ANNOUNCEMENT

Kamusta po? ^_^ Atin pong i-welcome ang ating mga new authors sa blog!! ^_^ Andyan po si Sean Christopher Bautista, patryckjr, iamDaRKDreaMeR, Giefe Carvajal, Steffano, Andrey, Jace ofcards, Caleb Uriel Tan, at si Lawfer. Para po sa mga interesado maging author din po. Pls email me po sa kenji.ohya@yahoo.com. Maraming salamat po! ^_^


Nilipat ko na po ang chatbox sa "Kamustahan ^_^" tab po. :)


Guys!! Let us all welcome our newest Admin!! Welcome Admin Tommy Cassanova!! ^_^

Thursday, December 13, 2012

CHAKA (INIBIG MO'Y PANGIT) Chapter 14

CHAPTER 14
                “Puwede ka ba maimbitahan ng dinner?” masuyo niyang pag-aanyaya.
                “Ngayon na?” tanong ko. Hindi ko kasi alam kung sasama ako kasi naalangan ako sa suot kong jogging pants, rubber shoes, sandong puti na pinatungan ko ng varsity jacket.
                Nahalata niyang naalangan ako sa suot ko.
“Magbabayad naman tayo saka presentable ka naman sa suot mo. Hindi naman sa mga class na restaurant tayo kakain kaya puwede na ‘yan. Kahit anong suot mo, guwapo ka parin kaya huwag ka masyadong balidoso.”
Nang kumakain kami ay hindi ko alam kung anong pag-uusapan namin. Nagsimula sa kinakain namin hanggang sa buhay sa Dubai at katahimikan uli.
“Napag-isipan mo na ba yung sinasabi ko sa’yo?” pamamasag niya sa katahimikan.
“Oo” sagot ko. Mabuti, siya na din lang ang nagbukas dahil sa pagkakataong iyon, napagdesisyunan ko ng bigyan ang sarili ko ng pagkakataong lumigaya. Gusto ko ng maranasann ang magkaroon ng official na karelasyon at kailangan kong sumugal kung gusto kong lumigaya sa pag-ibig. Kung hindi ko susubukan at bigyan ng pagkakataon ang sarili ko, hindi ko alam ang magiging kahihinatnan ko.
Napag-isip-isip ko ding lalaki naman kaming dalawa. Kung sasagutin ko siya ngayon, wala naman sigurong masama dahil wala naman akong karelasyon. Wala namang masasaktan at kung darating iyong panahong sasaktan niya ako, siguro naman makakayanan ko dahil nasaktan ako kay Lando ngunit heto ako at buhay naman. Malay ko, siya na pala talaga ang lalaking tinadhana para sa akin.
                “Sige na nga.”
                “Sige na nga? As in pumapayag ka ng maging tayo?” panlilinaw niya. Nakikita ko na sa kaniyang mga mata ang excitement.
“Oo nga. Tayo na.” kasabay nu’n ng matamis kong ngiti.
“Yes!” mahina niyang suntok sa mesa. Hindi na maitago sa mga mata niya ang kakaibang saya. Napangiti ako sa reaksiyon niya. Tuluyang pinawi ng kasiyahang iyon ang pangamba ko at takot.
Tama nga siya. Sa pagdaan ng panahon ay natutunan ko siyang magustuhan. Natutunan kong mahalin siya. Ngunit hindi ibig sabihin niyon na binura ng pagmamahal ko sa kaniya ang pagtatangi ko kay Lando. Naroon parin sa sulok ng puso ko si Lando. Parang kanin na kahit paulit-ulit kong tikman ay hindi ko pagsasawaan.
Sa mga unang araw at linggo na kami ni Jc ay naramdaman ko ang kakaibang saya. Hindi siya puwedeng dadalaw sa akin na walang pasalubong na makakain. Dahil nahihiya naman ako na siya lagi ang bumubunot kapag kumakain kami sa labas o nanonood ng sine ay napag-usapang salitan kami sa pagbabayad. Oo nga’t bilang engineer ay may kalakihan ang kaniyang sahod ngunit hindi din naman nakakalayo sa sahod ko bilang isang accountant. Mahal ko na siya, inaamin ko iyon. Nagkaroon siya ng puwang sa puso ko kahit hindi pa niya tuluyang nabubura si Lando ay may espesyal na siyang lugar sa aking buhay.
                “Mahal mo na siya? Ilang weeks palang kayo ganyan na sinasabi mo?” gulat na tinuran ni Jasper.
                “E, sa ganun na ang nararamdaman ko e. Masaya ako kapag kasama siya. Kapag kayakap ko siya, wala na akong pakialam pa sa ikot ng mundo. Kapag hinahalikan niya ako, tanging siya ang laman ng isip ko.”
                “Korni ng beklabush na ito. Hindi lang kasi maganda ang pakiramdam ko sa kaniya.”
                “Sus, Madam Auring, ano naman yun? Dati sinasabihan mo akong sagutin siya. Na bigyan siya ng pagkakataon tapos ngayon naman iba na naman ang timplada mo doon sa tao.”
                “Flirt siya o may pagka possessive. Hindi ko lang sigurado sa ngayon ha.”
                “Paano mo naman nasabing flirt siya o possesive? Guwapo lang yung tao kaya natural na madaming lumalapit at nagpaparamdam na mga bakla.”
                “May mga guwapo naman diyang suplado di ba? Iyong mga guwapong walang pakialam sa paligid. Pero siya, iba. Pansinin mo gurl kapag lalabas tayo, tignan mo ang mga mata, malikot. Ang mga ngiti para sa lahat. Kapag pumapasok tayo sa CR at nakaharap sa salamin, gurl hindi ang mukha niya ang tinititigan niya kundi ang mga dumadaan sa likod niya. Iyong mga taong nasa tabi niya at nagsasalamin. Lalo na kung nandiyan ka? Naku malikot ang mga mata. Pinapansin lahat ang mga tao sa paligid ninyo. Hindi ko alam kong flirting iyon o inoobserbahan lahat ang mga lalaking naroon na baka may makaagaw sa iyo. Basta, naguguluhan din ako.”
                “Gagang ‘to. Daig pa niya ang spy. Basta wala pa naman akong nakitang ginawa niya kaya siguro hayaan mo munang pagkatiwalaan ko siya.”
                “Sige ba. Magtiwala ka, bakla. Isaksak mo sa pekpek mo ang tiwalang iyan. Ambisyosa!”
                Hindi ko binigyan ng kahit anong importansiya ang mga babalang iyon ni Jasper. Buo ang tiwala ko sa tao. Wala pa man din akong natuklasan na niloloko niya ako o kaya hinihigpitan kaya walang dahilan para gawing isyu ang mga bagay na iyon. Hindi sa gusto kong magbulag-bulagan ngunit kung nagmahal ka, ibigay mo ang iyong tiwala at kung sinira niya, hudyat na iyon na kailangan mong protektahan ang iyong sarili.
                Hanggang tuluyan na ngang nahulog ang loob ko sa kaniya. inabot kami ng buwan. Ang tatlong buwan ay naging anim.
                Naglalambingan kami noon sa kuwarto ko. Nakaugalian kasi namin na bago may mangyari sa amin ay hahanapin ng nakapiring ang isa sa amin. Ako noon ang nakapiring at nagsimula kong hanapin siya loob ng bahay nang nabangga ko ang maliit kong drawer at dahil doon ay natumba ako at nagkalat ang laman niyon. Sobrang sakit ng tuhod ko no’n kaya tinanggal ko ang aking piring habang siya ay humahagalpak ng tawa.
                “Sakit nun a.” reklamo ko habang hinihilot ang tumama kong tuhod.
                “Sino ‘to mahal?” tanong niya sa akin habang hawak-hawak niya ang luma kong litrato. Sinabihan ako ni Jasper na sunugin o kaya itapon na lang ang mga lumang pictures ko ngunit hindi ko iyon ginawa. Mahal ko ang dating ako. Kahit pa nagbago ang hitsura ko ay ako iyon at bahagi ng buhay ko ang hitsura kong iyon.
                “Ako yan.” Casual lang ang sagot. Dahil mas nakatuon ang utak ko sa kumikirot kong tuhod.
                “Ikaw ‘to? Panong… ampangit kaya neto. Paanong naging ikaw ito, mahal?”
                “Ako nga ‘yan, noon. Bakit ba ayaw mong maniwala?”
                “E, sa panong ikaw, bukod sa parang siopao na sunog ang mukha, nakaparami pang taghiyawat at halos sinakop na ng pangong ilong ang kabuuan ng mukha.” Pagpapapatuloy niya sa panlalait.
                Parang biglang nawala ang kirot ng tuhod ko sa narinig ko sa kaniya. Totoong hindi na ako iyong dating ako na nilalait niya ngunit nasaktan pa din ako.
                “Sobra ka naman makapanlait. Oo, ako ‘yan noon. Nagpapaputi ako, nagpaderma, nagpaayos ng ilong at nagpapayat. Ngunit ang nilalait mo na iyan ay walang iba kundi ako. Ngayon, sabihin mo sa akin, kung ganyan ba ako kapangit noong nakilala mo, mamahalin mo kaya ako?”
                Hindi siya sumagot. Ang kanina’y ngiti sa kaniyang mga labi ay parang biglang naglaho. “Niloko mo ako.” Mahina niyang tugon.
                “Anong panloloko ang sinasabi mo? Ako pa din naman ito ah. Oo nga at dati akong ganyan ngunit Jc, pinaghirapan ko kung anong meron ako ngayon. Panlabas lang ang nabago sa akin. Hindi ang kabuuan ng aking pagkatao. Ngayon kung ang minahal mo lang ay ang nakikita mo at nahahawakan sa akin, hindi iyan pagmamahal. Dahil dapat mas pinahahalagahan mo ang mga bagay na hindi mo nahahawakan. Mas binibigyan mo dapat ng importansiya kung paano ko pinaramdam sa iyo na mahal kita.”
                “Alam mong sa lahat ng ayaw ko ay iyong pinaglilihiman ako. Bakit hindi mo ito sinabi sa akin noon. Kung kailan ilang buwan na tayo ay saka ko malaman na ganito ka pala dati…” tumigil siya. Ngunit alam ko ang tinutumbok niya.
                “Ano? Bakit hindi mo ituloy? Na ganyan ako kapangit? O sige, ngayong alam mo na hindi naman talaga ako ipinanganak na guwapo katulad mo, na hindi ako likas na pinagpala at sinuwerte ng dati nang meron ka, hindi kita pipigilang layuan ako. Balat lang ito Jc, ilong lang ito, panlabas ko lang na kaanyuan ito ngunit sabihin ko sa iyo, lahat ng ito, sa pagdaan ng panahon ay magbabago, tatanda tayong lahat at ang tanging maiiwan ay ang pagmamahal, pakikitungo sa iba at pagpapahalaga sa mga taong mahal natin. Kung ngayon palang na bata-bata pa ako ay pinaparamdam mo na sa akin na hindi mo tanggap ang pagiging tunay na ako ay siguro tapusin na lang natin ito.”
                “Shit!” kasabay niyon ng malakas niyang pagsipa sa drawer. Natakot ako sa biglang pagbago ng mood niya. Hindi ang guwapong si Jc ang nakita ko sa kaniya noon. May kakaiba sa kaniyang ikinikilos.
                Umupo ako sa kama. Nakaramdam ako ng takot. Nagulat ako sa ginawa niya.
                “Umalis ka na muna. Mag-usap na lang tayo kung magsink-in na sa iyo na hindi ako dating guwapo. At kung mahalaga sa iyo ang panlabas na anyo ng isang tao. Baka hindi ako ang hinahanap mo. Nakahanda akong palayain ka.” Masakit para sa aking sabihin iyon lalo pa’t mahal ko siya ngunit hindi ko puwedeng itali siya sa akin kung hindi niya nakita sa akin ang hinahanap niya sa partner niya.
                “Tapos ngayon ikaw pa ang may ganang hiwalayan ako? Iyon ba ang sinasabi mo?”
                Lumapit siya sa akin. Nanlilisik ang kaniyang mga mata. Hinawakan niya ang mga braso ko. Madiin iyon na parang gusto niyang durugin.
                “Hindi naman sa ganoon pero baka lang kasi mas gusto mong maghanap ng katulad mong ipinanganak na guwapo. Hindi kita niloko Jc. Oo, nagkamali akong hindi ko sinabi sa iyo ang dating ako ngunit akala ko, kapag mahal mo ang isang tao, tanggap mo siya ng buong-buo kasama na iyon ng nakaraan niya. Na kahit ano at sino pa siya noon ay tanggap mo iyon dahil mahal mo siya.” Nangilid na sa mga mata ko ang kanina ko pa pinipigilang luha.
                Ang kaninay madiin niyang paghawak sa braso ko ay biglang lumuwang. Unti-unting nawala ang galit sa kaniyang mga mata hanggang naramdaman ko ang masuyo niyang pagpunas sa aking mga luha. Niyakap niya ako ng mahigpit. Mahigpit na mahigpit. Paulit-ulit niyang sinasabing mahal niya ako. Ang kaninang naramdaman kong takot ay parang biglang napawi ng mainit niyang yakap. Naramdaman ko ang labi niya sa aking mga labi. Nagsimulang lumakbay ang kaniyang mga kamay sa buo kong katawan. Nagpaubaya ako. Ginising niya ang aking pagnanasa at ang tagpong iyon ay nauwi sa mainit na pagtatalik.
                “Kung ganoon pala ang hitsura ko tulad dati malayong mamahalin mo ako, ano?” tanong ko sa kaniya nang nagpapahinga na kami. Nakayakap siya sa akin.
                “Nabigla lang kasi ako. Sorry, mahal.” Pang-aamo niya.
                “Yung totoo, mahal. Kung tataba ba ako uli at tutubuan ng maraming taghiyawat mamahalin mo parin ba ako?”
                “Hindi mo naman hahayaan mangyari iyon di ba?”
                “Kung sakali nga eh.” Pangungulit ko.
                “Kung mahal mo ako at ayaw mong mawala ako sa iyo, hinding-hindi mo hahayaang bumalik ka pa sa dating ikaw.”
                Hindi ko na siya kinulit pa. Sapat na ang sagot niya sa akin para masabi kong iba siya kay Lando. Mahal ako ni Jc sa kung ano ang nakikita niya sa akin hindi kung sino ako. Si Lando, mahal niya ang kabuuan ko at tanggap niya kahit ano at sino pa ako. Napabuntong hininga ako. Hindi ko na dapat pa silang pinaghahambing. Si Lando ay bahagi ng nakaraan ko at pag-aari na ng iba. Si Jc ang kasalukuyan ko at pag-aari ko ngayon. Ang dating Terence na pangit ay nakaraan ko na, ang bagong Terence ang minahal ni Jc ngayon. Dapat matuto akong pahalagahan ang ngayon at ipagpatuloy ang ngayon para bukas.
                Naging maayos ang gusot na iyon. Mas nagiging maalaga si Jc sa akin. Mas lagi kaming nagkakasama kahit saan ako pupunta. Ngunit napansin kong pati sa kaibigan kong si Jasper ay hindi niya pinapayagang lumabas ako na kami kami lang. Gusto niya, lagi siyang naroon sa bawat paglabas ko. Lahat ng ginagawa ko, kung sakali mang hindi kami magkasama ay dapat alam niya. Hawak niya ang bawat ikot ng buhay ko. Naramdaman kong ako lang ang umiikot sa buhay niya. Ngunit dahil nirerespeto ko ang pagiging kami, naiintindihan ko ang lahat ng ginagawa niyang iyon. Tanggap kong bahagi iyon ng pagiging kami. Maaring natatakot lang siyang maagaw ako ng iba.
                Siyam na buwan na kami noon.
                “Umuwi na tayo!” paanas ngunit ma-otoridad niyang sinabi sa akin habang kausap ko ang isang bagong lalaki sa gym. Nagtatanong lang ito kung ano ang ginagawa kong exercise para mapaganda ang shoulder ko. Napakatalim ang tingin niya sa akin at sa kausap ko.
                “Kadarating lang natin a?”
                “E, sa ayaw ko ng maggym. Wala na akong gana. Tara na.”
                Hindi ako sumagot. Minabuti kong magpalit na lang din at sundin ang gusto niya. Ayaw ko ng away. Huling away namin noong nakita niya ang luma kong picture. Mas gusto kong sundin ang gusto niya kaysa sa makipagtalo ako sa kaniya lalo pa’t wala din lang patutunguhan. Hindi siya patatalo sa akin. Pagkatapos naming magpalit ay wala pa din siyang imik. Pinili kong huwag na rin muna siyang imikan dahil alam kong mainit ang ulo niya.
Ngunit halata kong galit na galit parin siya habang pababa na kami sa building.
                “Di ka na nahiya. Kapal ng mukha mo!” unang banat niya.
                Kinontrol ko ang sarili ko. Hindi ako sumagot. Nang nakalabas na kami ng building ay binilisan ko ang lakad ko.
                “Akala mo hindi kita inoobserbahan? Ano! Kulang pa ba ako sa iyo? Kulang ba ang laki ng ari ko para lumandi ka pa sa iba?”
                Lalo kong binilisan ang paglalakad ko. Ayaw kong makipag-away sa daan. Nang may dumaan na taxi ay pinara ko at binilisan kong sumakay. Isasara ko na sana ang pintuan ngunit mabilis siyang sumunod.
                “Nasasaktan ka dahil totoo! Ano na lang kung wala ako do’n. Siguro iuuwi mo na iyon sa kuwarto mo. Baka nga lahat ng guwapo sa gym naiuwi mo na.”
                Parang wala akong narinig. Sinabihan ko ang Indiyanong driver ng taxi kung saan kami ihatid.
                “Sumagot ka, gago!”
                Kinuha ko ang iphone ko at inayos ang earphone sa aking tainga. Ayaw kong makipag-away sa sa kaniya. Ayaw ko siyang sagutin sa wala namang kuwentang bagay.
                Pagkasuot ko ng earphone ay isang malakas na suntok sa hita ko ang kaniyang pinakawalan. Napakalakas niyon kaya hindi ko na natiis ang mag-aray ng malakas.
Napalingon ang taxi driver.
At noon, alam kong nagsisimula ko ng nakikilala ang tunay na pagkatao ng taong pinili kong isugal ang puso ko’t kinabukasan. Noon ay tuluyang nabuo ang dating takot ko at pangamba. Saan ako dadalhin ng pagmamahal ko kay Jc?
CLICK THE LINK BELOW IF YOU WANT TO CONTINUE READING CHAPTER 15, CHAPTER 16 AND CHAPTER 17 IN MY BLOG @ http://joemarancheta.blogspot.com/

No comments:

Post a Comment