Chapter 16
Hindi ko alam kung bakit ko pinalampas ang mga ginawang iyon ni Jc sa akin. Siguro kapag naroon ka sa isang sitwasyon na mahal mo ang isang tao ay binibigyan mo ng pagkakataon ang taong baguhin ang kaniyang kamalian. Ngunit, hindi ko alam na mas binibigyan ko siya ng pagkakataon din para muli niya akong saktan. Dahil pinapasok ko siya sa buhay ko, binibigyan ko siya ng karapatang panghimasukan ito ngunit hindi ang karapatang tratuhin ako ng hindi makatao. Walang karapatan ang sinuman na manakit kahit pa gaano ka kamahal ng taong nagbigay ng kaniyang puso’t pagtitiwala. Hindi ako maintindihan ng mga taong hindi pa naranasang nagmahal ngunit dumadating kasi sa puntong dahil mahal mo ang isang tao ay tuluyang nawawala ka sa katinuan sa tuwing niyayakap ka at hinahalikan. Pinapawi ng mga paglalambing na iyong ang lahat ng masasakit na nakaraan. Tuluyang iginapos ng aking talino at prinsipyo ang pagmamahal ko sa kaniya.
Mag-iisang taon na kami ni JC noon, nang minsang nag-uusap kami ng workmate ko habang hinihintay ko si Jasper na daanan ako sa aming opisina. Napag-uusapan naming ang mga kapalpakan ng ibang lahing katrabaho namin. Nagtatawanan kami. May asawa at anak ang katrabaho ko at walang kaalam-alam na may karelasyon akong kapwa ko lalaki. Bakla ako ngunit hindi iyon lantad sa lahat. Maingat ko iyong itinatago sa aking mga katrabaho at natatakot akong malaman ng kahit sino doon.
Biglang sa isang iglap ay nakita ko na lamang na isang malakas na suntok ang pinakawalan ni Jc sa mukha ng katrabaho. Nagulat ako na kung paanong bigla na lang siyang lumitaw sa kung saan. Hindi pa siya nakuntento dahil nang mapaupo iyon sa pagkabigla ay dinagukan pa niya kasabay iyon ng pagbabanta.
“Tang-ina mo. Layuan mo si Terence kung ayaw mong iuwi kang bangkay sa Pilipinas!”
Hindi ako noon makagalaw sa pagkabigla. Parang sa isang iglap ay huminto ang mundo ko. Kinuwelyuhan niya ako at itinulak sa loob ng kaniyang kotse.
“Di ba dapat nasa trabaho ka? Anong ginawa mo? Akala ko ba nagkaliwanagan na tayo?” magkahalong takot at pagtataka kong usisa sa kaniya.
“Tumahimik ka, huwag mo akong galitin! Ayaw kong mapagbuhatan na kita ng kamay.”
Mas pinili ko na lamang tumahimik. Pagdating namin sa bahay ay hindi parin ako nagsalita. Iniisip ko kung paano ko ipaliliwanag at humingi ng dispensa ang nangyaring iyon sa katrabaho kong nabigla sa bilis ng pangyayari.
“Mabuti pa siguro maghiwalay na lang tayo.” Maalumanay kong sinabi. “Hindi ka na nakakatuwa.”
Narinig ko na lamang ang mahina niyang paghikbi hanggang yumuyugyog na ang kaniyang balikat.
“Hindi ko naman sinasadya iyon. Hindi ko lang kasi kayang kontrolin ang sarili ko. Patawarin mo ako. Kahit bukas na bukas din hihingi ako ng tawad sa katrabaho mo. Patawarin mo sana ako.” Humahagulgol na siya. Iyon ang unang pagkakataong iniyakan ako ng isang lalaki. Iyon ang unang pagkakataong humahagulgol ang isang tao sa harapan ko para lang humingi ng paumanhin sa nagawa niya lalo pa’t sobra niya akong minahal. Parang ako na din ay nagiging sira-ulo. Katulad niya, parang napakabilis na din ang transition ng aking emosyon.
“Patatawarin kita kung kausapin mo ang katrabaho ko at humingi ka sa kaniya ng dispensa sa ginawa mo.”
“Sige, tawagan mo siya at ako ang kakausap.”
“Tatawagan ko siya at magpapaliwanag ako ngunit gusto kong personal kang hihingi sa kaniya ng tawad.”
“Sige gagawin ko ang lahat na hiling mo mahal.”
Naayos ang gusot. Mabuti hindi din ipinagkalat ng katrabaho ko ang totoo kong pagkasino at hindi din naman nagbago ang pakikitungo niya sa akin. Tanga na kung tanga. Mahal ko si Jc. At sa tulad kong nabulag ng pagmamahal. Lahat tinatanggap. Lahat inuunawa.
Dahil sa palagian kong pagtanggi sa gusto niyang posisyon sa sex ay hindi na niya iyon hiniling pa. Ngunit nandoon pa din ang pagiging mahigpit niya. Laging nasa kuwarto ko at naghahalughog ng mga ebidensiya. Ngunit tapat ako kung magmahal. Hindi ko ugaling mangaliwa. Hindi din ako iyong tipong naghahanap ng iba habang may kasintahan.
Naging close na sila ni Jasper. Nakuha niya ang buong tiwala ni Jasper kaya labas-masok siya sa bahay na parang doon na din siya nakatira. Uuwi na lang siya sa kanila kung magpapalit ng damit. Wala naman ako doong reklamo dahil naintindihan ko siya. Gusto niyang lagi kaming magkasama. Hanggang sa lagi ko na siya naabutan sa bahay na masayang kausap ni Jasper. Hindi ko binigyan ng kulay iyon dahil wala namang nabago sa amin. Ramdam ko nga na mas lalong umigting ang pagmamahal niya sa akin.
Pinag-overtime kami ng boss namin ilang linggo bago ako babakasyon sa Pilipinas. Ako ang pinakiusapan na kailangang habaan ang oras ko pa sa trabaho para matapos lahat ang pending ko. Pinauna ko na si Jasper at sinabing gagabihin pa ako. Tumawag din si Jc at sinabing hihintayin na lang ako sa baba n gaming building ngunit sinabi kong aabutin pa ako ng tatlong oras sa opisina. Napagkasunduan na sa bahay na lang niya ako hihintayin o kung hindi ay tatawagan ko na lang siya para magpasundo. Ngunit isang oras palang ang nakakaraan nang tumawag siya ay nagsisiuwian na ang mga katrabaho ko. Sumasakit na din ang ulo ko kaya ipinasya kong sumabay na lang sa kanila at bukas ko na lang uli hahabaan ang oras ng trabaho ko. Minabuti kong magpahatid na lamang sa katrabaho ko dahil on the way naman ang tinitirhan niya sa akin. Hidni ko na din lang tinext o tinawagan ang isa sa dalawa dahil alam kong nasa bahay lang naman sila.
Nang aking buksan ang pintuan ay tumambad sa akin ang hindi ko inaasahang makita. Nakatuwad si Jasper habang sarap na sarap naman si Jc na binabayo siya sa likod. Nakaharap ang litrato ko kay JC habang nakapikit naman si Jasper na nakahawak sa gilid ng sofa. Para akong nasabuyan ng nagyeyelong tubig. Nanigas ako doon na nakamasid lang sa kanila. Parang nakakita ng multo ang dalawa. Saglit lang na natigilan at mabilis nilang tinakpan ang kanilang hubad na katawan. Hindi ko alam ang gagawin ko. Para akong tuod na nakatunghay lang sa kanila. Sa tagpong naabutan ko ay wala akong kahit anong puwedeng sabihin. Nagkalat sa mesa ang pinag-inuman nilang Vodka, tubig, upos ng sigarilyo at mga pulutan. Alam ko nakainom silang dalawa. Nang bumalik ako sa aking katinuan ay dumaan ako na parang walang nakita. Walang nangyari ngunit may binigkas ako…
“Tapusin niyo na ang ginagawa ninyo. Nasimulan na ninyo, nakita ko na, kaya tapusin niyo na lang pero sana sa tamang lugar.”
Isang malakas na pagsara ng pintuan ang tanging alam kong paraan para maipadama sa kanilang hindi ako natutuwa sa aking nasaksihan. Mabigat kong ibinagsak ang katawan ko sa kama. Hirap kong umiyak. Gusto kong iyakan ang nakita ko ngunit hindi ko magawa. Nasaid na ba nang nakita ko ang nararamdaman kong pagmamahal kay Jc kaya ako hirap umiyak. Ngunit masama ang loob ko sa nakita ko? Kung hindi ko na mahal si Jc bakit nararamdaman ko ang galit. Dahil ba pakiramdam ko ay niloko niya ako at nangaliwa siya? Pero hindi ba dapat masaya ako dahil naibibigay na ni Jasper ang hindi ko kayang ibigay sa kaniya? Nakaramdam ako ng kalituan. Masiyado akong nawili sa ideya na may magmamahal sa akin at mamahalin ko din. Natakot akong muling mag-isa. Natakot akong muling iwan. Katulad ng pagkawala ni Lando. Malinaw na sa akin ang lahat. Pinalagpas ko ang lahat ng mga maling ginawa sa akin ni Jc dahil sa takot kong maiwan muli. Natatakot akong wala ng magmamahal pa sa akin.
Isang maingat na katok sa pintuan ang sumunod na narinig ko.
“Mahal, puwedeng pumasok? Mag-uusap sana tayo kahit sandali lang?”
Hindi ako sumagot. Hindi ko alam kung handa ko na ba siyang harapin. Pinakiramdaman ko ang sarili ko kung kaya ko siyang kausapin. Gusto kong matiyak kung kaya ko na siyang harapin at nagtataka ako sa nararamdaman kong tibay ng loob.
“Mahal, hindi ako aalis dito sa pintuan mo hangga’t hindi mo ako hinaharap.” pangungulit niya.
Naisip kong hindi naman niya kailangang tumagal doon dahil ayaw ko ng patagalin pa ang lahat. Parang bigla akong nakadama ng tuwa…parang sa tinagal-tagal ng panahon, naramdaman kong naging malaya ako sa isang isang mapag-abusong relasyon. Ito na nga ang pagkakataong hinihintay ko.
“Salamat mahal” mahigpit ang yakap niya ng pagbuksan ko siya. May tumulong luha sa aking balikat ngunit hindi na nitong kayang hugasan ang puso kong tuluyan ng nilumot ng kawalang pag-ibig. Hindi na nito kayang tunawin ang bumalot na dumi lalo di na kayang buwagin ng luhang iyon ang pader sa pagitan namin.
“Pumasok ka, mag-uusap tayo ng masinsinan at diretsuhan.” Seryoso kong sagot.
Nang umupo siya sa gilid ng kama ay tinignan ko siya pataas-pababa. Guwapo parin siya…napakaguwapo niya kung ang titignan ay ang panlabas niyang hitsura. Sino bang mag-aakala na sa tikas niya at tindig ay isa siyang sirena? Katulad ko…sino bang mag-aakala na akong isang ugly duckling na binihisan ng makabagong teknolohiya. Ngunit may isang bagay na ayaw kong baguhin. Isang kagandahang mahirap makita ng mga taong hindi tumitingin sa tunay na busilak na kagandahan. Hindi kaya ni Jc na titigan ako. Di niya matagalang makipagtitigan sa akin. Nakayuko lang siya. Hindi siya nagsasalita.
“Anong gusto mong pag-usapan natin?” Usisa ko.
“Tungkol sa nakita mo, wala iyon, nagkatikiman lang. Nagkasiyahan. Nakainom kasi kami. Pero ikaw ang iniisip ko habang ginagawa ko iyon. Picture mo ang tinititigan ko at hindi si Jasper ang nasa utak ko. Hanggang ganun lang yun. Sex lang.”
“Siguro sa tingin niyong dalawa, yung ginawa ninyo ay sex lang. Pero sa akin, sa pananaw ko, hindi lang ganun iyon. Paano naman ang tiwala ko? Paano pa kita pagkakatiwalaan ngayong may nasaksihan ako. Sabihin na nating ako ang iniisip mo habang ginagawa mo iyon pero hindi ko katawan ang ginagamit mo. Hindi ko din nakikita kung ano nga ba talaga ang nasa utak mo. O, sige sex lang ang nakita ko. Kaya nga sa relasyong ganito ay madaming nasisira dahil ang tingin kasi natin sa sex ay sex lang…nagkatikiman lang pero hindi mo ba naisip na ang “sex lang” na ginawa niyo ay may mas malaking nasira. Sinisira niya ang tiwala na siyang tuluyang hihila sa pag-ibig para tuluyang maglaho ang nararamdaman. Kung nasira ang tiwala, tuluyan ng sisibol ang walang hanggang pag-aaway. Ayaw kong sisirain ako ng pag-ibig mo. Ayaw akong laging nag-iisip kunsakaling aalis ka. Ayaw kong laging natatakot na maaring may ginagawa ka kapag may kasama kang iba. Ayaw kong ako yung hindi nakakatulog sa pangambang may kinakalantari ka. Lalong ayaw kong maghabol at magmukhang kawawa. Kaya siguro kailangan na nating tapusin ang lahat.”
“Nakikipaghiwalay ka ng dahil lang doon?”
“Hindi lang dahil doon ang tingin ko do’n. Nakikipaghiwalay ako dahil hindi na kita kayang pagkatiwalaan. Kaya pala ganoon ka na lang kahigpit sa akin dahil natatakot ka sa mga multong ginagawa mo. Nakikita mo sa akin ang ginagawa mo. Pinagbabawalan mo ako sa mga hindi ko naisip gawin dahil ikaw mismo ang gumagawa sa mga iyon. Kunyari nagseselos ka ngunit ang totoo ay ikaw ang may ginagawa. Nakikita mo sa akin ang ginagawa mo sa iba.”
“Sorry na mahal.”
“Ilang beses bang kailangang humingi ng tawad ang taong nagkasala? Ilang beses ba kailangang patawarin ang taong walang hanggan ang pananakit? Ayaw ko na Jc. Nakakapagod kang mahalin. Nakakatakot kang angkinin.”
“Patawarin mo na ako. Nagmamakaawa naman ako oh!”
“Napapatawad na kita.” sagot ko.
Nakita ko na naman ang tuwa sa kaniyang mukha sa tuwing pinagbibigyan ko siya.
“Talaga? Salamat mahal!” akmang yayakapin niya ako.
“It’s not like what you think.” Umiwas ako sa pagyayakap niya sa akin.
“Di ba nga pinapatawad mo na ako? E, anong ibig sabihin no’n.”
“Iba ang pinatawad sa tayo pa. Nakapagdesisyon na ako. Ayaw ko na. Pero pinatatawad na kita sa ginawa mo dahil ayaw kong magtanim ng kahit anong sama ng loob sa kapwa.”
“Labo mo naman. Pinatatawad mo ako pero binebreyk mo ako… ano yun?”
“Mahirap bang intindihin? Pinatatawad na kita ngunit hindi na puwedeng maging tayo. Siguro tapos na ang pag-uusap na ito. Buo na ang desisyon ko, ayaw ko na.” pakiramdam ko noon lang ako nagkaroon ng boses. Noon lang ako nagkaroon ng sariling lakas.
“Hindi mo puwedeng gawin ito sa akin!” hinawakan niya ang kuwelyo ng damit ko. Nagbago ang talim ng kaniyang mga mata. Nagpupuyos. Sa pagkakataong iyon ay matibay na ang dibdib ko. Buong-buo na ang tiwala ko sa aking sarili at hindi kabaitang maituturing ang patuloy na tumatanggap sa pananakit ng iba. Katangahan ng maituturing kung hahayan ko lang siyang pagbuhatan ako ng kamay sa kabila ng mga hindi ko na masikmurang mga ginawa sa akin.
Nang gumalaw ang kamay niya para sikmurain ako ay mabilis akong umilag at dahil hindi niya napaghandaan ang pag-ilag ko ay nawalan siya ng balance. Kinuha ko ang pagkakataong iyon para pumuwesto sa likod niya at buong lakas kong kinuha ang kaniyang mga kamay patalikod. Sa pagkakataong iyon ay alam kong mas nasa magandang posisyon ako. Naggigym na din ako ng matagal-tagal kaya alam kong hindi na din ako padadaig sa lakas. Pinilipit ko iyon at itinaas habang hawak ko din ang isang kamay niya.
“Hindi mo na ako masasaktan Jc. Minahal kita. Initindi ko lahat ang mga kalabisan mo sa akin ngunit sa pagkakataong ikaw na iyong nahuli kong gumawa ng katarantaduhan at saktan pa ako physically, hindi na siguro tama pang hahayaan kitang pagbuhatan pa ako ng kamay.
Pinilit niyang kumawala pero sa tuwing gumagawa siya ng paraan para makahulagpos ay buong lakas ko namang ipinihit.
“Siguraduhin mong di mo ako mabibitiwan dahil kapag ako ang nakawala makakatikim ka sa akin.”
“Kung makakawala ka at kung papayag pa akong pagbuhatan mo ng kamay.”
Nagsimula siyang magwala. Nagpalundaglundag siya at winawasiwas ang katawan hanggang tuluyan ko na nga siyang nabitiwan at bago siya tuluyang makasuntok ay buong lakas ko siyang sinipa.
“Marunong ka ng lumaban ngayon! Tigasin ka na ha!” singhal niya. Nagpupuyos siya. Nakikita ko din ang galit sa kaniyang mga mata.
Ngunit hindi ako natinag. Kung kaya niya akong saktan ay mas may karapatan akong gawin iyon sa kaniya. Hindi lang siya ang may lakas, hindi lang siya ang galit. Mas kinawawa niya ako. At ngayong tuluyang naglaho ang nararamdaman ko, ngayong tuluyang pinagharian ng galit ang puso ko ay hinding hindi na siya mananalo pa sa akin.
Nang bumangon siya ay mabilis kong kinuha ang isang matigas na bagay na puwede kong ipalo sa kaniya kung ipagpilitan niyang lumapit. Hindi ko alam pero sa tulad kong napuno na, sa tulad kong mabait ngunit napuno na din sa pang-aapi ng iba ay wala akong sinasanto. Hindi ko alam ngunit wala na akong takot noon. Tuluyan ng ginapi ng galit ang naiiwang kagandahang asal.
Kung magpipilit siya ay hindi ako magdadalawang isip na gawin ang lahat para lang tuluyan na siyang umalis. Sa galit ko noon ay maari akong makapatay. Humakbang siya palapit sa akin. Malikot ang kaniyang mga mata na parang naghahanap din ng maari niyang pantapat sa hawak kong pamalo. Nakita niya ang isang matalim na gunting Mabilis niya iyong kinuha. Nanginginig ako sa galit. Wala akong ibang iniisip kundi ang depensahan ang aking sarili kahit pa kapalit nito ay ang pagkitil sa buhay ng taong dati kong minahal.
No comments:
Post a Comment