alam mo ba lahat ang nangyari nang minabuti mong takasan siya ng walang kahit anong pasabi? Akala niya hindi mo siya iiwan. Akala niya lagi kang nandiyan para sa kaniya. Nagkamali daw siya ng akala at pati ang tiwala mo sa kaniya ay ramdam niyang tuluyang naglaho kasama ka.
Hindi ako nakasagot. Tuluy-tuloy ang pagbuhos ng luha ko. Nasundot ng mga sinabi ni Glenda ang puso ko. Tama, napakalaki kong tanga. Napakalaki kong hangal.
“Sa’n ko siya makikita ngayon?”
“Nandito lang sila ng anak namin noong nakaraang buwan. Ibinigay ko sa kaniyang pangangalaga ang anak namin dahil may bago na din akong pamilya. Nagkatuluyan kami ng boyfriend ko dahil kay Lando. Mabuti nga natanggap uli ako ng boyfriend ko. Alam naman kasi ng boyfriend ko dati ang kaniyang mga pagkukulang na si Lando ang pumuno. Hanggang napaniwala din siya ni Lando na hindi nga kami talo. Na ikaw ang mahal niya, na dugong berde din pala ang kaibigan ko.”
“Dugong berde? Anong ibig mong sabihin? Bakla si Lando?”
“Pssst! Lakas ng boses mo… diyos ko naman. Sino naman ang straight na lalaking magmahal ng kagaya mo kundi kadugo mo din lang. Inamin niya sa akin iyon. Nang highschool daw kayo gusto niyang manligaw, gusto niyang baguhin ang kakaiba niyang nararamdaman, gusto niyang paniwalain ang sarili niya na lalaki siya at mali ang nararamdaman niya ngunit sadyang hindi niya ito kayang labanan. Nagawa daw niyag magpakalalaki dahil wala ni isa sa angkan nila ang babading-bading. Ano na lang daw ang iisipin ng mga pinsan niya at mga tito? Anong sasabihin sa kaniya? Ibig sabihin pala, hindi mo siya naamoy?”
“Hindi, as in hinding-hindi.” Totoo ako sa winika kong iyon. Noon ko naisip na kahit pala magkasama kayo ng matagal ng isang tao, kahit akala mo kilalang-kilala mo na ay may mga bagay kang hindi alam. May mga sikretong ang maysarili lamang ang nakakaalam. Ngunit sa kabilang banda, bakit nga ba ako magtataka e minahal nga niya ako. Ibig sabihin kabaro ko siya.
Katahimikan. Minabuti kong sumubo sa inorder kong burger at lumagok ng softdrink. Nilibot ko ang paningin ko sa fastfood.
“Kami ng asawa ko ang may-ari ng fastfood na ito. Gusto kong bumuo ng pamilya na alam kong mahal ako ng asawa ko at mahal ko din siya. Kasama pala ni Lando ang anak namin. Hindi sa hindi ko mahal ang anak namin ngunit alam kong mas kailangan ni Lando ang katulad ni Jay-ar para maibsan ang lungkot niya.”
“Kumusta siya? Sa tingin mo masaya na siya ngayon?”
“Iyan ang hindi ko masasagot. Sinabihan akong huwag ka na lang daw namin pag-usapan. Masakit ang loob niya, kasi kaya mo daw siyang tiisin ng tatlong taon. Nagawa mong hindi magparamdam sa kaniya ng ganoon katagal. Kung mahal mo daw siya, hindi ka umalis ng ganun-ganun lang na wala man lang paalam. Ilang beses siyang bumalik sa bahay ninyo para magtanong kung nasaan ka ngunit ang alam niya pati pamilya mo ay nabilinan mong hinidi sa kaniya sasabihin kung nasaan ka. Anong nangyari sa iyo Terence? Bakit mo pinahirapan si Lando ng ganoon katagal?”
Tanging buntong-hininga ang naisagot ko sa kaniya.
“Paano kung may iba na siyang mahal? Paano kung masaya na siya ngayon, Glenda? May karapatan pa kaya akong guluhin siya?”
“Pasensiya ka na Terence hindi ko masasagot iyan. Hindi na din ako naging palatanong sa personal niyang buhay. Sana maintindihan mo.”
Napailing ako. Hindi ko na tuloy alam ang iisipin ko.
“Alam mo ba kung saan ko siya makikita?”
“Naku, iyan ang lagi naming pinagtatalunan. Alam ko yung dati pero nang lumipat siya e, ayaw namang sabihin sa akin. Pero di ko na din lang kinulit kasi nga buwanan naman kung ipasyal niya si Jay-ar kaya nakampante na din ako.”
“Diyos ko hahalughugin ko buong Manila, ganun?”
“Ikaw nga Manila lang. Si Lando di niya alam kung saang lumapalop ka ng mundo naroon.”
“Salamat Glenda sa impormasyon. Kahit papano naliwanagan ako sa mga hindi nasagot ng kaniyang lolo. O, paano, tuloy na ako. Salamat talaga.”
“Good luck! Guwapo mo ha. In fairness. Naku, ilang metro na ang layo mo kay Lando ngayon. Grabe. Hindi ako makapaniwala sa laki ng pinagbago mo.”
“Salamat.”
Nakita ko ang saya sa mukha ni Glenda. Nakita ko ang kabutihan ng kaniyang puso at alam ko na kung sinuman ang matagumpay na lalaking pumili sa kaniya para makasama habang buhay ay hindi niya pagsisisihan ang pagkakaron ng katulad niya.
Nagkaroon ako ng kakaibang saya. Parang nakikini-kinita ko na ang masayang pagtatapos ng pagmamahalan namin ni Lando. Sobrang nabuhayan ako ng loob sa mga narinig ko. Minabuti kong umuwi muna sa bahay nang hindi sila mag-alala.
“Ma, si Lando ba pumupunta dito?” usisa ko kay Mama.
“Akala ko ba ayaw mong pag-usapan natin siya. Ni ayaw mo ngang banggitin ko siya sa iyo na parang may ginawa sa iyong hindi maganda yung tao.”
“Kaya nga ho ako nagtatanong sa inyo e, ibig sabihin handa na akong pag-usapan siya.”
“Kung umuuwi siya dito sa probinsiya noon, mga siguro dalawang taon na ang nakakaraan, lagi ‘yan dito. Tumira pa nga iyan dito ng tatlong buwan kasama nung anak nila ni Glenda. Masaya nga kami kapag nandito sila kasi ang cute-cute nung bata saka parang hindi ka umalis noong nandito siya. Siya ang parang ikaw. Hinintay ka niyang bumalik kaso hindi ka naman niya na nahintay. Higpit kasi ng bilin mong huwag ipaalam sa kaniya. Pati pagtawag mo iniingatan namin sagutin kung nandiyan siya ngunit alam niya, batid niyang pinagtataguan mo siya. Tuwing umaga at hapon nandiyan sila ni Jay-ar sa beranda. Siguro umaasang isang araw ay uuwi ka at maabutan mo siya dito. Umaasa na handa ka ng patawarin siya. Gustung-gusto na namin ng papa mo na sabihin kung nasaan ka ngunit yang kapatid mo ang kontra. Mahigpit mo daw lagi binibilin na hindi dapat malaman ni Lando kung nasaan ka. Kaya nirespeto na lang namin ang gusto mo.”
“Tatlong buwan siya dito Ma? Hindi ko man lang alam? Wala man lang hong nagsabi sa inyo?”
“Tapos ngayon kami ang nasisisi e ‘yun ang bilin mo sa amin. Anlabo mo naman anak e.”
Hindi na ako sumagot. May punto si mama, sumunod lang sila sa hiling ko.
“Ay sandali, noong dalawang taon ng wala ka talagang paramdam ay may iniwan siyang sulat. Naku saan ko kaya nailagay iyon. Hahanapin ko muna sa kuwarto. Sandali lang.” pagpapaalam ni mama.
Nang bumalik siya ay iniaabot ni Mama ang sulat ni Lando sa akin. Ito ang laman ng sulat.
Terence,
Kumusta? Andami kong gustong itanong sa iyo. Dami kong gustong sabihin.
Hindi ko alam kung saan kita hahanapin. Parang gusto ko ng sumuko sa kahihintay na balikan mo ako. Ito ba ang kabayaran ng lahat ng mga naging kasalanan ko sa ‘yo? Hindi ko alam kung hanggang kailan pa ako maghihintay o may aasahan pa ba akong darating? Paano kung may iba ka ng mahal? Paano kung kinalimutan mo na ako?
Araw-araw, gabi-gabi, ikaw lagi ang nasa isip ko. Hindi kumpleto ang bawat pagdaan ng araw dahil wala ka. Kung alam mo lang kung gaano ko iniiyakan ang mga gabing iniisip kita ngunit hindi ko alam kung nasaan ka. Hindi ko alam kung naiisip mo din ba ako. Wala akong alam dahil pilit mong pinagkakait ang pagkakataon na sana kahit boses mo lang ang marinig ko. Kahit sana malaman ko lang na nasa mabuti kang kalagayan. Sana alam mo kung gaano ako nahihirapan ngayon. Sobrang sakit, Terence, sobrang hirap ang ginawa mong ito sa akin. Sana man lang nagpaalam ka sa akin. Sana man lang marinig ko ang boses mo kahit ilang segundo lang para may lakas akong harapin ang hirap ng paghihintay.
Lupit mo, mahal ko. Ngunit sana kung mabasa mo ang sulat na ito ay malaman mong walang ibang laman ang isip at puso ko kundi ikaw. Wala akong ibang hiniling sa Diyos kundi ang kaligtasan mo at kaligayahan. Siguro kaya ka lumayo ay para matahimik ka na. Para malayo sa mga sunud-sunod kong pananakit sa iyo. Baka nga lumayo ka dahil pinipili mong huwag na akong mahalin pa.
Sa ginawa mong ito, kahit gaano kasakit sa akin ay pinapalaya na kita. Sana sa muli nating pagkikita ay wala pang nagmamay-ari sa puso ng bawat isa sa atin. Pasensiya ka na kung parang sumusuko na ako sa paghihintay. Wala kasi akong pinanghahawakan. Wala kang naging pangako sa akin na sana ay magpapatibay sa aking kalooban. Hangad ko ang iyong kaligayahan at katahimikan. At sana ako din, ipanalangin mo na sana magiging masaya na ako sa piling ng iba kung sa mga panahong mabasa mo ito ay may iba ng nagpapatibok din sa puso mo.
Paalam at maraming salamat. Sana lagi mong tandaan na wala akong minahal ng kasintindi nito kundi ikaw lang at makakaasa kang kung magmahal man ako ng iba ay batid mong hindi na kasintindi ng pagmamahal na inalay ko sa iyo.
Subukan ko pang maghintay. Pero kung sadyang wala na talaga ay sana mapatawad mo ako dahil wala akong pinanghahawakan, wala kang sinabing hihintayin kita. Hanggang sa muling pagkikita.
Nagmamahal,
Lando
Basam-basa ng luha ang buo kong mukha. Niyakap ako ni Mama. Pinunasan niya ang aking mga luha. Hindi siya nagsalita ngunit alam niya kung gaano kabigat ang dinadala ko. Naiintindihan niya kung gaano kahirap ang pinagdadaanan ko.
Kinabukasan ay tumuloy na ako sa Manila.
Nang nasa Manila na ako ay naisip kong magcheck-in na muna sa hotel. Hindi pa ako makahanap agad-agad ng matitirhang iba. Nakahiga na ako noon at nagpapahinga ng pumasok sa isip ko na kahit number lang ni Lando ay hindi ko man lang nahingi kay Glenda. Masiyado akong nadala sa mga narinig ko. Ni hindi ko nagawang hingin pati ang number ni Glenda. Laki ko paring tanga.
Nang makapagpahinga ako ay naisip kong puntahan ang aking condo para sabihan sa nakatira doon na binibigyan ko na lamang sila ng dalawa hanggang tatlong buwan na palugit dahil doon na ako muling titira. Namimiss ko na din kasi ang bahay na buong saksi ng aming nakaraan ni Lando. Gusto ko lang sariwain din ang lahat kaya gusto kong bisitahin muna iyon kahit sandali lang.
Nang nasa tapat na ako ng pintuan ay nagbuzz ako. Ilang sandali pa ay nabuksan ang pintuan. Nagulat ako sa aking nakita. Bumilis ang tibok ng aking puso. Parang akong ipinaghele sa alapaap. Iyon na siguro ang pinakamasayang araw sa buong buhay ko lalo na nang nagtagpo ang aming mga mata. Siya ay nagulat sa nakita niya sa akin at ako naman ay nagulat ngunit binalot ng hindi maipaliwanag na tuwa. Nang biglang may guwapong lalaki na tumabi sa kaniya. Tuluyang napawi ang ngiti sa aking mga labi. Bumigat ang aking paghinga. Umatras ako. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko. Parang gusto ko na lang doon ay biglang maglaho.
READ CHAPTER 19, CHAPTER 20, CHAPTER 21, CHAPTER 22, CHAPTER 23 AND FINAL CHAPTER IN MY BLOG. CLICK THIS LINK TO VISIT MY BLOG....http://joemarancheta.blogspot.com/
No comments:
Post a Comment