CHAPTER 20
May mga nangyari sa nakaraan na kahit anong gawing pagtakas ay pilit kang babalikan. May mga nakilala sa nakaraan na maaring maging dahilan ng mga suliranin sa kasalukuyan. Tinapos ko na ang kuwento naming dalawa ni Jc. Hanggang sa Dubai na lang iyon. Kinausap ko din naman siya ng matino noon na tapos na kami. Nang makausap ko si Jasper ay parang nabuo uli ang takot na naramdaman ko noong kasama ko palang siya sa Dubai. Hindi lang ako noon natatakot para sa sarili ko, mas matindi ang takot ko para kay Lando.
“Gurl, itong si Jc kinuha ang address mo diyan sa Pilipinas. Pati ang celphone number mo.” Balita sa akin ni Jasper nang makausap ko siya.
“Bakit mo ibinigay? Di ba sinabi ko sa iyo na huwag na huwag mong hahayaang makuha niya ang address ko dito? Saka akala ko ba kasi iniwasan mo na yung taong ‘yan. Hayan tuloy, hindi tayo makalayo-layo sa kaniya.”
“E, kasi gurl, nagyaya siyang uminom tapos hayun nalasing ako. Hindi naman sa bahay siya nag-aya. Saka madami din naman kami noon. Alam mo namang malungkot ang buhay dito sa Dubai kung wala kang mga kasama. Nakatulog ako noon sa kanila sa kalasingan, pag-uwi ko kinabukasan nakita ko sa sent items ko na lahat ng mga tinext mo sa akin na address mo at contact number ay nakaforward na sa mobile number niya.”
“Paano ‘yan ngayon?”
“At hindi lang pala iyon gurl. Nalaman ko lang sa isang kaibigan namin na kakilala niya daw dati pa diyan sa Pinas si Jc at galing na daw ito sa Mental Hospital dahil nagnervous breakdown siya nang mabigo sa pag-ibig at nagkaroon ng family problem noong college pa sila. Kaya nga siya nagtataka nang makita siya dito sa Dubai.”
“Napakarami mo namang magagandang balita sa akin ngayong araw na ito. Sobrang hinakot mo na yata ang mga inspiring chika sa Dubai.” Biro ko lang iyon dahil tumataas na naman ang nararamdaman kong tensiyon. “Ibig mong sabihin may tililing na dati si Jc?” pagpapatuloy ko.
“Iyon nga e, minsan daw naririnig ng mga boss niyang nagsasalita daw siya mag-isa tapos may mga pagkakataong naninigaw, may oras ding halos wala siyang ginawa kundi magtrabaho ng magtrabaho.”
“At kanino mo naman nalaman ang chikka na yan? Katrabaho mo yung tao?”
“Gaga, ano ka ba, e syempre nalaman ko iyon sa katrabaho niya nung nag iinuman kami. Napansin ko din iyon noong gabing iyon. Paiba-iba ang tungo ng pinag-uusapan namin ngunit halos laging ikaw ang bukambibig niya. Lalo na ngayon pinauwi na siya ng company niya kaya natatakot ako na baka puntahan ka niya diyan at baka kung ano pa ang gagawin niya.”
“Pinauwi na siya? Kailan pa?”
“Nalaman ko lang kahapon. Despedida na pala yung inuman na ‘yun. Nakakaloka. Dalawang araw na siyang nakakauwi. Sana naman hindi niya maisipan pang guluhin ang buhay ninyo ni Lando.”
“E, di ba nga wala sa katinuan. Baka naman hindi na din niya alam ang address ko.”
“Hindi e, may mga pagkakataong normal naman siya. Tingin ko kasi may sakit siyang “Sadistic Personality Disorder”. Alam mo naman ang mga maysakit ng ganoon. Baka kasi bigla ka na lang pupuntahan diyan at gusto pa rin niya siya ang dominante sa relasyon ninyo kahit nga tinapos mo na ang sa inyo. Noong nag-uusap kasi kami, talagang ang punto niya ay kayo parin at hindi pa nagkakahiwalay. Natatakot ako para sa inyo gurl.”
“Praning ka na naman e. Napakarami mong mga assumptions sa sakit ni Jc. Dapat pala BS Psycology ang kinuha mo noon at hindi BS Accountancy para naman matumbok mo talaga kung anong sakit nong tao. Sa dinadami ng sinasabi mong sakit nong tao, nalilito na ako. Puwede bang sabihing may sakit talaga siya sa pag-iisip hindi yung binibigyan mo ako nang kung anu-anong personality disorder na ‘yan. Saka ipagdasal na lang natin na hindi mangyayari ang kinatatakutan mo kaya huwag ka ngang ganiyan. Saka hindi ako pababayaan ni Lando.”
“Ayyy naman, haba ng buhok. O siya. Sinabi ko lang para kahit papano ay makapaghanda-handa ka kunsakali man. ”
Unang araw, pangalawang araw hanggang pangatlo, balisa ako. Hindi ako mapakali. Napapakislot ako sa tuwing may nagbabuzz.
“Okey ka lang ba mahal? Tatlong araw na kitang napapansin na balisa.” Puna ni Lando sa akin.
“Wala. Kung anu-ano lang napapansin mo sa akin. Huwag mo akong intindihin. Kung may problema ako, sasabihin ko naman sa’yo.” Pagsisinungaling ko. Ang totoo niyan ay takot ako para sa kaniya. Gusto ko sanang sabihin ang lahat ng nakaraan ko sa Dubai. Ngunit nakaraan na kasi iyon. Gusto ko na talagang ibaon sa limot. Saka hindi naman din siya nagtatanong sa akin kung ano ang mga nangyari sa akin sa Dubai. Ang lagi lang niyang sinasabi sa akin ay masaya siyang kasama na ako at kuntento na siya doon.
“Kung may problema ka, nandito lang ako. Alam mo naman ‘yun di ba? Kahit ano pa yan, malalagpasan natin.” Lumapit siya sa akin. Hinawakan niya ang baba ko saka niya ako hinalikan sa labi. Niyakap ako ng mahigpit pagkatapos. At sa ginawa niyang iyon ay pinapawi nito ang aking mga takot at pangamba.
“Sana lang wala kang nililihim sa akin kasi dahil sa mga paglilihim na iyan, napakarami nating mga sinayang na panahon sa buhay natin.”
“Lihim?” pagmaaang-maangan ko. “Ikaw, may mga nilihim ka ba sa akin dati?”
“Siguro hindi ko masabing lihim, hindi kasi ako sigurado noon e. Hindi ko din matanggap sa aking sarili na ganito ako kaya minabuti kong paglabanan ang lahat at hindi ko alam na lalo lang kitang masasaktan at tuwing nasasaktan kita, napapansin kong lalo kitang minamahal.”
“Naks naman. Pansin ko lang, nagiging korni ka na nitong mga huling araw.”
“Kakornihan ba ‘yun? Ikaw nga diyan ang malihim. Alam mo ba na noong high school tayo at may ginawa ka sa akin?”
“Alam mo yun? Akala ko ba lasing at tulog ka nun?” gulat kong tinuran. Nakaramdam ako ng pagkapahiya sa ginawa.
“Oo lasing ako noon pero alam ko ang nangyayari. Sayang nga hindi mo tinuloy haha” tumawa siya.
“Noong nagkagirl-friend ako at ikaw ang ginamit ko para manligaw, akala ko noon aamin ka na. Akala ko, dahil nasasaktan ka, sasabihin mo nang mahal mo ako pero nang ginawa mo parin iyon nagdalawang isip din ako na baka mali lang ang hinala ko. Saka hindi ko din alam noon kung ano ang magiging reaksiyon ko. Hindi ko pa kasi tanggap ang pagkatao ko noon at kinamumuhian ko yung nararamdaman ko.”
“So hindi mo mahal si Janine noon?”
“Hindi no. Pinapaselos nga kita. Pero antindi mo ha. Wala akong naramdamang pagbabago o galit sa iyo. Kung ano ang pakikitungo mo sa akin noong wala akong gf, ganoon ka padin kahit nagkasyota na ako. Ang ending, sarili ko pa din yung pinahihirapan ko.”
“Sus, yun ang alam mo no. Sakit kaya sa akin iyon noon kaso lagi kong ipinapaunawa sa sarili ko na hindi mo ako gusto, na lalaki ka at babae ang para sa iyo at sino ba naman ako na iparamdam ang pagmamahal e sobrang chakka ko noon.”
“Sa totoo lang, hindi ko tinitignan ang pisikal mong kaanyuan noon kasi mas nakikita ko yung kabutihan mo sa akin. Hanggang nagcollege tayo. Akala mo ba hindi ko alam na sinundan mo lang ako ng pag-aaralan. Alam kong napilitan ka lang na mag-enrol sa pinag-enrolan ko kasi gusto mo magkasama tayo pero tindi mo talagang magtago ng nararamdaman mo. Sabi ko noon sa sarili ko, kung ayaw mong maunang magtapat, e hinding-hindi ako magpaparamdam sa iyo. Puro ka lang kasi gawa, hindi ka naman nagsasabi. Hanggang dumating na si Ram sa buhay ko. Siya ang nagpagising sa tunay na ako.”
“Minahal mo din ba si Ram?”
“Noong una, minahal ko siya. Sa kaniya ko naibaling yung pagmamahal ko sa iyo. Naisip ko kasi baka nga hindi mo din ako mahal. Baka likas lang sa pagkatao mo ang mabait, maalahanin at mapagmahal. Kaya dahil nakatigas mo noong mga araw na iyon at ayaw sabihing mahal mo ako, e naisip kong doon na lang ako sa taong kaya akong panindigan. Kaso nagkamali ako. Naging masalimuot ang buhay ko. Mas lalong nasira ang kinabukasan ko at ikaw muli ang nag-ayos no’n. nahihiya na ako ng sobra noon sa iyo kaya gusto ko, kapag magkita tayong muli, iparamdam ko na sa iyo ang pagmamahal ko. Hindi na ako matatakot. Hindi na ako mahihiya. Pero sadyang pinaglaruan tayo ng tadhana dahil dumating naman si Glenda. Pero nang magkasama kami ni Glenda, alam kong hindi ako sasaya sa kaniya. Sinubukan ko ng tatlong buwan lalo pa’t ayaw mo naman akong ipaglaban na para bang pinagtulakan mo pa ako. Sinunod ko ang gusto mo pero naramdaman kong may mali. Gusto ko, ikaw ang makasama ko sa pagtanda. Ikaw lang ang taong nakakapagpasaya sa akin. Ramdam ko na kumpleto ang buhay ko kapag kasama kita. Kaya sana, kung may gumugulo man sa iyo ngayon, sabihin mo sa akin. Handa akong makinig at unawain lahat. Hindi na tayo dapat bumalik pa sa ganoong mga sitwasyon na dahil sa takot natin na baka mabigol lang tayo ay mas pinipili nating sumuko na lang o manahimik. Hindi pala ganoon ang buhay. Dapat matatag na harapin at sabihin ang nanaisin at kung mabigo man ay alam mong sumubok ka at huwag manghihinayang dahil alam mo sa puso mong lumaban ka kaysa sa kaagad na sumuko na hindi ka sumubok.”
Niyakap ko muli siya. Tagos sa puso ko lahat ang sinabi niya at buum-buo yung pagmamahal ko sa kaniya. Ayaw kong mawala pa siya sa akin. Hinding-hindi ko hahayaang may sisira pa sa amin. Kahit pa kamatayan ang katumbas no’n ay hindi ko siya bibitiwan kahit kailan.
Natapos ang isang Linggo mula nang tinawagan ako ni Jasper tungkol doon at wala namang dumating na Jc ay parang tuluyan ko na lamang kinalimutan na mangyari ang kinatatakutan niya. Ang importante kasi ay masaya ako at kumpleto sa piling ni Lando at ang anak niyang tinuturing ko na ding anak. Ayaw kong mabalot lang ng takot at pangamba ang araw-araw naming pagsasama. Ayaw kong bigyan siya ng proproblemahin.
“Nag-order ka na ba ng pizza mahal ko?” tanong sa akin ni Lando habang masaya kaming nanonood ni Lando ng isang science fiction movie. Si Jay ar naman ay nakatulog na sa sofa. Kinumutan na lang muna namin doon at ipasok na lang sa kuwarto niya kung matutulog na kami.
“Oo, kanina pa. Parating na din iyon mamaya. Taman-tama patapos na pinapanood natin at gusto ko isunod na natin ay horror naman.” sagot ko.
“Horror? As in Horror talaga ang gusto mo? Sige horror basta siguraduhin mong tapusin mong panoorin na hindi ka nakatakit ng mukha att pagkatapos nating manood patulugin mo ako ha, kasi alam na alam ko na naman ang ending nito, gusto mo na naman na patutulugin muna kita bago ako matulog. Tanda mo na, natatakot ka pa sa napanood mo lang.”
“Mas maganda kasi ‘yun para mas nararamdaman kong nandiyan ka laging bantayan ako hanggang makatulog. Saka kapag mga ganiyang movie pinanonood natin hindi ako makayakap ng madalas sa’yo.”
“Anong hindi naman e, anong tawag mo sa ginagawa ko sa iyo ngayon. Hindi ba yakap to?”
“Basta horror ang gusto kong isunod natin.”
“Lang ‘ya naman mahal ko. Laging ikaw ang nasusunod kung ano ang panonoorin ah. Basta sigurado kang manood ka at walang matakot mamayang gabi.”
Nang biglang may nagbuzz.
“Mahal ko, kunin mo si Jay-ar. Ako na lang ang kukuha sa pizza. Ihatid mo na lamang siya sa kama niya.” Malambing niyang pakiusap sa akin.
“Ako na kukuha nung pizza mahal. Baka magising pa yang bata e, alam mo namang ikaw ang gusto niyang naghahatid sa kama niya. Ako na ang magbukas at dalhin mo na lang si baby jay-ar sa kuwarto niya.” Habang sinasabi ko iyon ay kumilos na ang mga paa ko para buksan ang pintuan. Hindi na ako sumilip pa dahil alam kong wala naman ng ibang kakatok pa sa amin kundi ang magdadala ng pizza.
Pagbukas ko ay nanlaki ang aking mga mata at biglang parang tumigil ang pag-ikot ng aking mundo. Isasara ko na sana nang mabilis niyang ipinasok ang isang paa. Minabuti kong ako na lang ang lumabas at muling isinara ang pintuan.
“Kumusta?” seryoso at may dating na tanong ni Jc.
Nakasumbrero siya at nakajacket ng itim. Hindi ako makasagot. Nakapalakas ng kabog sa aking dibdib. Kinakabahan ako na parang hindi ko maipaliwanag. Muli akong tumingin sa kaniya at nakita ko ang napakaamo niyang mukha. Nakangiti siya na parang walang kahit anong kasamaan siyang binabalak.
“Bumalik ka na lang sa ibang araw. Gabi na kasi. Magpapahinga na ako.” Pakiusap ko. Hindi ko tinatanggal ang kamay ko sa seradura ng pinto. Wala akong balak papasukin siya.
“Babalik? Ganun lang iyon? Hindi mo lang ba ako namiss? Akala mo ba madali lang ang pinagdaanan ko para mahanap kita at pumuslit diyan sa guwardiya ninyo sa baba. Hindi ako makapapayag na magkakahiwalay pa tayo.” Nakangiti pa din siya. Kalmado ang bawat pagbitiw niya ng kaniyang mga sinasabi.
“Anong pinagsasabi mo? Matagal na tayong tapos. Nang iniwan kita sa Dubai, tinapos ko na ang lahat ng tungkol sa atin kaya puwede ba? Utang na loob, tigilan mo na ako Jc. May sarili na akong buhay.” Madiin ang bawat pagbitaw ko ng salita. Gusto ko iyon ipaunawa sa kaniya. Tapos na kami.
“Anong tapos? Pumayag ba ako? Sinabi ko bang, sige tapos na tayo. Malaya ka na. Tinaguan mo ako, iniwan mo ako ng walang paalam. Anong gusto mong gawin ko. Basta na lang kita kakalimutan? Halos dalawang taon, Terence. Sa’yo umikot ang buhay ko. Inaamin ko hindi ako naging perpekto ngunit alam mong mahal kita.” Basa ang gilid ng kaniyang mga mata.
“Tapos na nga tayo. Sana matanggap mo ‘yun. Hanggang don na lang lahat.”
“Wow! Sa tingin mo gano’n lang kadali iyon? Pagkatapos ng lahat? Minahal kita Terence at kung sa iyo ganoon lang kadaling talikuran ako, para sa akin hindi ganoon iyon. Kailan lang nang sinabi mong mahal mo ako tapos biglang naglaho na lang iyon? Ngayon, gusto mo, basta na lang iyon kakalimutan?”
“Anong gusto mong gawin ko? Magpanggap na mahal kita? Kahit anong gawin ko Jc hindi ko na kayang ipilit iyon sa puso ko. Kahit ano pang gawin ko, hindi na ako masaya sa iyo. Alam ko, masakit iyon pero mas lalo ka lang masasaktan kung ipilit mong ibalik ang matagal ng tapos.”
“Walang tapos, Terence. Hindi pa tayo tapos.” Matatag niyang sinabi iyon. Nawala ang ngiti sa kaniyang labi. Napawi ang mukha niyang parang nakikiusap kanina.
“Ako na ang nagmamakaawa, tulungan mo ang sarili mo para makalimutan ang lahat. Subukan mong buksan ang isip mo, ipaunawa mo sa puso mo na hindi na tayo, na tapos na yung sa atin. Mahirap sa una alam ko pero pagdaan ng panahon at kung nakatagpo ka na ng taong para sa iyo ay pagtatawanan mong minahal mo ang isang katulad ko lang.”
“Hindi! Ikaw lang ang mahal ko. Alam kong mahal mo parin ako. Alam kong nagalit ka lang sa nakita mo ngunit ako parin ang mahal mo.” halos humihiyaw na siya. Hindi ko na alam kung paano ko ipaliliwanag sa kaniya ang totoo.
“Anong nangyayari dito?” maalumamay na tanong ni Lando mula sa likuran ko. Nabitiwan ko ang seradura ng pintuan dahil hinila niya ito mula sa loob ng condo. Binuksan niya ang pintuan. “Papasukin mo siya at hindi kayo diyan sa labas nagtatalo. Sino ba siya, mahal?”
Tuluyan na akong pinagpawisan ng malapot. Wala siyang alam tungkol kay Jc. Inilihim ko iyon kaniya sa pag-aakalang ang relasyon ko sa ibang bansa ay hanggang sa ibang bansa lang nagsimula at doon na din natatapos. Akala ko kasama ng paglisan ko sa Dubai ang siya namang tuluyang pagkalibing ng alaala ni Jc. Lumingon ako sa kaniya. Tinimbang ko muna ang lahat ng gusto kong sabihin para akong basing sisiw na hindi ko alam kung saan ako susukob. Nanigas ang dila ko. At ang tagpong iyon ang pinagmulan ng trahedyang siyang tuluyang tumupok sa aking mundo.
READ CHAPTER 21, CHAPTER 22, CHAPTER 23 AND FINAL CHAPTER IN MY BLOG. READ ALSO CHAPTER 1 AND CHAPTER 2 OF "NANG LUMUHOD SI FATHER" ...JUST CLICK THIS LINK http://joemarancheta.blogspot.com/
No comments:
Post a Comment