Chapter 23
Nagkatinginan kami ni Dok Mario. Alam kong may kakaiba sa kaniyang mga tingin. Nabasa ko doon ang kakaibang pagkabahala.
“May masama bang nangyari kay Lando, Dok?”
“Alam kong kayang-kaya ni Bryan pero kung hinihingi niya ang tulong ko, hindi iyon normal. Tatagan mo ang loob mo. Babalikan kita dito. Gagawin namin ang lahat. Naiintindihan namin ni Dr. Bryan ang kalagayan ninyo kaya lahat ng kaya naming gawin ay gagawin namin para sa inyo. Gusto ko taimtim kang magdasal sa kaniya. Malaki ang maitutulong ng iyong pananalig sa Diyos. Sige maiwan muna kita dito. Alam kong parating na din ang pamilya mo para dalawin ka.” Paalis na si Dok Mario pero nahawakan ko ang kaniyang kamay.
“Parang awa niyo na Dok. Kailangan ko siyang masilip. Utang na loob Dok, kailangan kong makita siya.” Higit pa iyon sa pakiusap, higit pa iyon sa pagmamakaawa. Isang masidhing hinaing na alam kong siya lamang ang nakakaramdam sa aking nararamdaman.
“Hindi puwede. Baka hindi mo pa kayanin at mahigpit na ipinagbabawal ang papasukin ang sinuman maliban sa amin sa ICU.” Nakikiusap ang kaniyang tingin.
“Alam kong dama ninyo ngayon ang paghihirap ng kalooban ko. Hindi ko alam kung paano ako makatulong sa inyo ngunit kagustuhan ko lamang po siyang makita. Alam kong kahit walang malay si Lando ay gusto din niyang malaman ang kalagayan ko. Parang awa niyo na po Dok. Tatanawin kong malaking utang na loob sa inyo kung mapagbibigyan ninyo ang hiling ko.”
Tumitig sa akin. Naroon ang awa sa kaniyang mukha ngunit tinuloy parin niya ang paglabas sa pintuan at naiwan ako doong umiiyak. Humihingi ng tulong sa Diyos. Himihingal ako at humahagulgol habang kinakausap ang Diyos na pagbigyan ang hiling kong ibalato ang buhay ng lalaking pinakamamahal ko.
Nasa ganoon akong kalagayan ng nagbukas ang pintuan. May dalang kasama si Dr. Mario at wheel chair. Mabilis ang pagbuhat sa akin at paglipat sa wheel chair. Kasimbilis din iyon ang lakad takbong ginawa nila para makarating kami agad sa ICU. Mabilis din ang ginawa nilang pagpasok sa akin sa loob. Pagkalabas ng dalawang nagbuhat at nagtulak sa wheel chair ko ay lumabas mula sa kurtinang puti ang si Dok Bryan. Hindi ko nagawang pagmasdan ang kalagayan ni Lando dahil mabilis ang ginawang pagsara pagsara din sa kurtina
“Anong nangyari baby?” tanong ni Dr. Mario kay Dr. Bryan.
Tumingin sa akin si Dok Bryan. Tumingin din siya kay Dok Mario.
“Alam ko bhie, pinagbabawal papasukin siya ditto at alam ko ding hindi ko dapat nilagay siya sa risk na dalhin ditto dahil under-recovery palang siya ngunit sana maintindihan mo ako. Nararamdaman ko ang pinagdadaanan niya.”
Muli akong tinapunan ni Dok Bryan ng tingin. Napabuntong-hininga. Naghintay ako sa kaniyang sasabihin. Ayaw kong pangunahan siya. Lagi kong hinihiling sa Diyos ang kaligtasan ni Lando. Nakaramdam ako ng hapdi sa aking likod at tagiliran at nahihilo pa ako ngunit hindi ko iyon alintana.
“Mahina na ang kaniyang katawan. Tinamaan siya sa sa ginamit ni Jc na .22 caliber sa chest at tinamaan ang kaniyang kanang bahagi ng kaniyang baga. The bullets penetrated the chest wall and damaged the lung.” Paliwanag niya kay Dok Mario. Nakikinig ako sa kanilang usapan.“ His lungs collapsed at alam kong nararamdaman niya yung sakit kaya siya minsan nahihirapang huminga. He wheezes out blood in a fine mist at natakot ako nang nagiging clots na ang lumalabas. Napakabilis ang paghina ng kaniyang katawan and his blood pressure is dropping. With the injury to his lung, the oxygen content in his blood dip to very low levels kaya siya hindi pa binabalikan ng malay hanggang ngayon. But then again, anything is possible.” Tumingin si Dok Bryan sa akin. Gusto niyang maintindihan ni Dok Mario ang history ng nangyari kay Lando para alam nilang dalawa ang dapat gawin.
“Mabuti at nabigyan ko kaagad siya ng endotracheal tube sa kaniyang baga dahil nakatulong iyon sa kaniyang paghinga. Pagkatapos kong matanggal yung bala sa kaniyang baga ay maayos ko naman natanggal din ang nadaleng lower lobe na tinamaan. Nang iniwan mo ako kahapon pagakatapos ng successful na operasyon nilagay ko siya sa ventilator nang magdamag. Tinanggal ko na ang endotracheal tube dahil natatakot ako na magkaroon siya ng kumplikasyon na pneumonia.” Pagpapatuloy ni Dok Bryan.
“Nilagyan mo na ba siya ng chest tube? Tanong ni Dok Mario. “Alam mo malaki ang maitulong nito to evacuate air and any residual blood or body fluids from the chest cavity, which helps keep the lung inflated.” Nagiging masiyadong marami na silang sinasabing medical terms na hindi ko maintindihan at ang gusto ko lang malaman ay kung ligtas ba ang mahal kong si Lando. Hindi ako makasingit. Kailangan nilang mag-usap para mapag-aralan nila ang dapat gawin.
“Opo nalagyan ko na kaya lang ay hindi pa natin puwedeng tanggalin iyon hanggang sariwa pa ang sugat sa baga niya, baby. This takes a couple of days or up to a week pa siguro kung malakas ang kaniyang katawan pero mahina siya. Hindi ko na alam kung ano ang maari nating gawin. Naghihintay ako ng himala na sana kaya niyang labanan ito.”
“Nasalinan mo na ba siya ng dugo?” muling tanong ni Dok Mario. Kalmado silang dalawa sa kabilang ng mga nangyayari samantalang ako ay kanina pa nanginginig sa takot.
Nasalinan na ng dugo ngunit malalim ang kaniyang mga sugat kaya nagiging critical parin ang kaniyang kondisyon. Hindi kasi nagiging stable ang kalagayan niya na parang may pumipigil sa kaniya. Hindi ko maintindihan. Pilit siyang lumalaban ngunit kahit anong laban niya ay parang bumibigay din ang katawan niya sa tindi ng mga sugat na tinamo. Baby, nahihiwagaan ako sa kalagayan niya. Kaya baka kako ikaw ang makatulong sa akin para alamin iyon.”
“Parang awa niyo na Dr Bryan. Tulungan ninyo si Lando. Kailangan siyang mailigtas.” Humahagulgol na ako.
“Terence, patatagin mo ang loob mo. Alam kong kahit wala siyang malay ay maari niyang marinig ang lahat. Magtiwala tayo sa himala ng Diyos. Bhie, mauna ka na, susunod ako. Alam kong kaya nating pagtulungan ang kalagayan ni Lando.” Sagot sa akin ni Dok Bryan. Marahan niyang hinawakan ang aking palad.
Nakita ko ang pagdaloy ng luha ni Dr. Mario habang nakatingin sa akin. Mabilis niya iyong itinago sa pamamagitan ng pagpasok sa kurtinang siyang nagtatago sa tunay na kalagayan ng lalaking buhay ng buhay ko. Umupo si Dr. Bryan sa harap ko. Tulad ni Dr. Mario, naroon ang mapang-unawang mga titig. Hindi ko na alintana ang pagkahilo. Mas importante sa aking isipin ang kalagayan ni Lando.
“Terence, nakikiusap ako sa iyo. Buksan mo ang loob mo sa maaring mangyari. Magpakatatag ka. Gagawin naming lahat ni Dr. Mario ang makakaya namin. Dito ka muna at hingin ang tulong ng Diyos. Iyon lang ang alam kong kaya mong maitulong sa ngayon. Iwanan kita dito dahil mas kailangan ni Lando ang atensiyon naming dalawa ni Dr. Mario.” Pagkasabi niya iyon ay mabilis nang tinungo ni Dr. Bryan ang kinaroroonan ni Lando.
“Gawin po ninyo ang lahat ng inyong makakaya Dok. Nagmamakaawa ako. Hindi ko kasi alam kung paano tatanggapin ang lahat kung tuluyan niya akong iwan. Hindi pa ako handa.” Pagsusumamo ko.
“We will, Terence.” Pinilit niyang ngumiti bago pumasok doon.
Pakiramdam ko ay napakatagal nilang dalawa sa loob ng kurtinang iyon. Tanging mga nurses na siyang nag-aassist sa kanila ang nakikita kong lumalabas. Mabilis ang bawat kilos nila. Taimtim akong nanalangin muli sa Diyos sa kaligtasan ang lalaking mahal ko. Magulo ang utak ko sa sandaling iyon at alam kong kahit paulit-ulit ang dasal ko ay alam ng Diyos kung paano ako nakikiusap sa kaniyang tulong.
Mahigit kalahating oras ang dumaan ng muling lumabas mula sa puting kurtina ang dalawang may mabubuting pusong doctor. Nakaakbay si Dok Bryan kay Dok Mario. Kapwa silang nakatingin sa akin. Walang gustong magsalita. Banaag ko ang luha sa gilid ng mata ni Dr. Bryan. Ramdam ko ang kakaibang kalungkutan at pagkabigo sa mukha ni Dr. Mario. Natakot ako. Nanginig ang buo kong katawan. Parang hinihigop ako ng kawalan. Ayaw kong marinig kung anuman ang kanilang sasabihin. Sa mukha pa lang nila ay nababanaag na ang pagkabigo. Kahit gusto kong marinig ang kanilang sasabihin ay ayaw kong magtanong. Ayaw kong sumuko. Ayaw kong ganoon na lamang kadaling mawala si lando sa akin. Hindi pa huli ang lahat.
“Gusto ko siyang makausap. Kung tuluyan na niya akong iniwan, gusto kong marinig niya ang lahat ng aking sasabihin. Alam ko, narito pa siya at gusto kong lumaban siya. Kailangan niyang marinig na narito ako’t hinihitay ang kaniyang paglaban. Parang awa niyo na po. Gusto ko siyang mayakap kahit sa huling sandali.” Puno ng hikbi ang pakiusap na iyon. Kung sana kayang ipaliwanag ng luha ang bigat ng aking dibdib. Nahihilo na ako dahil sa taas ng aking emosyon. Parang sasabog na ang aking dibdib. Hindi ko na alam kung paano maging matatag. Hindi ko na alam kung nakikinig ba ang Diyos sa aking mga dasal. Sana kung bawiin niya sa akin si Lando ay mas mabuting isabay na din niya ako. Hindi ko na gustong mabuhay ng ako lang. Alam ko, hindi kayang bumitiw ni Lando hangga’t hindi niya naririnig ang aking huling paalam kung sakali mang nahihirapan na siya at gusto na niyang bumitaw. Hidni ko alam kung paano ko siya papayagang iwan ako. Sana makinig ang Diyos at bigyan niya ako ng pagkakataon sa buong buhay ko na maniwala sa kaniyang himala at pagpapala.
Nang tinutulak ni Dr. Mario ang aking wheel chair patungo sa kinahihigaan ni Lando ay pakiramdam ko napakadilim ng paligid ko. Sobrang naninikip ang dibdib ko dahil hindi ko napaghandaan kung paano ko isa-isahing sabihin sa kaniya ang katotohanang hindi ko kayang mabuhay ng wala siya. Hindi ko alam kung paano siya tatanungin kung anong kahalagahan ng pagbabalik niya ng panandalian sa buhay ko at ang kapalit naman nito ay ang napipintong habambuhay naming pagkakalayo. Aanhin ko ang pinahalagahan niyang buhay ko kung ang hinaharap ko naman ay tuluyan niyang babaunin sa kaniyang hukay.
Nakita ko siyang nakapikit na para bang hindi na humihinga. Takip ng napakaraming benda ang buong katawan. Hindi ko alam kung paano ko simulang magsalita dahil sa dami ng gusto kong sabihin. Naninigas ang aking buong katawan ngunit gusto ng isip kong magpakatatag para sa kaniya. Nakapahirap para sa akin ang huminga ngunit kailangan kong punuin ng hangin ang naninikip kong dibdib para kahit sa kahuli-hulihang sandali ay malaman niyang pilit akong nagpapakatatag para sa kaniya. Gusto kong maramdaman niyang tatanggapin ko ang anumang gusto niyang mangyari. Ngunit sa pagkakataong iyon ay gusto kong humiling sa kaniya. Buong buhay ko ay hindi ko nagawang humingi ng kahit ano. Nakuntento ako sa pagbigay ng pagmamahal, nasiyahan ako sa pag-aalaga’t pagtulong ngunit ni minsan ay hindi ako humingi ng kahit anumang kapalit.
Mainit pa ang kamay niya nang mahawakan ko. Maingat kong hinalikan ang iyon at alam kong hindi siya bumibitaw hangga’t hindi niya ako nararamdaman. Para bang gusto niyang makatiyak na ligtas ako’t buhay bago siya tuluyang mamaalam kaya kahit halos hindi na humihinga ay naroon parin ang init sa kaniyang katawan. Alam kong kinakaya niyang mabuhay dahil hinihintay lang niya akong tuluyang magpaalam. Ngunit paano ko gagawin iyon. Paano ko siya hahayaang mawala at iwan ako ngayong alam kong hindi ko kakayanin? Gusto kong magsalita ngunit sa tuwing binubuka ko ang aking bunganga para ihayag ang lahat ng naiipong pighati sa aking dibdib ay wala akong boses. Dinala ko ang kaniyang palad sa aking pisngi. Hinalikhalikan ko muli iyon hanggang tuluyang mabasa ito ng aking luha. Wala akong naramdamang kahit katiting na galaw sa kaniyang kamay.
Hanggang narinig ko na lamang ang sarili kong humahagulgol. Isang malakas na sigaw sa kaniyang pangalan ang namutawi ng aking labi at alam kong iyon na ang simula para ihayag ko lahat ang gusto kong sabihin sa kaniya.
“Lando, mahal ko, alam mong buong buhay ko’y binigay ko sa iyo. Minahal kita ng di naghintay ng kahit anong kapalit. Kung gusto mong ituloy ko ang buhay ko nang hindi na kita kasama pa, bigyan mo ako ng dahilang mahalin ito dahil alam mong ikaw lang ang tuluyang nagbibigay sa akin ng dahilang mahalin ang buhay. Bigyan mo ng kasagutan ang mga tanong ko kung bakit kailangan kong mabuhay ng wala ka. Hindi ko kakayanin mahal ko. Ngayon lang ako hihiling sa iyo, sa buong buhay ko, ngayon lang ako makikiusap sa iyo kaya sana, huwag mo akong biguin. Huwag mo akong iwan. Pilitin mong lumaban para sa amin ng anak mo. Alam kong nahihirapan ka ngunit hindi ba’t mas mahirap kung tuluyan tayong maghihiwalay? Hindi ba’t mas masakit na hindi natin maipagpapatuloy ang kasisimula palang nating buhay na kasama ang isa’t isa. Para saan pang mabuhay ako kung mawawala ka naman? Ano pang silbi ng pakikipaglaban mo kung susuko ka na ngayon? Parang awa mo na. Lumaban ka! Huwag mo akong iwan! Nangako ka sa akin, sumumpa kang walang iwanan. Di’ba mahal ko? Paulit-ulit mong pinangako iyon kaya sana mapanindigan mo dahil ikaw ang higit kong kailangan. Landoooooooooo!!!! Huwag mo akong iwan. Huwag mo kaming iwan ng anak mo!!!!!” nagsisigaw na ako. Gusto kong marinig niya ang lahat ng mga sasabihin ko.
Naramdaman ko ang pagkakagulo ng paligid ko ng makita ko sa heart rate monitor ang diretso ng takbo ng linya. Naging abala ang lahat ng naroon. Alam ko na kung ano ang ibig sabihin no’n kaya halos hindi ko na alam ang gagawin ko. Isinisigaw ko ang pangalan ng lalaking mahal ko. Paulit-ulit akong nakiusap sa Diyos. Hindi magkamayaw ang paghingi ko sa kaniyang tulong. Nagbabakasakali sa isang himala. Naramdaman ko ang marahang pagpisil ni Lando sa mga kamay ko. Sandali lang iyon ngunit mahigpit. Nabitiwan ko ang hawak sa kamay ni Lando dahil may humila na sa aking wheel chair. Hanggang sa pinaligiran na siya ng mga nurses at doctors. Isang nurse ang nakaisip na ilayo ako roon ngunit pilit akong lumaban. Ayaw kong ilayo ako doon dahil gusto kong samahan sana siya hanggang sa huling sandali. Gusto kong samahan siya kahit sa kabilang buhay. Hanggang parang hindi ko na makayanan ang bigat ng aking dinadala. Parang napakahirap kong huminga at ramdam kong parang biglang naging sobrang liwanag ang paligid ko ngunit sandali lang yun dahil nang hinigop ang buong lakas ko ay parang wala na akong naalala pa kundi kadiliman.
Pakiramdam ko ang isang mahabang pagkakahimbing ang sumunod. Nagising ako at pilit kong binubuka ang aking mga mata ngunit parang hinihila ako ng antok. Napakabigat ng talukap ng aking mga mata kaya naigugupo parin ako ng isang mahabang pagpapahinga. Mahabang pagkatulog.
“Hindi kita iiwan, kahit anong hirap kakayanin ko. Lalaban ako ngunit hindi kita iiwan. Pangako ko ‘yan sa iyo.” Tinig iyon ni Lando. Sinusuklay ang buhok ko. Nakangiting nakamasid sa akin habang nakahiga ako sa kama. Hinawakan ko ang kaniyang mukha. Sinalubong ng kamay niya ang kamay kong naghahaplos sa kaniyang pisngi. Dinala niya iyon sa kaniyang labi at nang kaniyang halikan ay napapikit siya at tumulo ang nangingilid niyang luha.
“Mahal na mahal kita, mahal ko. Nangako ka sa aking walang iwanan? Tutuparin mo iyon di ba?” tanong ko habang tinititigan ko ang maamo niyang mukha. Naroon ang matagal ko ng hinahangaang ngiti.
“Mahal na mahal din kita. Hindi kita iiwan. Hinding-hindi!”
Ngunit nang hawakan ko siyang muli ay lumagpas ang mga kamay ko sa kaniyang repleksiyon. Hanggang tuluyan na siyang naglaho. Sumigaw ako. Tinawag ko siya. Masakit sa loob kong hindi siya tumupad sa sinabi niya kaya nagsisigaw ako. Paulit-ulit kong sinasabi ang kaniyang pangakong walang iwanan. At muling lumiwanag ang paligid…
READ FINAL CHAPTER IN MY BLOG
http:// joemarancheta.blogspot.com/
ALSO READ MY NEW CONTROVERSIAL NOVEL...
READ FINAL CHAPTER IN MY BLOG
http://
ALSO READ MY NEW CONTROVERSIAL NOVEL...
Paano nga ba maipaglalaban ang tunay na pag-ibig sa isang alagad ng simbahan at Diyos? Paano ito mapagtatagumpayan lalo pa't sa lalaki sa lalaking pag-iibigan. Alin ang pipiliin, ang paninilbi at pagmamahal sa Diyos o ang pagsuko at ituon ang panahon at buhay sa lalaking tunay na laman ng puso't isipan.
Basahin ang kuwento ng pag-iibigan nina Ron at Aris sa blog na ito...
http:// joemarancheta.blogspot.com/
Basahin ang kuwento ng pag-iibigan nina Ron at Aris sa blog na ito...
http://
No comments:
Post a Comment