ANNOUNCEMENT

Kamusta po? ^_^ Atin pong i-welcome ang ating mga new authors sa blog!! ^_^ Andyan po si Sean Christopher Bautista, patryckjr, iamDaRKDreaMeR, Giefe Carvajal, Steffano, Andrey, Jace ofcards, Caleb Uriel Tan, at si Lawfer. Para po sa mga interesado maging author din po. Pls email me po sa kenji.ohya@yahoo.com. Maraming salamat po! ^_^


Nilipat ko na po ang chatbox sa "Kamustahan ^_^" tab po. :)


Guys!! Let us all welcome our newest Admin!! Welcome Admin Tommy Cassanova!! ^_^

Friday, January 18, 2013

Song We Used Sing part 4 and 5


           

Four


“Time can never mend,
the careless whisper of a good friend.
To the heart and mind, If your answers kind…
Theres no comfort in the truth,
pain is all youll find.”
-Careless Whisper / George Michael



NANG ako ay makauwi, agad ko nang tinanggal mula sa bulsa ng suot kong polo shirt ang ibinigay niyang tissue paper sa akin. Inuna ko itong ingatan dahil sa mahirap na kung aksidente ko itong mabasa sa oras na ako ay maghilamos.

Nasa isip ko pa rin ang masayahin niyang mukha na paulit-ulit na pumapasok sa aking isipan sa tuwing makakakita ako ng mga bagay na maikukumpara sa kanya. Gaya nang mapansin ko ang koleksyon ko ng sumbrero sa aking kwarto –na nagpaalala sa suot na construction helmet ni Viktor— na tinanggihan nyang tanggalin habang kami ay kumakain. Ito rin siguro ang isa sa dahilan kung bakit maraming mga mata ang nakatingin sa amin. Ang ibang dahilan kung bakit tila mascot kami sa kanilang paningin ay wala na akong ideya.

Hindi ako sigurado sa aking ginagawa at mas hindi ko rin alam kung ano ang tingin nya sa akin. Maaari na, masyado syang mabait kaya ganoon na lamang ang pakikitungo nya sa akin. At isa pa, lahat ng kapatid nya ay babae na sa tingin ko'y ang magkaroon ng kasa-kasamang lalaki ay mabuti sa kanyang pakiramdam dahil maaring pareho kami ng mapag-uusapan, ng hilig...hindi ko alam. Bukod sa pagpisil nya sa aking braso at paghawak sa aking mga kamay, pagsasabi na pinasasaya ko sya –na lubos kong ikinatuwa— maliban roon ay wala na syang sinabi pang iba o ginawa na nagpapahayag ng tunay nyang nararamdaman para sa akin. Ano pa bang gusto kong marinig?
Maari rin namang kinakailangan nya lang ng kalinga kaya nya nagawa ang mga ‘yon.

Matapos kong maghilamos at sinimulang isuot ng muli ang aking salamin sa mata ay humiga na ako sa aking kama. Sumagi rin agad sa isip ko ang ibinigay nya sa akin kaya agad ko na rin itong kinuha. Madahan ko itong binuklat upang hindi ko din ito mapunit dahil sa pagkakaipit nito sa aking bulsa. Bago ko ito ginawa ay pinunasan ko ang aking pawis na mga palad.

Lubos kong ikinagulat ang naka-sulat dito dahil sa pag-aming kanyang ginawa.

Ngunit may isa pang bagay akong lubos na inaasahan na tila ba hindi nya nagawang sabihin. Malamang ay sinulat nya ito nung oras na manghiram sya ng ballpen sa waiter at nagpaalam na pupunta lamang ito sa comfort room.

Dok Angelo.
Gusto kita.

-Janvik

Sobra akong natuwa at hindi ko na mabilang kung ilang beses ko itong paulit-ulit na binasa. Kakaiba man kung iisipin ngunit ilang beses ko ring hinaplos ng mabuti ang paligid ng kapirasong papel, pakiramdam ko kasi na mahahawakan kong muli ang kanyang mga kamay kapag ginawa ko ito. At bago ko pa ito mapunit ay inipit ko na ito sa isa sa mga paborito kong libro. Sa mga oras na yun ay hinahanap-hanap ko sya, at kahit na makita ko lamang sya sa kahit na ilang saglit ay ayos na sa akin. Inaasahan kong ilalagay ni Viktor kung saan sya matatagpuan o nakatira man lamang. Iniisip ko na lamang na swerte ko ng maituturing na makita ko syang muli sa napakalaking construction site. Ngunit ang maulit ito ay hindi ko na talaga sigurado. Paulit-ulit kong tinanong ang aking sarili sa mga bagay na alam ko namang hindi ko rin alam ang sagot.
Hanggang sa makatulog na ako at umaasang magpapakita rin sya sa aking panaginip.

Kinabukasan, nagtrabaho akong laman sya ng aking isipan.
Inaasahang sa bawat bubuksan kong pintuan ay naghihintay sya ng nakangiti sa akin. Matapos ang aking duty, naglakad-lakad rin ako ng sandali bago pa man tuluyang umuwi. Sa aking paglalakad, ay nagawa kong kausapin ang aking sarili. Naitanong ko kung, saan ba talaga nanggagaling ang saya ng isang tao? Ito ba ay sa mga bagay na syang gumugulat lang sa atin? Mga bagay na hindi natin inaasahang matagal na nating hinahanap na kapag tuluyan na nating natanggap ay doon lamang tayo liligaya? Sasaya?

Hindi ko alam kung bakit ko ba tinatanong ang mga bagay na ito sa sarili.
Sa ngayon ay inaamin kong sinisimulan na ng aking pagkataong masanay na laging makita si Viktor. At wala akong magagawa upang ito ay tanggihan.
Isa pa, ang pinaka ayoko ay ang makasakit ng tao ng hindi mo ito sinasaktang pisikal. Dahil alam ko ang pakiramdam ng sugat na hindi nakikita ngunit patuloy na kumikirot sa tuwing ito ay mahahawakan. Ito yung nararamdaman ko kapag hindi ko sya nakikita.

Sa mga relasyong aking pinasok ay wala akong pinanghinayangan, dahil lahat ng bagay na gusto kong gawin ay nagawa ko na. Sa dalawang babaeng minahal ko ng lubos, ni minsan ay hindi sumagi sa isip kong sila ay iwanan. Dahil sa bawat relasyong aking pinapasok ay palagi kong iniisip na ito na ang una at huli. Pero sa mga ‘di inaasahang bagay ay kailangan ring maghiwalay kahit na tutulan nyo itong pareho. Ang mga pangyayaring ito ang nagpapadama sa akin na paulit-ulit akong maghahanap at mabibigo. At sa ginawa kong pagpapatuloy sa aking nararamdaman at sa damdamin ko para kay Viktor na hindi ko maiwasan, ikinatatakot ko lamang na sa bandang huli ay masisira din ang lahat at lubos namin itong pagsisisihan.

Konektado ang puso ng bawat tao sa kanilang mga paa kaya naman hindi na nakapagtatakang dinala ako ng sarili kong paa sa lugar kung saan nagtatrabaho si Viktor. Madilim na ng mga oras na iyon at ang kulay kahel na ilaw ng mga poste ay nagsisilbing ‘di mabilang na araw sa gitna ng kadiliman na pilit na gumagabay sa akin patungo sa kanya. Pinuntahan ko ang naaalala kong lugar kung saan sila lumalabas, at ng mapalapit ako roon ay napansin kong nakabukas ito na ang liwanag sa loob ay tila ba sumasalubong sa akin at nagsasabing "tumuloy ka".

Nakapasok ako ng walang humaharang sa akin bagamat nakatingin ang ibang trabahador sa akin mula ng tangkain kong pumasok dito. Isang security guard ang magalang na lumapit sa akin at madahang nagsalita.

"Boss, ano po ang sa atin?..."

Tanong nito matapos humigop sa umuusok nitong kape.

"Ah', hanapin ko lang sana yung kaibigan ko dito..."

Hindi ako siguro sa gusto kong sabihin bagamat isang bagay lamang ang gusto kong ipahiwatig.

"Boss, kasi po...sa dami namin dito at sa mga aksidenteng nagaganap e' napag-pasyahan na wala na pong matutulog sa site maliban na lamang po sa ‘di maiiwasang dahilan...sa dami po namin, kasama po ako bilang guwardya ay bente-uno katao lamang po ang pinapayagang manatili dito..."

Matapos nitong magsalita ay naupo ito sa isang monoblock chair na malapit sa entrance ng gusali at isinenyas na umupo din ako sa isa pang upuang kanyang nasa tabi.

"Sige po, ‘di na rin ako magtatagal..."

"Ah' teka ha...baka matulungan ka nito..."

Humigop muli ito sa kanyang tasa at agad na tinawag ang isa sa mga grupo ng lalaking kanina ko pang napansin na nagsisiksikan sa isang tolda ilang metro ang layo sa amin.

"Roger! ‘lika muna dito!"

Matapos marinig ang panawagan ay isang binata ang agad na tumayo at kumaway sa amin. Nakita kong nagmadali itong nagsuot ng tsinelas at patakbong lumapit sa aking kinatatayuan.

"Ano po yun?"

Tanong nito sa guwardya habang nirorolyo nito ang hawak na songhits.
Itinuro naman sa akin ng matanda ang binata at dito na ako nakipagusap.

"Ah' itatanong ko lang sana kung may nakikilala kang Viktor?"

"Hmm...ah..."

"John? John-john?..."

Umiling-iling lamang ito at tila ba nagiisip.

"Ah'...Andres ang apelyido nya..."

"Ah-e'..."

Gusto ko na sanang palagpasin at hayaan na lamang ang mga pangyayari ng maisip ko ang isinulat ni Viktor.

"Janvik?"

"Ah! Opo...si Eleven...haha! Ay..."

"Huh? Eleven?..."

Pagtataka ko dito.

"Opo, yung napilayan?"

"Oo sya nga!...andito ba sya?".

Bigla akong kinabahan ng marinig ko ito.

"Ay sir...’ala na po. Umuwi na po sya e'..."

"Umuwi?"

"Opo, kanina po kasi...ah'...last day nya na kasi kanina...’di na po kasi
kailangan ng buhat, at isa pa po, sabi nya sa amin e' may sakit ang nanay nya at kailangan na nyang umuwi sa kanilang probinsya...at yung-"

"Ah' ganun ba?...Sige. Salamat ng marami...".

Hindi ko na nagawang maka-pagpaalam pa ng maayos dahil sa bigat ng aking pakiramdam. Matapos kong makalabas ng gusali ay mabilis na akong tumakbo papalayo. Bagamat hindi ako sigurado sa aking pupuntahan ay nagpatuloy pa rin ako. Habang ako ay tumatakbo, tinanggal ko ang aking salamin upang magbigay daan sa mga luhang kanina pa naghihintay na maisilang.

Five


“There's a room where the light won't find you.
Holding hands while the walls come tumbling down.
When they do i’ll be right behind you.”
-Everybody Wamts to Rules The World / Tears For Fears



NAKARATING ako sa amin  pasado alas-nuebe na ng gabi. Mabigat ang aking pakiramdam at ng agad akong makarating sa aking kwarto ay pinilit ko ng agad na matulog. Nahiga ako ngunit kahit pagod ay hindi pa rin ako dinalaw ng antok. At dahil dito’y naalala ko syang muli, na alam ko namang papasok at papasok sa aking isipan kahit pilit ko pa itong kalimutan. Ayaw ko rin namang mawala sya sa aking isipan.

Ngayong alam kong malabo na kaming magkita ay sumasagi sa aking isipan na mabuti na rin siguro ang ganito. Ang iwanan at pabayaan na lamang ang mga nangyari. Kalimutan ang lahat at tuluyan na syang burahin sa aking isipan. Pero aaminin ko na hindi ko ito kayang gawin. Sinasabi nga na ang pagtingin na hindi nasuklian ang syang pagmamahal na pinaka magtatagal.
           
Tinuruan akong maging mapag-kumbaba ng aking Ina at Ama.
Ngunit naitanong ko sa aking sarili kung ano ang nagustuhan ko kay Viktor. Hindi ko nagawang manghamak ng aking kapwa sa tanan ng aking buhay ngunit kung normal lamang ang pagibig na aking nadarama, malamang ay maraming tao ang magtatanong sa akin kung bakit sya ang aking nagustuhan. Pero hindi na nila kailangan pang malaman ang aking dahilan.

Noong una ko pa lamang syang makita, ay hindi ko mapigilan ang aking sarili na tumingin sa kanya. Tila ba nagsasalita ang kanyang pagkatao at nagsasabing kailangan nya ng pagmamahal at ako ang nakapansin nito sa kadahilanang ako rin ang kailangang magpunan. Itinatanong ko ngayon sa aking sarili kung lalaki nga ba ang hanap ko. Isang subject na pilit kong iniiwasan simula ng matuto akong mag-isip ng tama. Bagamat pilit ko itong tinatago sa aking sarili ay gising naman ako sa mga isyung tumatalakay sa ganitong pagkatao.
At sa mga nangyayari sa aking paligid ay lumalabo na ang depenisyon ng salitang pag-big na hindi na kailangan pang lagyan ng salitang totoo.
Nang kasama ko pa sa magkaibang panahon ang aking  mga naging nobya ay
hindi ko naman naisip na gumawa ng hindi kanais-nais na bagay sa mga ito. Naisip ko lang din na ang pagkawala ba nila sa aking buhay ang nagbibigay ng dahilan upang buksan ko ang aking isipan sa kung ano ba talaga ang gusto ko?
Upang matanggap ng buo ang aking sarili at tingnan ang mga bagay na kung saan talaga ako magiging masaya na dati ay pinipilit kong iwasan?

Sa pag-iisip o pakikipag-usap ko sa aking sarili ay karaniwang nakakatulog ako. Ngunit sa pag-kakataong ito ay hindi pa rin ako nagawang antukin.
Naaalala ko pa rin si Viktor at naiisip ko kung ano ang kanyang ginagawa sa mga oras na ito. Naiisip rin kaya nya ako? Pero pumasok na rin sa aking isipan na gaano ko man sya isipin at kahit na ipagsigawan ko pa sa lahat ng tao ang laman ng aking isipan, ay wala itong magagawa at hindi nito mababago ang mga pangyayari.  Himala na lamang kung kami’y muling magkikita. At dito ay alam kong hindi ko na sya makakaharap. Tila ba ang simpleng pananatili nya dito sa mundo ay patuloy na magdadala sa akin ng kalungkutan sa tuwing sya ay aking maaalala.

“Kuya...Kuya?...gising ka pa ba?”

Biglang nanlaki ang aking mga mata ng marinig kong tumatawag ang akingnag-iisang kapatid sa pinto ng aking kwarto. Mabilis ko itong hinarap at agad na tinanong ang kanyang pakay.

“Kuya, may bisita ka sa labas...”

“Huh? Sino daw?..”

Tanong ko sa kanya habang tinatanggal ang medyas na hindi ko pa nahuhubad simula ng ako ay umuwi. Iniisip kong baka si Bernadette ang aking bisita ngunit kilala na ito ni Ele kaya naman nasisiguro kong agad nya na itong sasabihin kung gayunman.

“Hindi ko po kilala e’…lalake Kuya.”

 Bigla akong kinabahan.

“Pinapasok mo?”

“Hindi  Kuya…ayaw nya e’..may sasabihin lang naman daw…asa labas sya ng gate.”

Matapos makapasok ni Ele sa kanyang silid ay nagmadali na akong lumabas ng aming bahay.

Nakalimutan kong isuot muli ang aking salamin kaya naman hindi ko maaninag ng mabuti kung sino ang nakatayo sa harapan ng aming gate. Sa aking ginawang pagmamadali ay muntik pa akong makabasag ng isa sa mga paso ni Mama.

Nang buksan ko na ang gate ay tumambad naman sa harap ko ang naka-upong si Viktor. Nagulat ako sa aking nakita dahilan upang hindi ako agad nakapagsalita. May dala-dala itong tatlong malalaki at mabibigat na bag na marahil ay pasalubong nya sa kanyang mga kapatid. Ngumiti itong muli sa akin na nakadagdag pa sa aking nadaramang kaba.

“Angelo…magandang gabi. Gusto ko lang sanang mag-paalam sa’yo…”
           
Pangunguna nito.

“May sakit kasi ang aking ina at kailangan kong umuwi…hindi ko alam kung kailan ako makakabalik…”

Nanginginig ang aking mga kamay at hindi ko alam ang aking sasabihin ng mga oras na yun. Wala akong ideya kung saan ako magsisimula at hindi pa rin makapaniwala sa aking nakikita. Himala. Sa aking patuloy na pananahimik na tingin kong nagbigay ng ideya kay Viktor upang magmadali na ito at umalis.

“S-sige…aalis na ako.”

Matapos magsalita ay tumalikod na ito at nagsimula ng maglakad palayo.

“Viktor! Hintay...”

Lumingon itong agad kasabay ng mabilis kong pag-lapit sa kanya.
Nangingilid ang mga luha ko sa mata. Nang maka-lapit na ako ay ipinatong ko ang aking mga kamay sa kanyang balikat at tiningnan sya ng matuwid sa mata. Hindi ko na naisip pa kung mayroong makakita sa amin.

“Huwag mo akong iwan. Wala kang ideya kung gaano kita gustong makita...”

At sa hindi masabing dahilan ay bigla ko itong hinalikan sa kanyang noo.

“...sana ay agad kang makabalik...kung pwede lang ay huwag ka ng umalis!”

Dagdag ko pa dito ngunit hindi sya sumagot sa aking mga sinabi kaya nagpatuloy lang ako sa mga bagay na gusto kong sabihin.

“Palagi kitang iniisip, Viktor…”

“Ako din. Lalong-lalo na ako...sigurado akong mas higit kitang naaalala. Pero hindi mo po yun alam, kasi malayo tayo sa isa’t-isa...”

Pinagmasdan ko ng mabuti ang kanyang mukha hanggang sa mapansin ko na lamang na pumapasok na kami sa loob ng madilim naming bakuran na puno ng halaman sa lata ng gatas at babasaging mga paso. Hindi ko masabi kung sino ang tumulak at kung sino ang humihila sa amin papasok ngunit sigurado akong kagustuhan namin itong dalawa.

Mainit ang kanyang hininga na agad kong napansin bago nya ako halikan sa aking labi. Hindi ko na napigilan ang aking sarili na ang tangi ko na lamang nagawa ay ang sumabay sa ginagawa nyang paghalik sa akin. Pansin ko na nakapikit sya sa aming ginagawa at dito ay bigla nyang pinunasan ang mga luha sa aking mga mata upang mapigilan ang patuloy nitong pagbagsak. Siya ang pumutol sa aming ginagawa na ng matapos ay para bang nagkahiyaan sa nangyari. Pinagmasdan ko ang aming paligid kung may nakakita ba sa amin bagamat nasa loob na kami ng aming gate at nakasara na ito. Mula sa labas ng aming bahay,  ang matayog na poste ng ilaw at ang mga kulisap sa kulay kahel nitong liwanag lamang ang nagsilbing piping saksi sa mga nangyari.

           “Pasensya ka na ha’…hindi ako nagpaalam bago kita halikan…”

            Paliwanag ni Viktor.

          “Ano ka ba…e’ ako nga ang nauna e’.”                                                         

          “Sa noo lang naman yun…pero salamat ha…espesyal yun para sa akin.”

          “Viktor, alam mo na gusto kita…kaya hindi mo na kailangan pang magpaalam sa akin…”

            Paglalahad ko dito.

         “Teka…ngayon ka uuwi sa inyo…alas-diyes na ng gabi at sigurado akong mahihirapan kang makauwi kung meron ka mang masakyan…”

         “Hindi pa, bukas pa ako makakapag-byahe ng madaling araw…matutulog ako sa terminal ng bus ng sa gayon ay mauna din ako sa pila ng siguradong maaga akong maka-uwi sa amin…isa pa, binayaran ko na ang upa sa aking tinitirhan…”

          Nilapitan ko ito at kinuha ang isang mabigat na bagahe mula sa kanyang likuran at agad na naglakad papasok sa loob ng aming bahay. Sa unang pagkakataon ay pakiramdam kong gusto ko syang ipagmalaki. Sa lahat.

          Nang mapansin kong hindi sya kumikilos ay nagsalita akong muli.

        “Dito ka na matulog sa amin…aagahan natin ang gising at bukas ay ihahatid kita doon sa sasakyan mo…Okay ka lang? Matututulog ka sa terminal? Delikado kaya…”

         “Pero…hindi ba ako nakaka-istorbo sa’yo?...”

        “Tsk…tara na malamok dito…pasok na tayo…hehe…”

         Pabiro ko sa kanya. Hindi ko kasi maitago yung saya ko.

         Tiyak akong tulog na sina Mama at Ele sa iisang kwarto kung saan nila ngayon naisipang matulog. Madilim ang buong paligid at ang liwanag lamang mula sa ilaw ng mga kapit-bahay na pumapasok sa aming bintana ang nag-sisilbing aming gabay. Habang papaakyat kami sa hagdan ay naramdaman kong hinawakan ni Viktor ang aking mga kamay na sya namang aking kinapitan ng mahigpit kahit na alam kong mahihirapan ito sa pagbubuhat ng kanyang mga gamit lalo pa at umaakyat kami patungo sa aking kwarto. Nasilayan ko din ang poon na malapit sa lugar at sumambit sa aking sarili.

        “Maraming salamat po...”





8 comments:

  1. Ewan ko pero kinikilig ako sa kwentong 'to hahaha, sana tuloy tuloy ung update. Thanks sa update :)

    ReplyDelete
  2. Maraming salamat sa pagbabasa. Sana naglagay ka ng codename o anu man para mas mapasalamatan kita Anon. Hehe. Sana magustuhan mo yung mga susunod. Maraming salamat! ^__^

    -PATRICE

    ReplyDelete
  3. I rarely comment kxe, kapag trip ko lng haha nway sna mkapg update k agad

    - Rob :)

    there u go. Thats my nickname actually :)

    ReplyDelete
  4. ganda.. pro felling ko prang malunkot ang ending nito,, felling ko lng naman hehehe sana may nxt chapter na ,, tnx author 4 sharing your story :)


    -abby

    ReplyDelete
  5. Salamat Abby and Rob! ^_^ Sana magustuhan nyo thoroughly. ^__^

    -Patrice

    ReplyDelete
  6. Nakakilig kahit wala masyadong Conversations :) But still pang-Kabog ! :)

    ReplyDelete
  7. Waah. Nice chapter! Hehe well lahat naman, from first chap maganda na. Light lang yong story sarap tuloy mainlove. ;)

    ReplyDelete