by: Justyn Shawn
"Bakit ka dyan umiiyak? Diba magsasaya tayo ngayon? Diba susulitin natin ang weekends?" biglang sulpot sa harapan ni Ronnel si Josephine matapos niyang iaangat ang kanyang ulo mula sa pagkakaub-ob nito sa pag-iyak. Nakita niya ang kanyang nobyang nakangiti sa kanya. Ngayon, napakaaliwalas ng mukha nito. Ang ganda nito ay tila nagniningning sa kanya. Nakakahalina.
Niyakap niya ng mahigpit ang kanyang nobya. Ngumiti ng pilit. Hindi niya pinakitang masakit ang kalooban niya sa pagkawala nito; na wala na ito at isa na ngayong kaluluwa ang sa kanya ay kamakausap.
"Oo, susulitin natin ang buong weekends." saad ni Ronnel sa dalaga at masuyo niya itong hinalikan.
Matapos nilang kumain ng agahan ay tila walang kakaibang nangyari sa kanila. Kahit masakit ang kalooban ngayon ni Ronnel, hindi niya ito pinakita sa kanyang nobya. Kahit na sising sisi siya sa sarili dahil kung hindi niya pinaghintay ang kanyang nobya ay hindi sana hahantong ang lahat sa ganito. Pilit na ngiti lamang ang pinapakita ng binata sa dalaga. Iyon na lang ang tanging paraan upang masulit kahit papaano ang kanilang weekends. Ang magsuot siya ng maskarang panakip sa pagsisisi at kalungkutan na ngayon ay bumabalot sa kanyang katauhan.
Namasyal sila. Naglaro. Nanood ng sine. At madami pa silang ginawang masasabi mo talagang "sulit" ang weekends nila. Habang kasama ang kanyang nobya ay di maalis ang pagsisising nararamdaman niya ngunit mas nangibabaw ang kasiyahan doon, na kasama niya ang taong mahal na mahal niya; na binigyan pa siya ng chance na makasama siyang muli.
Kung sana ganito lang sila noon..kung sana matagal na niyang ginawa ang mga bagay na ganito, hindi na sana hahantong pa ang lahat sa kawalan. Ngunit wala na siyang magawa kundi tanggapin ang katotohanan at magpakasaya na lang sa pagkakataong binigay sa kanina.
Lumuhod ito sa harapan ni Josephine. May ngiti sa labi ngunit puno ng kalungkutan ang kanyang mga mata. "Will you marry me?" saad ng binata sa dalaga.
"Kung alam mo lang kung gano ako katagal naghintay na sabihin mo ang mga katagang yan sa akin. Oo!!! OO.. I will marry you!!!"Tuwang tuwang sagot naman ni Josephine kay Ronnel. Bakas ang kaligayahan ng dalaga sa sinabi ng binata habang nakaluhod itong hawak ang kanyang mga kamay. Sa pagtanggap ni Josephine ay tila nawalang lahat ng kalungkutang bumabalot kay Ronnel. Niyakap niya ang kanyang nobya ng mahigpit. Punong puno ng kaligayahan.
Isinoot ni Ronnel ang singsing sa kamay ng dalaga matapos niya itong halikan. Napakagandang tingnan itong suot sa kamay niya. Bagay na bagay. Niyakap ng mahigpit ni Josephine si Ronnel. "Ngayon pa lang sulit na ang weekends ko."tuwang tuwang sambit ng dalaga.
Tumungo sila sa may simbahan. Duon, kahit walang pari, kahit walang saksi, kahit walang katibayang papel kinasal nila ang kanilang sarili. Ipinakita nila ang kanilang wagas na pag-iibigan. Gusto nilang pagtibayin iyon sa mga oras na iyon.
Hinawakan ni Ronnel ang dalawang kamay ni Josephine. Ipinatong ito sa kanyang dibdib. "Josephine Lalusin, tinatanggap mo ba ako bilang iyong kabiyak na iyong pakamamahalin at paglilingkuran sa hirap at ginhawa, sa dusa at ligaya, sa habambuhay?" damang dama ni Josephine ang bilis ng tibok ng puso ni Ronnel habang nakapatong ang kanyang mga kamay sa dibdib nito.
Matapos sabihin ang mga katagang iyon habang nakatitig sa mga mata ng dalaga ay napansin niyang tumulo ang luha nito. Huha ng kaligayahan.
"Oo! Oo!..."nagmamadaling sagot ni Josephine sabay punas ng mga luha niya sa galak na nararamdaman. Ito ang matagal na niyang hinihintay na mangyari sa kanila ni Ronnel. At ngayon nga ay nangyayari na. Wala mang papel, saksi, o pari, ang pag-ibig nila ang naging batayan upang pag isahin nila ang kanilang dibdib.
Kinuha ni Josephine ang mga kamay ni Ronnel at ipinatong din ito sa kanyang dibdib gaya ng ginawa ng kanyang kapareha."Ikaw Ronnel Bactong, tinatanggap mo ba ako bilang iyong kabiyak na iyong pakamamahalin at paglilingkuran sa hirap at ginhawa, sa dusa at ligaya, sa habambuhay?"
“Oo.”nakangiting wika naman ni Ronnel kay Josephine. Matapos noon ay naghalikan silang dalawa. Isa iyong mainit at puno ng pagmamahal na halik. Napakasaya nila ng mga sandaling iyon. Iyon na yata ang pinakamasayang sandali sa kanilang buhay.
Matapos nilang ikasal ang kanilang sarili ay nagpunta sila sa kanilang tagpuan kung saan madalas maghintay si Josephine kay Ronnel. Dito, sa lugar ding ito, may naghihintay na sorpresa para kay Ronnel. Masaya silang parehong tumungo dito dahil isa na ngayon silang ganap na mag-asawa.
Kinuha ni Josephine ang isiniksik niyang sorpresa para kay Ronnel. Isang sulat. Binasa ito ng kanyang asawa.
Labs,
Mahal na mahal na mahal kita. Kung ang paghihintay lang ang kaya kong gawin upang mapasaya ka. Gagawin ko ito. Dahil mahal na mahal kita. Kahit pa man hanggang sa kabilang buhay..hihintayin kita. Ganun kita kamahal. I love you.
Josephine
Pagkabasa niyang iyon ay tila nagbalik sa kanyang katauhan ang pagsisisi. Kung hindi lang sana niya nagawang paghintayin ang kanyang nobya, buhay pa sana silang nagsasama ngayon. Tumulo ang luha sa mga mata ni Ronnel. Niyakap naman ito ni Josephine noong makita niya ang kanyang asawang umiiyak.
“Asawa ko…”mapaglambing na wika ni Josephine habang yakap niya ang kanyang asawa at hinahaplos ang kanyang likod. “’bat ka umiiyak? Hindi ka ba masayang mag-asawa na tayo? Hindi ka ba masayang magkaisang dibdib na tayo? Hindi ka ba masayang magkasama na tayo?”
“M-masaya..p-pero…k-kung di lang s-sana…..”humihikbing salaysay naman ni Ronnel. Hindi niya iyon maituloy dahil sumingit agad at nagsalita si Josephine.
“Yun naman pala e. Masaya ka naman pala. Halika. May ipapakita pa ako sayo”yaya nito at naglakad sila patungo sa di kalayuan.
Isa pang sorpresa ang nakita ni Ronnel.
Hindi siya makapaniwala. Tiningnan niyang muli si Josephine ngunit duguan na itong nasa kanyang harapan. Nakita din niya ang sariling naliligo sa dugo.
Naalala niyang bigla ang lahat ng mga nangyari. Pauwi na siya noon galing sa inuman. Lasing na lasing ito. Wala sa katinuan. Sinubukan pa niyang pumunta sa tagpuan nila at nagbakasakaling maabutan pa niya dito ang minamahal na nobya. Ngunit wala na ito at nakauwi na. Nagpasya na siyang umuwi. Lasing na lasing niyang inikot ang sasakyang kanyang minamaneho tungo na sa kanilang tinutuluyan. Hindi pa man siya nakakalayo, hindi niya napansin ang isang taxing humaharurot na papasalubong sa kanya. Hanggang sa ilaw na lang ang kanyang nakita.
Hindi makapaniwala si Ronnel sa nasaksihan nito. Sa isang bangin, hindi malayo sa tagpuan nila, nakita niya ang kanyang katawan. Walang buhay.
Wakas
Imp tragic!
ReplyDeletenaguluhan ako.. dun ha .. hehehe... at ang tragic din :)
ReplyDeletesiya ung multo. hindi ung babae, tama ba?
ReplyDeletePatay na po silang pareho, pero hindi ni Ronnel alam na patay na sya. Ang alam lang nya na si Josephine ang namatay pero namatay din siya nung oras na yun. kasi nga nalaglag ang sasakyan nya sa bangin. At ang taxi na sanhi nito ay yung nag rape din kay Josephine dahil sa pagmamadali niyang makatakas. ^_^
ReplyDeleteNalaman na patay na din siya nung pinakita ni Josephine ang kanyang bangkay dun sa bangin. ^_^
Salamat po ^_^