Chapter 22
Marami akong naging desisyon sa nakaraan na hindi ko inaasahang magdudulot ng kapahamakan sa akin at sa mga mahal ko sa buhay. Ngunit gusto kong ayusin ang lahat ng mga iyon kahit kapalit man nito ay ang aking buhay. Tao ako at hindi Diyos. Mga santo man ay may pagkakataon din sa buhay nilang nagkakamali sila sa kanilang inaakala. May mga naging desisyon ang karamihan sa atin at may mga panahong naglihim tayo na ang kinalabasan ay malayo sa ating inaakala. Sa pagkakataong ito, gusto kong gumawa ng tama ayon sa aking sariling pananaw. Hindi ko mapapatawad ang aking sarili kung may masamang mangyari kina Baby Jay-ar at sa mahal kong si Lando.
“Huwag si baby Jay-ar Jc. Parang awa mo na. Luluhod ako sa harapan mo, huwag mo siyang idamay dito. Walang kamuwang-muwang ang bata para masali siya sa gusot natin. Bitiwan mo siya parang awa mo na.” humahagulgol na ako.
“Pare, makinig ka sa amin. Kahit ako na lang ang patayin mo, huwag ang anak ko. Alam kong alam mo na wala siyang kasalanan sa iyo kaya kung may galit ka man sa aming dalawa ni Terence ay sa amin mo na lang ibunton. Huwag ang anak ko.” Ang tinurang iyon ni Lando ang lalong nagpasidhi sa kagustuhang kong iligtas silang mag-ama.
“Sasama na ako sa iyo. Iiwan ko si Lando. Kahit saan ka magpunta, sasama ako sa iyo huwag mo lang sasaktan ang mag-ama. Nakikiusap ako. Nagmamakaawa ako sa iyo.” Nakaluhod na ako. Iyon bang wala ng natitirang pag-asa pa. Desperado na ako. Kaya kong magtiis at magpaalipin kapalit nito ang pagligtas ko sa mag-ama. Kapalit nito ang makitang buhay silang dalawa.
Nakita kong nakangisi si Jc ngunit nanlilisik parin ang kaniyang mga mata. Lumapit sa akin. Marahang mga paghakbang.
“Sigurado kang sasama ka sa akin? Hindi mo lang ba muling binibilog ang ulo ko?” panigurado niya.
“Sasama na ako sa iyo. Iiwan ko si Lando. Kakalimutan ko siya basta huwag mong sasaktan ang bata.”
“Ikaw Lando? Makakaasa ba akong tatantanan mo na kami ni Terence?”
Lumingon sa akin si Lando. Alam kong hindi siya makapapayag na mawala ako sa buhay niya ngunit nasa bingit ng kapahamakan ang anak niya kaya tinignan ko siya. Nakikiusap ang aking mukha.
“Itapon mo malapit sa akin ang hawak mo balisong. Kinakausap kita at sumagot ka ng malinaw Lando, pababayaan mo na kami ni Terence.”
Nakita kong binato niya sa paanan ni Jc ang balisong.
“Sagot! Palalayain mo na si Terence sa buhay mo at pababayaan mo na kami, Lando! Sumagot ka!” pasigaw na tinuran muli ni Jc.
“Pangako, palalayain ko kayo. Hindi ko kayo guguluhin huwag mo lang sasaktan ang anak ko.”
“Hayun, madali lang naman pala kayong kausap e.” Pagkasabi niya iyon ay yumuko at binitiwan niya ang kanina pang umiiyak na bata. Mabilis na tumakbo ang bata palapit kay Lando at niyakap naman ni Lando nang makalapit na ito sa kaniya. Natagpuan ko na lamang na nakapulupot na sa leeg ko ang bisig ni Jc. Sa akin nakatutok ang baril. Nakaramdam ako ng kaginhawaan. Ligtas na si Baby Jay-ar. Nagsimulang naglakad si Jc patungo sa pintuan habang paatras din akong sumunod sa kaniya. Nakita kong hindi na sa aking ulo nakatutok ang baril. Napunta kay Lando.
“Huwag kang gumalaw diyan. Huwag kang gagawa ng hindi ko magugustuhan.” Babala ni Jc.
Dahil sa takot ni Landon a baka makalabit ni Jc ang gatilyo ng baril at si Baby Jay-ar ang nakaharap sa amin at kung hahayaan niyang magiging ganoon ang kanilang posisyon, si bata ang matatamaan ng baril. Biglang tumalikod si Lando para protektahan si baby Jay-ar. Alam kong ayaw niyang mapahamak ang bata ngunit ang ginawang iyon ni Lando ay kinagulat ni Jc at isang putok ang umalingawngaw. Nakita kong tinamaan si Lando. Dahil doon ay hindi ko na hinayaan pang makaisang putok pa siya. Siniko ko siya ng ubod ng lakas. Natanggal ang nakapulupot na bisig niya sa aking leeg hinarap ko siya nang alam kong uulitin pa niyang barilin ang mahal ko. Isinangga ko ang sarili ko para hindi na niya matamaan pa si Lando. Isa pang putok ang umalingawngaw. Dama ko ang pagtama ng bala sa akin. Bala na sana ay muling tatama kay Lando. Bumagsak ako pero sinikap kong makalapit kay Lando. Para maisangga ko ang katawan ko sa kahit ilang bala pa niyang pakakawalan. Pagkatapos no’n ay ilang putok pa ang narinig ko. Ngunit hindi na galling pa kay Jc ang putok na iyon. Galing sa pintuan ng condo. Galing sa mga dumating na guwardiya at pulis. Kitang-kita ko ang pagkatumba ni Jc hindi kalayuan sa amin.
Kahit pa nanghihina ako ay nagawa kong tanggalin ang pagkakadagan ni Lando kay baby Jay-ar.
“Mahal, huwag kang susuko. Huwang mo akong iwan. Lumaban ka. Kaya natin ‘to.” Pagmamakaawa ko sa kaniya para alam niyang naroon ako sa tabi niya. Matapang. Buhay.
Ilang saglit pa ay nakita ko ang paglapit ni Dok Mario at Dok Bryan para saklolohan kami. Kinuha ko ang mga kamay ni Lando. Naramdaman ko ang mariin niyang pagpisil.
“Buhay ka! Salamat sa Diyos! Mabubuhay tayong dalawa mahal ko. Huwag kang bibitiw.”
“Walang iwananan mahal.” Mahina man ang pagkasabi ni Lando niyon pero may kakaibang katatagan.
Kumilos siya. Niyakap niya ako. Nakita ko ang masaganang luha mula sa kaniyang mga mata na pumatak sa akin mukha. Hinayaan ko iyong umagos sa aking pisngi. Hawak niya ang isang kamay ko at pinipisil habang ang isang kamay niya ay nakayakap na sa akin.
“Hindi kita iiwan, mahal. Patawarin mo ako. Mangako kang ikaw din” Sagot ko.
“Sumpa ko iyon mahal. Mahal na mahal kita.” Paanas niyang sinabi sa aking tainga.
“Terence mahal. Tulungan mo ako. Mahal na mahal kita. Akin ka lang. Walang ibang makakaagaw sa iyo sa akin…. A-kin ka-lang…tulu-ngan mo….a-ko…” Naririnig ko ang mga sigaw ni Jc. Pahina iyon ng pahina. Naging pabulol at tuluyang nawala hanggang sa ungol na lang ang narinig ko mula sa kaniya.
Kasabay niyon ng tuluyang panghihina ng aking paningin. Dumilim ng dumilim ang paligid ko at tanging mainit na kamay ni Lando ang tangi kong naramdaman na pumipisil sa aking mga palad. Mahigpit ang kaniyang hawak habang nakayakap siya sa akin. Gusto ko siyang sagutin. Ngunit sadyang bumibigat na ang talukap ng aking mga mata at naramdaman ko sa huling sandali ang tuluyang paghina ng pagkakawahak ko sa kaniyang mga palad. Dinig na dinig ko ang pagtawag niya sa aking pangalan hanggang unti-unting naging tahimik ang aking mundo.
Paggising ko ay nakabenda na ang aking ulo, likod at tagiliran. Nilibot ko ang aking paningin at nang makatiyak ngang buhay ako ay pilit kong binalikan ang buong pangyayari at nang naging malinaw sa akin kung bakit naroon ako sa Hospital ay gusto kong isiping isang masamang panaginip lamang ang lahat. Ngunit alam kong nangyari ang lahat.
Si Lando. Tama. Nasaan si Lando? Buhay pa kaya ang lalaking mahal ko? Paano ako nakaligtas sa kamatayan? Paano ko ipagpapatuloy ang paglaban sa hinaharap kung tuluyang mawala sa akin ang kaisa-isang lalaking minahal ko sa buong buhay ko? Gusto kong makita siya. Gusto kong makatiyak na ligtas siya dahil kung may kailangang mamatay at magbayad sa lahat ng mga ito ay dapat ako. Ako ang nagkamali. Ako ang nagkasala.
Kailangan kong mahanap siya ngayon din. Kailangang masagot lahat ang mga katanungang bumabagabag sa akin. Nahihilo ako at nakaramdam ako ng kakaibang sakit sa aking likod ngunit mas masidhi ang kagustuhan kong makita kung ano ang nangyari kay Lando. Tatayo na sana ako nang biglang pumasok ang isang doctor. Nang maibangon ko ng bahagya ang ulo ko ay nakaramdam ako ng kakaibang pagkahilo. Kaya ng utak ko ngunit marahil ay hindi pa kinakaya ng aking katawan kaya muli kong ibinalik ang aking ulo sa pagkakadantay nito sa unan.
“Gising ka na pala, Terence. Salamat sa Diyos at ligtas ka.” May matipid na ngiti sa labi ni Dok Mario. Kinuha niya ang mga palad ko. “Pasalamat tayo sa Diyos dahil nadala namin kayo kaagad sa hospital. Kung mas maaga pa sana kaming dumating nang tumawag si Lando sa amin sana hindi nangyari sa inyo ito.”
“Nakatawag pa siya sa inyo?”
“Hindi namin alam na may kaguluhan. Ang sinabi lang niya ay dumating ang ex mo sa condo ninyo. Pinapapunta kami sa condo niyo para ayusin ang gusot o kung pupuwede ay magtawag na din ng pulis para matakot si Jc at kusa itong umalis.”
“Dok, ako ang dapat sisihin sa nangyari. Kung hindi sana ako gumamit ng iba para makalimutan dati si Lando. Kung sana hindi ako naglihim sa kaniya at nakagawa ako ng paraan para naiwasan sana na humantong sa ganitong sitwasyon ang lahat. Sana hindi nangyari ang lahat ng ito. Gusto kong makita si Lando. Sabihin ninyo kung ano ang nangyari sa kaniya. Buhay pa ba siya?” Pakiusap ko.
“Nang nadatnan naming kayo kasama ng mga guwardiya at pulis, nabaril na kayo ni Jc. Huli na ang pagdating namin. Una kang nawalan ng malay. Kahit nahihirapan na si Lando ay nakiusap siya sa amin na iligtas ka sa kamatayan. Hindi pangkaraniwan ang binuhos niyang pagmamahal sa iyo Terence. Alam ko iyon. Alam naming iyon ni Bryan. Mahirap maghintay ng kawalang katiyakan. Hindi lahat ng lalaki nagagawang maghintay at umasa kahit walang iniwang garantiya. Ngunit ginawa ni Lando iyon. Nagtiwala siya sa iyo. Daman-dama namin ni Bryan ang kagustuhan niyang makita at makasama ka niyang muli. Bago tuluyang nawalan ng malay si Lando at kahit hirap na hirap na siya ay nakiusap sa akin na gawin lahat ang makakaya ko para mabuhay ka lang. Mas inisip ka niya kaysa sa kalagayan niya. Inasikaso kita agad at si Bryan naman ang umasikaso sa kaniya. Sana malagpasan ni Lando ang pinagdadaanan niya ngayon. Nakita ko sa inyo ang pagmamahalan namin ng yumao ko ding mahal noon na si Gerald. Alam ko kung gaano kahirap mawalan ng minamahal.”
“Anong ibig ninyong sabihin Doc? Sa pananalita ninyo ay parang may laman ang inyong sinasabi.”
“Akala ko kasi mas grabe ang nangyari sa iyo dahil nauna kang nawalan ng malay. Ngunit sa tindi ng pagkabagok ng ulo mo kaya ka nahilo kasabay din ng madaming dugong nawala mula sa iyo kaya nangyari iyon. Ngunit dahil naagapan ka at maliit lang pala ang sugat mo sa ulo at hindi din ganoon kalalim ang sugat sa likod mo at tama ng baril sa bahaging tagiliran kaya mas mapalad ka parin kay Lando.”
“Doc, ano ang nangyari sa mahal ko? Nakikiusap ako, huwag ninyo ako pahirapan ng ganito. Gusto kong malaman kung ano ang nangyari sa kaniya.”
“Nasa critical siyang kondisyon ngayon at kailangan mong magpakatatag para sa kaniya. Sa’yo siya dapat huhugot ng lakas. Ngunit kailangan mo ding paghandaan na hindi natin hawak ang buhay ng tao. Hindi man natin gusto ngunit may mga bagay na tanging ang Diyos lamang ang tanging nakakagawa ng himala. Siya lang ang tanging nasusunod kung kailan niya gustong bawiin ang ipinahiram niyang buhay sa atin. Gusto kong maging tapat sa iyo dahil ako man din ay dumaan sa ganitong sitwasyon. Huli na nang malaman kong may sakit na cancer si Gerald at maraming mga nasayang na sandali na dapat naenjoy namin kung mas naging maaga lang nilang ipinagtapat sa akin ang kaniyang pagkakaroon ng walang lunas na sakit. Tulad mo, kung sana mas nagiging maagap kang sabihin ang tungkol kay Jc sa kaniya ay maari sanang naiwasan nating mangyari ito. Ngunit naiintindihan kong may kaniya-kaniyang tayong dahilan. May mga bagay na tayo lang din ang nakakaalam kung bakit natin ito ginagawa.”
“Iyon ang malaki ko pong pagkukulang Dok. Sana mailigtas siya para mapunan ko lahat ang nagawa kong mga pagkakamali sa nakaraan.”
“Sa akin, wala ng pag-asa pa noong mailigtas si Gerald sa kamatayan ngunit sa iyo, kahit papaano ay nakakakita ka parin ng isang himala para mailigtas ang mahal mo. Humingi ka ng tulong sa Diyos at alam kong pakikinggan niya ang iyong panalangin. Magtiwala ka sa kaniya at kung sakali mang hindi niya maibibigay ang hiling mo ay magtiwala kang hindi pa katapusan ng mundo. Magpapatuloy ang pag-ikot ng buhay kahit gaano pa kasakit ang pagkawala ng taong tunay na nagmamahal sa iyo. Mahirap makahanap ng taong para sa atin lalo na ang mga katulad natin at kadalasan pa nga ay wala ngunit hindi ngayon ang tamang panahon para panghinaan ka ng loob. Ito ang tamang panahon para iparamdam mo kay Lando na kaya mong magpakatatag para sa inyong dalawa.”
“Kasalanan ko ang lahat ng ito. Ako ang dapat sisihin. Hindi ko alam kung paano ko patatawarin ang aking sarili kung mamatay si Lando. Di ko alam kung paano ko tatanggapin ang lahat lalo pa’t alam ko na ako ang dahilan ng lahat ng ito.” Alam kong paulit-ulit kong sinasabi ang katagang iyon ngunit gusto kong habang sinasabi ko iyon ay mapaintindi ko sa aking sarili kung paano ako ginawang tanga ng aking pagkatakot. Humahagulgol ako.
“Kumalma ka, Terence. Hindi pa lubusang gumaling ang mga sugat mo. Walang may gusto sa nangyari sa inyo. May mga tao lang talaga na nakakagawa ng hindi maganda sa kapwa. May mga taong desperadong makuha ang gusto sa kahit anong paraan. Alam ko gusto mong protektahan si Lando. Ayaw mo siyang mag-alala at masaktan. Ayaw mo siyang may proproblemahin pa. Huwag kang masiyadong magalaw dahil hindi iyan nakakabuti sa iyo.” Pinapatahan ako ni Dok Mario.
Walang kasing-sakit ang sugat ko sa likod at kumikirot pa din ang ulo ko ngunit wala ng kasinsakit pa ang nararamdaman ko. Sinisingil ako ng aking konsensiya.
“Gusto kong makita si Lando. Parang awa niyo na dok, alam kong kailangan niya ako ngayon. Gusto kong iparamdam sa kaniya na narito ako, buhay na buhay. Gusto kong kahit wala siyang malay ay maramdaman niyang gusto kong lumaban siya.” Humahagulgol na ako noon. Halos hindi ko na mabigkas ang lahat ng katagang gusto kong sabihin. Gulung-gulo ako, takot na takot, hirap na hirap ang kalooban ko.
“Hihintayin lang natin si Bryan na nag-asikaso sa kaniya. Huwag kang mag-alala, hindi namin ililihim sa iyo ang tunay niyang kalagayan. Gusto kong bigyan kita ng lakas ng loob para mapaghandaan ang kung anuman ang kahihinatnan ni Lando. Gusto kong makinig ka sa akin para lalo mong makita ang positibong pananaw kung sakali mang mawala si Lando sa iyo.” Masuyo niyang pinunasan ang aking mga luha at ramdam ko ang buong pang-unawang paghahaplos niya sa aking dibdib para mabawasan ang naipong pighati doon.
“Anong buhay na lang mayroon ako kung tuluyan na siyang mawawala sa akin Dok? Siya lang ang kaisa-isang lalaking tunay na minahal ko ng ganito. Sa kaniya lang umikot ang mundo ko. Napakatagal na panahong iningatan ko siya at halos ilang buwan lang kaming nagkasamang masaya. Nagkamali ako ng iwan siya at piniling magkaroon ng iba para makalimutan siya. Ang pagkakamaling iyon ang siyang dahilan kung bakit nandito kami ngayon sa sitwasyong ganito. Wala akong hinangad na iba kundi ang makasama siya, maiparamdam ang tunay na pagmamahal ko sa kaniya at hindi ko kakayanin kung mawala siya sa akin. Mainam pang mamatay na din ako kaysa mabuhay ng hindi ko siya kasama.” Sa bawat hikbi ko ay hindi ko nito kayang bawasan ang masidhing paghihirap ng aking kalooban.
“Terence, ganyan din ako noong iniwan ako ni Gerald. Akala ko katapusan na ang lahat. Akala ko wala ng darating na magmahal sa akin. Napakaraming magagandang alaala na iniwan niya sa akin. Hanggang sa huling sandali ay naramdaman ko ang kaniyang pagmamahal. Inihanda niya ang lahat kahit pa sumakabilang-buhay na siya. At kung napaghandaan man ni Lando ang nangyaring ito, alam kong hindi niya gugustuhing makita kang nahihirapan at nasasaktan. Ayaw niyang gugulin mo ang natitira mong buhay para magiging miserable lang ito. Kung ganoon ang gagawin mo ay lalo mo siyang binigong buhayin ka. Kung mawala man siya iyo ay gusto niyang ipagpatuloy ang inyong nasimulan. Kaya niya itaya ang buhay niya sa iyo dahil gusto niyang makaramdam ka din ng kasiyahan. Hindi ko man buong alam ang kuwento ng inyong pagmamahalan ngunit sana huwag mong sayangin ang buhay na gusto niyang maeenjoy mo pa.”
“Paano ho ko iyon gagawin kung siya lang ang alam kong nakapagbibigay sa akin ng ligaya at pag-asa? Paano ako mag-eenjoy kung siya ang dahilan kung bakit ako nabubuhay?” Sunod na sunod kong tanong kay Dok Mario.
“Bago namatay si Gerald noon ay nagawa niyang ayusin ang buhay ko pati ang pagkakaroon ng lalaking siyang titingin, mag-aalaga at magpapatuloy ng buhay kong sinimulan niya. Si Bryan. Mahirap sa kaniyang gawin ang bagay na iyon. Ngunit hindi makasarili ang tunay na pag-ibig. Mas binibigyang halaga nito ang kasiyahang maibibigay mo sa taong mahal mo kaysa sa sarili mong interes. Ang tunay na pag-ibig ay hindi maramot, kusa itong nagbibigay ng dahilan at paraan para pagaanin ang lahat ng pasakit at paghihirap na alam mong dadanasin ng mahal mo. Alam ko ang hirap ng makitang unti-unti kang iniiwan ng mahal mo at kung kami ni Bryan ang masusunod, hinding-hindi kami makapapayag na mangyayari iyon sa inyo. Ayaw kong mangyari sa inyo ang nangyari sa amin ni Gerald. Huwag kang mag-alala, gagawin naming lahat ni Bryan ang makakaya namin para mailigtas si Lando. Alam kong ginagawa din lahat ni Bryan ang makakaya niya dahil pinsan niya ang nasa bingit ng kamatayan ngunit tao lang din kami ni Bryan. Ang kagustuhan parin ng Diyos ang siyang mangingibabaw. Magdasal tayo para sa kaligtasan ng mahal mo.”
“Kung hindi sana ako naglihim sa kaniya. Antanga-tanga ko, Dok. Alam ko ng darating si Jc para guluhin kami ngunit hindi ko man binalaan si Lando. Hindi man lang ako nakapaghanda. Sana hindi nangyari ang lahat ng ito kung pinaghaan ko ang lahat. Kung sakit ang kinamatay ni Gerald at nagawa ninyong ihanda ang inyong mga sarili, sa akin hindi ganoon kadali iyon dahil alam kong ako ang may pagkakamali. Ako ang nagkulang. Ang masakit parang nagsisimula palang kami, ganito na ang nangyari. Paano ko kakayaning makapagsimula kung ganitong biglaan ang kaniyang pagkawala. Sabihin mo sa akin Dok, kung paano ko sisimulan ang isang bagay na ako ang dahilan ng kaniyang paghihirap ngayon. Paano ko sisimulan ang ako mismo ang nagpatapos. Gusto kong patayin din si Jc. Kung mamatay si Lando, gusto kong wakasan din ang buhay ng taong siyang kumitil sa buhay naming kasisimula pa lamang.” Nagpupuyos ang aking kalooban. Naroon ang lahat ng emosyon. Pagkaawa at pagmamahal kay Lando. Lungkot, takot at siphayo sa maari niyang pagkamatay ng biglaan. Galit at hindi maipaliwanag na sama ng loob ko sa ginawa ni Jc.
“Sumakabilang buhay na si Jc. Napuruhan siya sa tama ng baril na galing sa isang pulis. Balikat lang sana ang pupuntiryahin para mabitiwan ang baril niya ngunit nakita nilang lalaban siya. Kung hindi nila siya babarilin ay maaring sila ang papatayin nya kaya napilitan silang barilin siya.”
“Alam kong kasalanang magpasalamat sa pagkamatay ng ibang tao ngunit hindi ko alam kung bakit ako nakaramdam ng saya sa pagkawala niya Dok. Patawarin sana ako ng Diyos.”
“Nagmahal lang din si Jc, Terence. Mali man ang paraan niya ng pagmamahal ngunit sana lagi mong isiping ang dahilan ng nagawa niya sa iyo ay pagmamahal pa din. Hindi man masabing mabuting pagmamahal ang naghari sa kaniya ay alam kong alam mo na desperado yung taong maibalik at makuhang muli ang pagmamahal mo. Hindi nga lamang siya nabiyayaan ng normal na personalidad at pag-iisip ngunit minahal ka niya. Ipanalangin na lang natin ang kaniyang kaluluwa.”
Napawi ng sinabi ni Dok ang galit sa dibdib ko. Napapikit ako. Tama si Dok.
“Mas kailangan ka ni Lando. Siya ang dapat mong pagtuunan ng pansin. Kailangan mong magpakatibay ng loob para sa kaniya. Hindi nakakatulong sa kaniya na maramdamang pinanghihinaan ka ng loob. Kailangan ka niya Terence. Kailangan niya ng taong makukunan ng tibay ng loob.”
“Si baby Jay-ar po? Kumusta ngayon ang bata?” tanong ko. Umaasang ligtas siya at hindi siya nadamay sa mga nangyari.
“Nasa pangangalaga na siya ni Glenda. Mabilis silang lumuwas nang nalaman ang nangyari sa inyo. Huwag mo ng isipin ang bata. Ligtas siya. Sana lang hindi nagkaroon ng trauma ang bata. Parating na din ang mga magulang mo. Gusto naming ipaalam sa kanila ang lahat kung kailan alam naming ligtas ka na sa kapahamakan para hindi din naman sila mag-alala sa iyo. Magpakakatag ka ha?” Nakikiusap ang mukha ni Doktor Mario. Alam kong dama niya ang bigat ng nararamdaman ko.
Ilang sandali pa ay narinig naming ang….
“Paging Dr. Mario Bautista…. Dr. Mario Bautista… you are urgently needed in Operating Room now!”
Tumingin sa akin si Dr. Mario. Tumingin din ako sa kaniya. Nabasa ko kasi sa kaniyang mukha ang kakaibang pagkabahala.
READ ALSO MY NEW NOVEL...
Paano nga ba maipaglalaban ang tunay na pag-ibig sa isang alagad ng simbahan at Diyos? Paano ito mapagtatagumpayan lalo pa't sa lalaki sa lalaking pag-iibigan. Alin ang pipiliin, ang paninilbi at pagmamahal sa Diyos o ang pagsuko at ituon ang panahon at buhay sa lalaking tunay na laman ng puso't isipan. Basahin ang kuwento ng pag-iibigan nina Ron at Aris sa aking blog
http://
No comments:
Post a Comment