XIII
Pain
Mabilis
kong tinungo ang puwesto kung saan nandoon si lola. Aba, marami atang tao ngayon huh. Wika ko sa aking sarili ng masilayan
kong maraming kostumer ang nakapalibot kay lola kaya’t hirap ko siyang makita
mula sa malayo.
“V-Virgel!?”
Sambit ni Aling Esing sa akin ang may-ari ng karenderia na kaharap lang sa
pinagpuwestuhan ni lola.
“P-po?
Bakit po?”
“Naku!
Naku! Mabuti at dumating ka! Ang lola mo!” bungad niya sa akin na parang
natataranta.
“H-huh?
B-bakit po?” kinabahan ako sa tono ng boses ni Aling Esing. Nararamdaman kong
may mali sa tono nito.
“H-hindi
mo ba alam na dinala sa hospital ang lola mo bago lang?”
“Huh!!?
Ano po?!”
“Akala
namin masakit lang ang tiyan niya kanina … pero nagulat nalang kami na…..”
paglalahad ni Aling Esing sa akin.
Habang
inilalahad sa akin ni Aling Esing ang mga nangyari ang pakiramdam ko ay tila
bumagal ang takbo ng oras. Sa bawat salitang nilalabas sa bibig niya’y hindi ko
na madinig, yung pakiramdam na bawat pagbuka ng bibig niya ay sampung segundo
pa ang aantayin bago mabuo ang salita. Tanging ang malakas na tibok ng aking
puso lamang ang naririnig ko sa oras na yun. Hindi ako lumuha… Oo hindi ako
luluha, dahil hindi ako naniniwala na si lola ang nasa loob ng ambulansya kanina.
Nahinto
lamang si Aling Esing ng bigla akong tumalikod sa kanya at marahang tinungo ang
puwesto na hinahangad ko sa oras na ‘yun ay sana nandoon si lola nagbabantay at
tumatawag ng mga kostumer na ngayo’y nakikita kong siksikan.
“Lola..”
ang mahina at maikling bigkas ko, habang nakatingin sa kumalat na paninda at
isa-isang pinupulot ng mga bata at ibang taong naroroon. Nanglumo ako, at wari
binuhusan ako ng napakalamig na tubig. Kung kanina ay dinadaga ang dibdib ko
ngayon ay rinig ko ang napakahinang pintig nito subalit sa bawat tibok ng puso
ko ay tila nabibingi ang aking kaloob-looban, parang tunog ng isang kampanang
nagpapahiwatig sa akin na magdasal.
Unti-unting namuo ang luha sa aking mata habang marahan na lumingon-lingon sa
paligid at hinahanap ang presensya niya roon.
Wala ang lola ko.
Kumawala ang nag-aagos kong mga luha.
“ANO
GINAGAWA NIYO! MGA TINDA ‘YAN NI LOLA! IBALIK NIYO YAN!” Galit kong sumbat sa
kanila at pagkatapos ay isa-isa kong pinulot ang natirang mga kakanin na
kumalat at inilagay sa basket. Habang pinupulot ko ang mga ito ay naiisip ko
ang mukha ni lola kanina na ngumiti-ngiti pa sa akin na parang walang dinaramdam.
Hindi ako makapaniwala na nangyayari ito ngayon. Hindi.
Habang
isa-isa kong binabalik sa basket ang mga kakanin ay nakita ko ang bisekleta
namin na nakasandal sa kariton na nasa tabi ng tindahan ng gabundok na mga kalabasa.
Lola ko… Bulong ng aking isipan.
Minadali
ko ang pagpulot sa mga paninda ni lola ng napagtanto kong nasa hospital ngayon siya
at upang mapuntahan siya agad. Kung gaano kabilis kong pinupupulot ang mga
paninda ay ganoon din kabilis ang pagpatak ng aking mga luha sa lupa.
Ang
totoo’y hindi ako marunong magbisekleta. Gustuhin ko man ayaw na ayaw ni lola. Dilikado sa kalsada, tiyaka na hijo pag may
bigote ka na, ito lagi ang kanyang sinsabi sa akin.
Wala
akong magawa kundi ilakad lamang ang bisekleta na tutunguhin ang hospital
habang ang basket na may lamang kakanin naman ang nakasakay rito.
Binilisan
ko ang paglakad,at hanggang sa napadaan ako sa seaport at may lumapit sa akin.
“Oh
bata saan ang punta mo, ke laki-laki mo na hindi ka pa marunong magbike..?”
sambit ng mama sa akin na may nakabalot na puting tela sa ulo nito, at may
maitim na labi marahil sa paninigarilyo at isang maliit na stick sa gilid nito
na nilalaro niya sa kanyang dila. Lagi ko siyang nakikita sa karenderia ni
Aling Esing kapag sumasama ako kay lola upang magtinda kapag wala kaming klase.
“Sa
hospital… kaya nga minamadalian ko nalang maglakad.” Sagot ko naman sa kanya na
may sarkasmo ang tono.
Tumawa
sa akin ang mama at nilapitan ako.
********************
Natagpuan
ko na lang ang aking sarili na nasa loob na ng silid na puno ng kurtinang kulay
green at may mga iba’t ibang aparato, at ‘yung iba nga ay sa tv ko lang
nakikita. May tatlong taong nakaputi, dalawang babae at isang lalaki at
tinatawag silang nars ng mga tao sa loob. Sa sulok naman nakikita ko ang mga
higaan na may pasyente ang iba duguan at ang iba naman ay mukhang manganganak
na.
Pero
nasaan si lola? Bakit hindi ko siya nakikita? Mas lalo akong kinabahan sa oras
na ito.
“Excuse
me? Ahh may hinahanap ka?” tanong sa akin ng nakaputing babae na may ngiti sa
mukha. Maganda at mukhang mabait.
“D-dinala
kasi ang lola ko daw sa hospital kani-kanina lang.” sagot ko naman, hindi ko
alam bakit ako kinabahan habang kinakausap ang nars.
“Ahh
si Lola Paring ba?” tugon niya.
Parang
kilala niya ata si lola.
“I-ikaw
si Virgel diba?”
Ngayon
mas lalo akong nagtaka eh kilala din pala niya ako. “K-kilala niyo po ako?”
takang tanong ko sa kanya. Pero sa isip-isipan ko ay parang namumukhaan ko ang
babaeng ito, parang nakita ko na siya hindi ko lang mawari kung kelan at saan.
“Ako
si Nurse Lilah..” pakilala niya sa akin.
Ngayon
alam ko na kung bakit. “I-ikaw po ba ‘yung anak ni Aling Esing na kinukwento
niya sa mga kostumer na nars na ang anak niya?”
Ngumiti
siya sa sinabi ko. “Oo… aba ang pogi mo na huh dati ang liit mo pa na
kinarga-karga ka ng lola mo habang nagtitinda..”
Natahimik
ako at parang nahiya sa sinabi niya, “pogi”
hindi na po bago para sa akin, pagmalaking wika ko sa aking isipan.
Ang ganda niya nga talaga sa malapitan.
“H-halika
nandoon lola mo..” wika niya sabay hawak ng marahan sa braso ko.
Tinungo
namin ang isang silid na may nakalagay sa ibabaw ng pintuan X-ray Room. Pero hanggang sa pintuan
lang kami, bawal daw pumasok sabi ng lalaki na nakasuot ng scrub suit na kulay
blue. RadTech ang tawag nila sa kanila.
“Lola…”
wika ko ng makita ko siya na niluwa ng pinto mula sa silid na ‘yun. Nakangiti? Takang sambit ko sa aking
isipan.
“Oh
apo, nandito ka.” Wika sa akin ni lola na parang wala lang nangyari. Niyakap ko
siya agad, dahil natakot ako, kinakabahan ngunit naramdaman ko ang tuwa dahil ayos
lang pala si lola. Subalit, ayos lang kaya talaga ang lola ko? Dapat ba talaga
akong matuwa ngayong nakita ko siyang nakatayo na sa harapan ko?
“Ahmm
lola maiwan na muna ko po kayo huh ihahatid naman kayo ng kasamahan kong nurse
sa E.R may mga pasyente pa kasi ako na dapat kong asikasuhin ngayon..” wika ni
nurse Lilah kay lola. Napatingin ako sa kanya at ngumiti siya sa akin. “Sige
po..”
“Sige
hija maraming salamat..” sagot naman ni lola.
Marahan
siyang pinaupo sa wheelchair ng isa pang nars at muli namang tinungo ang silid
kanina, sa E.R.
Habang
tinatahak naman ang koridor, “Paano ka nakarating dito, sino nagsabi sayo na
dinala ako sa hospital?”
“’yung
mama na kargador sa barko la, hinatid niya ako..siya ang nagmaneho ng bisekleta .”
Ngumiti
si lola. “ahh ganun bah..”
“Opo.”
Pinagmasdan ko si lola hanggang sa makarating na kami sa loob at doon siya
muling pinahiga.
“L-lola
sabi ni Aling Esing lagi daw sumasakit tiyan mo? M-masakit pa ba”
“Naku!
Sakit lang ‘to ng tiyan apo… sa kakain siguro ng kakanin..” pabiro pa ni lola
sa akin. “Hindi na, pinainum na nila ako ng gamot..”
“Ahmm
lola, maiwan ko muna po kayo huh pupuntahan lang kayo ng doctor..” mahinahong
wika ng isang nars na naghatid kay lola.
“M-maraming salamat nars.”
Mga
ilang minuto pa ang lumipas ay lumapit sa amin ang may edad na babae, nakaputi
rin siya pero kaiba ang suot niya sa mga nars dito sa loob.
“Patriciosa
Rosario?” banggit niya sa totoong pangalan ng lola ko.
“Ako
po ‘yun dok..”
“I’m
Doctor Ofelia Santos, hindi ko pa masasabi sayo ang resulta ng diagnostic test
mo sa ngayon kailangan ko pa ng enough confirmations regarding sa case mo nay”
“G-ganon
po ba doc, pero wala naman po kayong nakita doktora?”
“Sa
ngayon hindi ko pa masasagot ‘yan. Bumalik nalang po kayo bukas lola para sa
resulta..may kasama pa ba kayo?”
“A-ako
po..” singit kong sagot sa tanong ng doctor. Sa totoo lang ay wala talaga akong
maintindihan sa kanilang pinag-usapan.
“O
sige lola. Bumalik nalang kayo dito bukas para sa resulta. Pero mas nirerecommend
kong magpaadmit muna kayo sa hospital. Para sa pain reliever niyo kung sakaling
sasakit uli ang tiyan niyo.”
“H-hindi
na po dok, w-wala naman po kaming sapat na pera para matustusan namin ang
bayarin sa hospital.”
Napabuntong
hininga ang doktora, “sige ho kayo po bahala.. maiwan ko muna kayo ang mga nars
na ang bahala sayo muna ngayon..”
“Salamat
Dok..”
Medyo
mataray ang doktorang humarap sa amin, dahil hindi ko nakitang ngumiti ito habang
kinakausap niya si lola. Mukhang may mabigat na problema. Pero bago pa man siya
tuloyang tumalikod ay sumulyap siya sa akin sandali.
********************
Malapit na…
May tumatawag sa aking babae…Hindi ko
siya makita, Madilim!
Kahit anong pilit kong pagtakbo ay
nakasunod ang nilalang na humahabol sa akin…. May liwanag.. kailangan ko ng
liwanag!
Ngunit sa likod ng liwanag maraming
nanglilisik na matang nakatitig sa akin.
Nakita ko ang isang lalaking
nakatalukbong, at sa suot niyang mahabang sutana na kulay pula ay may isang
imahe..hindi ko mailawarawan ito..
Biglang lumitaw ang isang babae sa
tabi niya, hindi ko masyadong maaninag at tanging kwintas lamang nito ang
nakikita ko..
Kumalat ang mga anino sa
paligid..kaibang mga anino…
Pilit nila akong hinahabol...
Sa
muling pagkakataon, nagising ako uli sa umaga na pawisan at hinihingal,
pakiramdam ko’y isang milya ang layo ng tinakbo ko. Tumingin ako sa bintana,
pasikat na ang araw, hula ko’y alas singko na ng umaga.
“L-lola?”
tawag ko.
Hindi
ko na siya katabi sa higaan. Muli akong nakaramdam ng kaba at mas lalo pang
lumala ito ng bigla akong ginulat ng ingay mula sa nahulog at nabasag na isang
bagay. Sandaling napatigil ako sa paghinga.
“Lola?!!”
kabang tawag ko sa kanya at mabilis na lumabas ng kuwarto. “Lola!!”
Agad
ko siyang pinuntahan ng makita ko siya sa kusina na pinupulot ang nabasag na
baso. “Lola, ayos lang po ba kayo?” pag-aalalang tanong ko sa kanya.
“Ay
na-nako Virgel dumulas kasi ang baso sa kamay ko…” paliwanag niya.
“A-ako
na po ang magligpit lola… umupo na muna po kayo..”
“Aay
naku…ako na magligpit nito. M-maligo ka na muna may pasok kapa..” Wika naman
niya sa akin habang pinupulot niya ang basag na baso. Napagmasdan ko si lola,
iba ang anyo sa mukha niya sa umagang ito. Masasabi kong iba sapagkat hindi
sumalubong sa akin ang tuwa sa kanyang mukha sa umagang ito. Mas napansin ko
rin ang pawisan niyang noo, at pilit na binabago ang ekspresyon ng kanyang
mukha upang masilayan ko ang hilaw niyang ngiti. Tiningnan niya ako.
“O-oh
ano pa ba g-ginagawa mo, t-tumayo kana diyan at maligo…s-sabing ako na bahala
dito…” muling tugon niya sa akin, at naramdaman ko ang tila iritableng tono ng
kanyang boses. Kung kaya’t dahil dito ay tumayo nalang ako at pumunta ng banyo
para maligo.
“S-sige
po la..” sunod ko sa kanya.
Nasa
loob na ako ng banyo at mahinang sinara ang pinto. Hindi ako mapakali sa
napansin kong may kakaiba sa kinilos niya kanina. Kung kaya sinilip ko siya sa
maliit na butas sa pinto ng banyo.
Sumikip
ang dibdib ko ng masilayan ko siya mula doon na yakap ang sarili sa pamamagitan
ng mahigpit na paghawak niya sa kanyang tiyan at namamaluktot sa sakit na
kanyang nararamdaman. Batid ko ang sakit mula sa ekspresyon ng mukha niyang
hindi mailarawan at ramdam ko rin ang hapdi na kanyang nararamdaman sa oras na
ito at marahil ganito rin ang nangyari sa kanya kahapon sa puwesto.
Hindi
ko mapigilan ang aking mga luha na kumawala sa aking mga mata. Hindi ko alam
kung ano ang gagawin kung kaya’t ang tanging nagawa ko lamang ay takpan ng
palad ko ang aking bibig upang hindi niya marinig ang aking paghikbi at
mapigilan ang mga labi kong nanginginig sa kirot na aking nararamdaman habang
lihim na pinagmamasdan si lola na ngayo’y halos hirap makatayo. Gusto ko siyang
puntahan upang alalayan siya, pero naisip ko kung paano niya pinigilan ang
sakit kanina upang hindi ko siya mahalata. Alam kong hindi niya ako gustong mag-alala.
Sana’y
hindi nalang ako nangahas na sumilip sa kanya ng panakaw at nang sa gano’y
hindi ko ngayon nararamdaman ang sakit na ngayo’y kanyang pinagdudusahan.
“L-lo-lola!
H-hooh! Ang l-lamig ng t-tubig n-ngayon..!” sigaw ko mula sa banyo at nilalaro
ang tubig habang pinagmamasdan parin siya. Gusto ko siyang aliwin kahit pinipilit
kong hindi niya mahalata ang boses kong maalon pa sa pasipiko dahil sa
pinipigilan ko ang pag-iyak. Mas lalo kong nilakasan ang pag-ingay sa tubig
para di niya talga ako mapansin.
“..
k-kala ko baa a-ya-yaw mo ng m-malamig na t-tubig..” sagot niya naman sa akin
kahit ramdam ko na pinipilit niyang ayusin ang kanyang boses.
“Na-naku!
L-lola..s-simula n-ngayon wag mo na akong isipin hah..dahil m-malaki n-na ako..
k-kaya ko n-na s-sarili koo lo-lola… ka-KASING L-LAKAAS NA KI-KITA…MA-MATIBAY
KA LOLA K-KAYA MATIBAY NA RIN A-AKOO…hooohhh!! Ri-rinig mo la…kaya ko labanan
ang lamig… kaya lum-“ wika ko sa kanya at biglang napahinto.. kaya lumaban ka rin lola ko..kaya mo yan la…KAYA
MO YAN! pagpatuloy ko sa aking isipan. Gusto kong marinig niya na kaya ko
na..gusto ko maramdaman niya na matibay siya… gusto kong maisip niya na matibay
na ako kagaya niya. Gusto kong palakasin ang loob niya habang patuloy sa
pag-agos ang mga luha ko at pinipilit ring maging matibay dahil habang
nasisilayan ko siyang nasasaktan ay doble naman ang dulot nitong sakit para sa
akin.
“Lola!!!
S-Simula ngayon ka-kailangan matuto na akong magbike…” huli kong sambit sa
kanya.
Habang lumuluha at naghihinagpis.
No comments:
Post a Comment