ANNOUNCEMENT

Kamusta po? ^_^ Atin pong i-welcome ang ating mga new authors sa blog!! ^_^ Andyan po si Sean Christopher Bautista, patryckjr, iamDaRKDreaMeR, Giefe Carvajal, Steffano, Andrey, Jace ofcards, Caleb Uriel Tan, at si Lawfer. Para po sa mga interesado maging author din po. Pls email me po sa kenji.ohya@yahoo.com. Maraming salamat po! ^_^


Nilipat ko na po ang chatbox sa "Kamustahan ^_^" tab po. :)


Guys!! Let us all welcome our newest Admin!! Welcome Admin Tommy Cassanova!! ^_^
Showing posts with label Song We Used Sing. Show all posts
Showing posts with label Song We Used Sing. Show all posts

Friday, January 18, 2013

Song We Used Sing part 4 and 5


           

Four


“Time can never mend,
the careless whisper of a good friend.
To the heart and mind, If your answers kind…
Theres no comfort in the truth,
pain is all youll find.”
-Careless Whisper / George Michael



NANG ako ay makauwi, agad ko nang tinanggal mula sa bulsa ng suot kong polo shirt ang ibinigay niyang tissue paper sa akin. Inuna ko itong ingatan dahil sa mahirap na kung aksidente ko itong mabasa sa oras na ako ay maghilamos.

Nasa isip ko pa rin ang masayahin niyang mukha na paulit-ulit na pumapasok sa aking isipan sa tuwing makakakita ako ng mga bagay na maikukumpara sa kanya. Gaya nang mapansin ko ang koleksyon ko ng sumbrero sa aking kwarto –na nagpaalala sa suot na construction helmet ni Viktor— na tinanggihan nyang tanggalin habang kami ay kumakain. Ito rin siguro ang isa sa dahilan kung bakit maraming mga mata ang nakatingin sa amin. Ang ibang dahilan kung bakit tila mascot kami sa kanilang paningin ay wala na akong ideya.

Hindi ako sigurado sa aking ginagawa at mas hindi ko rin alam kung ano ang tingin nya sa akin. Maaari na, masyado syang mabait kaya ganoon na lamang ang pakikitungo nya sa akin. At isa pa, lahat ng kapatid nya ay babae na sa tingin ko'y ang magkaroon ng kasa-kasamang lalaki ay mabuti sa kanyang pakiramdam dahil maaring pareho kami ng mapag-uusapan, ng hilig...hindi ko alam. Bukod sa pagpisil nya sa aking braso at paghawak sa aking mga kamay, pagsasabi na pinasasaya ko sya –na lubos kong ikinatuwa— maliban roon ay wala na syang sinabi pang iba o ginawa na nagpapahayag ng tunay nyang nararamdaman para sa akin. Ano pa bang gusto kong marinig?
Maari rin namang kinakailangan nya lang ng kalinga kaya nya nagawa ang mga ‘yon.

Matapos kong maghilamos at sinimulang isuot ng muli ang aking salamin sa mata ay humiga na ako sa aking kama. Sumagi rin agad sa isip ko ang ibinigay nya sa akin kaya agad ko na rin itong kinuha. Madahan ko itong binuklat upang hindi ko din ito mapunit dahil sa pagkakaipit nito sa aking bulsa. Bago ko ito ginawa ay pinunasan ko ang aking pawis na mga palad.

Lubos kong ikinagulat ang naka-sulat dito dahil sa pag-aming kanyang ginawa.

Ngunit may isa pang bagay akong lubos na inaasahan na tila ba hindi nya nagawang sabihin. Malamang ay sinulat nya ito nung oras na manghiram sya ng ballpen sa waiter at nagpaalam na pupunta lamang ito sa comfort room.

Dok Angelo.
Gusto kita.

-Janvik

Sobra akong natuwa at hindi ko na mabilang kung ilang beses ko itong paulit-ulit na binasa. Kakaiba man kung iisipin ngunit ilang beses ko ring hinaplos ng mabuti ang paligid ng kapirasong papel, pakiramdam ko kasi na mahahawakan kong muli ang kanyang mga kamay kapag ginawa ko ito. At bago ko pa ito mapunit ay inipit ko na ito sa isa sa mga paborito kong libro. Sa mga oras na yun ay hinahanap-hanap ko sya, at kahit na makita ko lamang sya sa kahit na ilang saglit ay ayos na sa akin. Inaasahan kong ilalagay ni Viktor kung saan sya matatagpuan o nakatira man lamang. Iniisip ko na lamang na swerte ko ng maituturing na makita ko syang muli sa napakalaking construction site. Ngunit ang maulit ito ay hindi ko na talaga sigurado. Paulit-ulit kong tinanong ang aking sarili sa mga bagay na alam ko namang hindi ko rin alam ang sagot.
Hanggang sa makatulog na ako at umaasang magpapakita rin sya sa aking panaginip.

Kinabukasan, nagtrabaho akong laman sya ng aking isipan.
Inaasahang sa bawat bubuksan kong pintuan ay naghihintay sya ng nakangiti sa akin. Matapos ang aking duty, naglakad-lakad rin ako ng sandali bago pa man tuluyang umuwi. Sa aking paglalakad, ay nagawa kong kausapin ang aking sarili. Naitanong ko kung, saan ba talaga nanggagaling ang saya ng isang tao? Ito ba ay sa mga bagay na syang gumugulat lang sa atin? Mga bagay na hindi natin inaasahang matagal na nating hinahanap na kapag tuluyan na nating natanggap ay doon lamang tayo liligaya? Sasaya?

Hindi ko alam kung bakit ko ba tinatanong ang mga bagay na ito sa sarili.
Sa ngayon ay inaamin kong sinisimulan na ng aking pagkataong masanay na laging makita si Viktor. At wala akong magagawa upang ito ay tanggihan.
Isa pa, ang pinaka ayoko ay ang makasakit ng tao ng hindi mo ito sinasaktang pisikal. Dahil alam ko ang pakiramdam ng sugat na hindi nakikita ngunit patuloy na kumikirot sa tuwing ito ay mahahawakan. Ito yung nararamdaman ko kapag hindi ko sya nakikita.

Sa mga relasyong aking pinasok ay wala akong pinanghinayangan, dahil lahat ng bagay na gusto kong gawin ay nagawa ko na. Sa dalawang babaeng minahal ko ng lubos, ni minsan ay hindi sumagi sa isip kong sila ay iwanan. Dahil sa bawat relasyong aking pinapasok ay palagi kong iniisip na ito na ang una at huli. Pero sa mga ‘di inaasahang bagay ay kailangan ring maghiwalay kahit na tutulan nyo itong pareho. Ang mga pangyayaring ito ang nagpapadama sa akin na paulit-ulit akong maghahanap at mabibigo. At sa ginawa kong pagpapatuloy sa aking nararamdaman at sa damdamin ko para kay Viktor na hindi ko maiwasan, ikinatatakot ko lamang na sa bandang huli ay masisira din ang lahat at lubos namin itong pagsisisihan.

Konektado ang puso ng bawat tao sa kanilang mga paa kaya naman hindi na nakapagtatakang dinala ako ng sarili kong paa sa lugar kung saan nagtatrabaho si Viktor. Madilim na ng mga oras na iyon at ang kulay kahel na ilaw ng mga poste ay nagsisilbing ‘di mabilang na araw sa gitna ng kadiliman na pilit na gumagabay sa akin patungo sa kanya. Pinuntahan ko ang naaalala kong lugar kung saan sila lumalabas, at ng mapalapit ako roon ay napansin kong nakabukas ito na ang liwanag sa loob ay tila ba sumasalubong sa akin at nagsasabing "tumuloy ka".

Nakapasok ako ng walang humaharang sa akin bagamat nakatingin ang ibang trabahador sa akin mula ng tangkain kong pumasok dito. Isang security guard ang magalang na lumapit sa akin at madahang nagsalita.

"Boss, ano po ang sa atin?..."

Tanong nito matapos humigop sa umuusok nitong kape.

"Ah', hanapin ko lang sana yung kaibigan ko dito..."

Hindi ako siguro sa gusto kong sabihin bagamat isang bagay lamang ang gusto kong ipahiwatig.

"Boss, kasi po...sa dami namin dito at sa mga aksidenteng nagaganap e' napag-pasyahan na wala na pong matutulog sa site maliban na lamang po sa ‘di maiiwasang dahilan...sa dami po namin, kasama po ako bilang guwardya ay bente-uno katao lamang po ang pinapayagang manatili dito..."

Matapos nitong magsalita ay naupo ito sa isang monoblock chair na malapit sa entrance ng gusali at isinenyas na umupo din ako sa isa pang upuang kanyang nasa tabi.

"Sige po, ‘di na rin ako magtatagal..."

"Ah' teka ha...baka matulungan ka nito..."

Humigop muli ito sa kanyang tasa at agad na tinawag ang isa sa mga grupo ng lalaking kanina ko pang napansin na nagsisiksikan sa isang tolda ilang metro ang layo sa amin.

"Roger! ‘lika muna dito!"

Matapos marinig ang panawagan ay isang binata ang agad na tumayo at kumaway sa amin. Nakita kong nagmadali itong nagsuot ng tsinelas at patakbong lumapit sa aking kinatatayuan.

"Ano po yun?"

Tanong nito sa guwardya habang nirorolyo nito ang hawak na songhits.
Itinuro naman sa akin ng matanda ang binata at dito na ako nakipagusap.

"Ah' itatanong ko lang sana kung may nakikilala kang Viktor?"

"Hmm...ah..."

"John? John-john?..."

Umiling-iling lamang ito at tila ba nagiisip.

"Ah'...Andres ang apelyido nya..."

"Ah-e'..."

Gusto ko na sanang palagpasin at hayaan na lamang ang mga pangyayari ng maisip ko ang isinulat ni Viktor.

"Janvik?"

"Ah! Opo...si Eleven...haha! Ay..."

"Huh? Eleven?..."

Pagtataka ko dito.

"Opo, yung napilayan?"

"Oo sya nga!...andito ba sya?".

Bigla akong kinabahan ng marinig ko ito.

"Ay sir...’ala na po. Umuwi na po sya e'..."

"Umuwi?"

"Opo, kanina po kasi...ah'...last day nya na kasi kanina...’di na po kasi
kailangan ng buhat, at isa pa po, sabi nya sa amin e' may sakit ang nanay nya at kailangan na nyang umuwi sa kanilang probinsya...at yung-"

"Ah' ganun ba?...Sige. Salamat ng marami...".

Hindi ko na nagawang maka-pagpaalam pa ng maayos dahil sa bigat ng aking pakiramdam. Matapos kong makalabas ng gusali ay mabilis na akong tumakbo papalayo. Bagamat hindi ako sigurado sa aking pupuntahan ay nagpatuloy pa rin ako. Habang ako ay tumatakbo, tinanggal ko ang aking salamin upang magbigay daan sa mga luhang kanina pa naghihintay na maisilang.

Five


“There's a room where the light won't find you.
Holding hands while the walls come tumbling down.
When they do i’ll be right behind you.”
-Everybody Wamts to Rules The World / Tears For Fears



NAKARATING ako sa amin  pasado alas-nuebe na ng gabi. Mabigat ang aking pakiramdam at ng agad akong makarating sa aking kwarto ay pinilit ko ng agad na matulog. Nahiga ako ngunit kahit pagod ay hindi pa rin ako dinalaw ng antok. At dahil dito’y naalala ko syang muli, na alam ko namang papasok at papasok sa aking isipan kahit pilit ko pa itong kalimutan. Ayaw ko rin namang mawala sya sa aking isipan.

Ngayong alam kong malabo na kaming magkita ay sumasagi sa aking isipan na mabuti na rin siguro ang ganito. Ang iwanan at pabayaan na lamang ang mga nangyari. Kalimutan ang lahat at tuluyan na syang burahin sa aking isipan. Pero aaminin ko na hindi ko ito kayang gawin. Sinasabi nga na ang pagtingin na hindi nasuklian ang syang pagmamahal na pinaka magtatagal.
           
Tinuruan akong maging mapag-kumbaba ng aking Ina at Ama.
Ngunit naitanong ko sa aking sarili kung ano ang nagustuhan ko kay Viktor. Hindi ko nagawang manghamak ng aking kapwa sa tanan ng aking buhay ngunit kung normal lamang ang pagibig na aking nadarama, malamang ay maraming tao ang magtatanong sa akin kung bakit sya ang aking nagustuhan. Pero hindi na nila kailangan pang malaman ang aking dahilan.

Noong una ko pa lamang syang makita, ay hindi ko mapigilan ang aking sarili na tumingin sa kanya. Tila ba nagsasalita ang kanyang pagkatao at nagsasabing kailangan nya ng pagmamahal at ako ang nakapansin nito sa kadahilanang ako rin ang kailangang magpunan. Itinatanong ko ngayon sa aking sarili kung lalaki nga ba ang hanap ko. Isang subject na pilit kong iniiwasan simula ng matuto akong mag-isip ng tama. Bagamat pilit ko itong tinatago sa aking sarili ay gising naman ako sa mga isyung tumatalakay sa ganitong pagkatao.
At sa mga nangyayari sa aking paligid ay lumalabo na ang depenisyon ng salitang pag-big na hindi na kailangan pang lagyan ng salitang totoo.
Nang kasama ko pa sa magkaibang panahon ang aking  mga naging nobya ay
hindi ko naman naisip na gumawa ng hindi kanais-nais na bagay sa mga ito. Naisip ko lang din na ang pagkawala ba nila sa aking buhay ang nagbibigay ng dahilan upang buksan ko ang aking isipan sa kung ano ba talaga ang gusto ko?
Upang matanggap ng buo ang aking sarili at tingnan ang mga bagay na kung saan talaga ako magiging masaya na dati ay pinipilit kong iwasan?

Sa pag-iisip o pakikipag-usap ko sa aking sarili ay karaniwang nakakatulog ako. Ngunit sa pag-kakataong ito ay hindi pa rin ako nagawang antukin.
Naaalala ko pa rin si Viktor at naiisip ko kung ano ang kanyang ginagawa sa mga oras na ito. Naiisip rin kaya nya ako? Pero pumasok na rin sa aking isipan na gaano ko man sya isipin at kahit na ipagsigawan ko pa sa lahat ng tao ang laman ng aking isipan, ay wala itong magagawa at hindi nito mababago ang mga pangyayari.  Himala na lamang kung kami’y muling magkikita. At dito ay alam kong hindi ko na sya makakaharap. Tila ba ang simpleng pananatili nya dito sa mundo ay patuloy na magdadala sa akin ng kalungkutan sa tuwing sya ay aking maaalala.

“Kuya...Kuya?...gising ka pa ba?”

Biglang nanlaki ang aking mga mata ng marinig kong tumatawag ang akingnag-iisang kapatid sa pinto ng aking kwarto. Mabilis ko itong hinarap at agad na tinanong ang kanyang pakay.

“Kuya, may bisita ka sa labas...”

“Huh? Sino daw?..”

Tanong ko sa kanya habang tinatanggal ang medyas na hindi ko pa nahuhubad simula ng ako ay umuwi. Iniisip kong baka si Bernadette ang aking bisita ngunit kilala na ito ni Ele kaya naman nasisiguro kong agad nya na itong sasabihin kung gayunman.

“Hindi ko po kilala e’…lalake Kuya.”

 Bigla akong kinabahan.

“Pinapasok mo?”

“Hindi  Kuya…ayaw nya e’..may sasabihin lang naman daw…asa labas sya ng gate.”

Matapos makapasok ni Ele sa kanyang silid ay nagmadali na akong lumabas ng aming bahay.

Nakalimutan kong isuot muli ang aking salamin kaya naman hindi ko maaninag ng mabuti kung sino ang nakatayo sa harapan ng aming gate. Sa aking ginawang pagmamadali ay muntik pa akong makabasag ng isa sa mga paso ni Mama.

Nang buksan ko na ang gate ay tumambad naman sa harap ko ang naka-upong si Viktor. Nagulat ako sa aking nakita dahilan upang hindi ako agad nakapagsalita. May dala-dala itong tatlong malalaki at mabibigat na bag na marahil ay pasalubong nya sa kanyang mga kapatid. Ngumiti itong muli sa akin na nakadagdag pa sa aking nadaramang kaba.

“Angelo…magandang gabi. Gusto ko lang sanang mag-paalam sa’yo…”
           
Pangunguna nito.

“May sakit kasi ang aking ina at kailangan kong umuwi…hindi ko alam kung kailan ako makakabalik…”

Nanginginig ang aking mga kamay at hindi ko alam ang aking sasabihin ng mga oras na yun. Wala akong ideya kung saan ako magsisimula at hindi pa rin makapaniwala sa aking nakikita. Himala. Sa aking patuloy na pananahimik na tingin kong nagbigay ng ideya kay Viktor upang magmadali na ito at umalis.

“S-sige…aalis na ako.”

Matapos magsalita ay tumalikod na ito at nagsimula ng maglakad palayo.

“Viktor! Hintay...”

Lumingon itong agad kasabay ng mabilis kong pag-lapit sa kanya.
Nangingilid ang mga luha ko sa mata. Nang maka-lapit na ako ay ipinatong ko ang aking mga kamay sa kanyang balikat at tiningnan sya ng matuwid sa mata. Hindi ko na naisip pa kung mayroong makakita sa amin.

“Huwag mo akong iwan. Wala kang ideya kung gaano kita gustong makita...”

At sa hindi masabing dahilan ay bigla ko itong hinalikan sa kanyang noo.

“...sana ay agad kang makabalik...kung pwede lang ay huwag ka ng umalis!”

Dagdag ko pa dito ngunit hindi sya sumagot sa aking mga sinabi kaya nagpatuloy lang ako sa mga bagay na gusto kong sabihin.

“Palagi kitang iniisip, Viktor…”

“Ako din. Lalong-lalo na ako...sigurado akong mas higit kitang naaalala. Pero hindi mo po yun alam, kasi malayo tayo sa isa’t-isa...”

Pinagmasdan ko ng mabuti ang kanyang mukha hanggang sa mapansin ko na lamang na pumapasok na kami sa loob ng madilim naming bakuran na puno ng halaman sa lata ng gatas at babasaging mga paso. Hindi ko masabi kung sino ang tumulak at kung sino ang humihila sa amin papasok ngunit sigurado akong kagustuhan namin itong dalawa.

Mainit ang kanyang hininga na agad kong napansin bago nya ako halikan sa aking labi. Hindi ko na napigilan ang aking sarili na ang tangi ko na lamang nagawa ay ang sumabay sa ginagawa nyang paghalik sa akin. Pansin ko na nakapikit sya sa aming ginagawa at dito ay bigla nyang pinunasan ang mga luha sa aking mga mata upang mapigilan ang patuloy nitong pagbagsak. Siya ang pumutol sa aming ginagawa na ng matapos ay para bang nagkahiyaan sa nangyari. Pinagmasdan ko ang aming paligid kung may nakakita ba sa amin bagamat nasa loob na kami ng aming gate at nakasara na ito. Mula sa labas ng aming bahay,  ang matayog na poste ng ilaw at ang mga kulisap sa kulay kahel nitong liwanag lamang ang nagsilbing piping saksi sa mga nangyari.

           “Pasensya ka na ha’…hindi ako nagpaalam bago kita halikan…”

            Paliwanag ni Viktor.

          “Ano ka ba…e’ ako nga ang nauna e’.”                                                         

          “Sa noo lang naman yun…pero salamat ha…espesyal yun para sa akin.”

          “Viktor, alam mo na gusto kita…kaya hindi mo na kailangan pang magpaalam sa akin…”

            Paglalahad ko dito.

         “Teka…ngayon ka uuwi sa inyo…alas-diyes na ng gabi at sigurado akong mahihirapan kang makauwi kung meron ka mang masakyan…”

         “Hindi pa, bukas pa ako makakapag-byahe ng madaling araw…matutulog ako sa terminal ng bus ng sa gayon ay mauna din ako sa pila ng siguradong maaga akong maka-uwi sa amin…isa pa, binayaran ko na ang upa sa aking tinitirhan…”

          Nilapitan ko ito at kinuha ang isang mabigat na bagahe mula sa kanyang likuran at agad na naglakad papasok sa loob ng aming bahay. Sa unang pagkakataon ay pakiramdam kong gusto ko syang ipagmalaki. Sa lahat.

          Nang mapansin kong hindi sya kumikilos ay nagsalita akong muli.

        “Dito ka na matulog sa amin…aagahan natin ang gising at bukas ay ihahatid kita doon sa sasakyan mo…Okay ka lang? Matututulog ka sa terminal? Delikado kaya…”

         “Pero…hindi ba ako nakaka-istorbo sa’yo?...”

        “Tsk…tara na malamok dito…pasok na tayo…hehe…”

         Pabiro ko sa kanya. Hindi ko kasi maitago yung saya ko.

         Tiyak akong tulog na sina Mama at Ele sa iisang kwarto kung saan nila ngayon naisipang matulog. Madilim ang buong paligid at ang liwanag lamang mula sa ilaw ng mga kapit-bahay na pumapasok sa aming bintana ang nag-sisilbing aming gabay. Habang papaakyat kami sa hagdan ay naramdaman kong hinawakan ni Viktor ang aking mga kamay na sya namang aking kinapitan ng mahigpit kahit na alam kong mahihirapan ito sa pagbubuhat ng kanyang mga gamit lalo pa at umaakyat kami patungo sa aking kwarto. Nasilayan ko din ang poon na malapit sa lugar at sumambit sa aking sarili.

        “Maraming salamat po...”





Monday, December 10, 2012

Song We Used Sing part 3





Three


“Now I've tried to talk to you and make you understand.
All you have to do is close your eyes
and just reach out your hands and touch me.
Hold me close dont ever let me go.”
-More Than Words / Extreme



MATAPOS kong dumaan sa hospital —na inaasahang makikita kong muli si Viktor o kaya naman ay hindi pa ito lalabas— ay nagpagupit ako ng buhok. Ang mala-bao kong buhok ay pinaiklian ko hanggang sa halos hindi ko na ito mahila. Pero hindi naman ito nalalapit sa army-cut ni Viktor.

Namili rin ako ng ilang libro nang mapadaan ako sa isang bookstore, bagamat tambak na ang libro sa aking kwarto ay hindi ko napigilan ang aking sarili dahil sa ang mga librong ito ay ang mga kopyang matagal ko ng hinahanap. Sa paghahanap ko nang mga babasahin, nakita ko ang isang libro na umagaw sa aking atensyon. Noong una ay nagdadalawang isip ako kung bibilhin ko ba ito. Ngunit ‘di naglaon, matapos kong basahin ang buod sa likod ay isinama ko na rin ito sa aking mga babayaran. Tungkol ito sa isang lalaking iniwan ang kanyang asawa upang bumalik sa kanyang unang pag-ibig. Tinago ko ito pauwi upang hindi makita ng kapatid kong babae na isang beses isang linggo ay pumupunta sa aking kwarto upang humiram nang mababasa.

Hindi ko muna binuksan ang kahong binigay sa akin ni Bernadette na iniwan daw ni Viktor nang umalis ito noong tanghali. Mula pa lamang sa lalagyan at sa nakasulat, kahon ito ng hopiang baboy. Isinulat nya sa takip ang aking pangalan at sa baba nito ay nakalagay ang ‘Salamat po' Sir. -Viktor’.

Hindi naman ako nasasabik sa laman ng kahon ngunit ang pinaka-inaasahan ko na lamang ay ang ibang bagay tungkol sa kanya. Pinagmasdan ko ng mabuti ang kahon ng hindi ko ito binubuksan at maya-maya pa ay tinanggal ko na ang takip nito upang silipin. Gaya nang inaasahan ko, isang dosenang hopiang baboy lamang ang laman nito at wala nang iba pa (ano pa ba ang gusto kong matanggap maliban sa nakasulat sa kahon?). Kumuha ako ng isang piraso at agad itong kinain. Habang nginunguya ko ang hopia ay nakaramdam ako ng pag-kahinayang, matamis ang hopia ngunit mapait ang aking pakiramdam.

At sa bawat nguya na aking ginagawa ay napapabuntong hininga na lamang ako.

Tinangka ko ng takpan ang kahon ng ‘di sinasadyang maibaligtad ko ang kartong takip nito. Dito ko nabasa ang isang adres na isinulat gaya nang pagkakasulat sa aking pangalan sa labas. Noong una ay naisip kong baka ito ang adres ng kompanyang gumawa ng tinapay ngunit iba ang nasa isip ko at iyon ang higit kong inaasahan. Lumabas ako ng aking kwarto upang ibahagi ang mga hopia sa aking kapatid at ang takip naman ay naiwan sa aking higaan.

Sabado ng umaga matapos akong mag-jogging sa Cultural Center ng maisipan kong puntahan ang adres na ibinigay sa akin ni Viktor. Hindi ko malaman kung tama ba ang aking gagawin dahil hindi rin naman ako sigurado sa naghihintay sa akin doon.

Pasado alas-onse na ng marating ko ang lugar. Itinuro sa akin ng isang tindera sa isang sari-sari store na adres ng isang construction site ang aking hinahanap. Nang marating ko ang sinasabing lugar, napalilibutan ang lugar nito ng yerong pininturahan nang kulay puti, tanaw ko lamang mula sa itaas nito ang mga higanteng kalansay ng ginagawang gusali. Binalak kong ikutin ang palibot ng pader na yero upang hanapin kung saan ang papasok sa loob, bagamat naisip ko naman ding hindi ako makakapasok sa loob nito dahil sa delikado. Pero kahit na delikado, ayos lang sa akin. Basta makita ko lamang syang muli.

Mga ilang metro mula sa pader na kaharap ko nang lumabas ang isa sa mga trabahador ng gusali. Matapos na makita kung saan sila lumalabas ay
agad ko itong –patakbong— nilapitan.

"Magandang tanghali po...".

"Ah, ano po yun?".

Tugon ng lalaki habang tinatanggal nito ang helmet sa ulo.

"May hinahanap kasi akong tao mula dyan sa site nyo...baka sana matulungan mo ako..."

"Sige ho...ano ho bang ‘ngalan nya?..."

"Viktor...John Viktor Andres.."

"Ah...w-wala po akong matandaan na may ganyang ‘ngalan sa mga kasama ko e'...kasi, araw-araw ay mayroong umaalis sa amin dahil sa naaayos
o natatapos na ang trabaho nila at hindi na kailangan...at sobrang da’e po namin dito...pasensya ka na ho..." Paglalahad nito.

Hindi ko naitago ang pagkadismaya, halata sa akin na ayaw ko ng marinig pa ang mga susunod nyang sasabihin.

"O-okay lang...sige. Salamat ha..."

 Sambit ko kahit na kabaligtaran ang ibig kong sabihin.

"Teka...may problema ho ba?..." Pagtatanong nito.

"Ah'...wala naman, kaibigan ko kasi sya at may naka-pagsabing dito sya nagtatrabaho..." Matapos magsalita ay nagsimula na akong maglakad paalis at hindi na ako lumingon pa.

Binalak kong tumakbo ngunit sa pagod ay hindi ko na rin ginawa pa. Dito ko lalong naramdaman ang init ng panahon, biglang akong pinagpawisan. Ilang metro na ang layo ko mula sa lugar ng may tumawag sa aking pangalan.
Noong una ay hindi ako sigurado ngunit habang papalapit ang boses ay unti-unting lumilinaw ang pangalan ko habang ito ay binabanggit. Sa siguradong pagkakataon ay nilingon ko ito at nakita kong humihingal si Viktor ng naka-ngiti sa aking harapan. Hindi muna ito nagsalita at lumingon ng sandali sa mga kasamahan nitong nakatingin sa amin.
           
"Mga kasama, sige mauna na kayo sa karinderia...susunod ako...si Dok Angelo ‘to..."

Kumaway naman mula sa akin ang mga kasamahan nito, ang iba ay sumaludo pa at nag-patuloy na ring lumakad palayo. Doon ko rin napansin na mukhang tanghalian na nilang lahat dahil sa naglalabasan na ang ibang trabahador ng gusali. Yung iba ay nakita kong may mga dalang baunan.

Humarap na sa aking muli si Viktor at...

"Ang tagal po kitang hinintay...apat na araw na?"

Tumango ako dito at ngumiti. Sinabihan ko kung okay lang ba na kumain kami ng sabay ng tanghalian na kahit ako'y nagugulat sa aking mga sinasabi.
Magiliw naman syang sumangayon at sinabi nyang ililibre nya raw ako dahil kasusweldo lamang daw nito. Napansin ko rin na bahagyang tabingi pa ito kung maglakad kaya tinanung ko sya kung kamusta na ang kanyang kalagayan at kung okay lang ba na nagtatrabaho na syang agad.

Sinabi naman nitong mabuti na ang kanyang pakiramdam at ang paglalakad nya ng tabingi ay dahilan lamang siguro ng hindi nya paggamit sa isa nyang paa ng matagal. Inikot namin ang buong lugar upang maghanap ng karinderiang makakainan ngunit bawat lugar na puntahan namin ay
puno na ng tao. Kaya naisip kong dalhin sya sa isang fast food chain na sya nya namang ikinagulat dahil aaminin nya raw na hindi nya ako kayang ilibre
dahil pang-karinderia lang ang kanyang pera. Sinabi ko namang huwag syang mag-alala at ako na ang bahala, pumasok na kami habang paulit-ulit syang nangangakong ikakain nya rin ako sa mamahaling kainan.

Nang pinapili ko sya ng pag-kain, sinabi na lamang nitong ako na raw ang bahala at dito'y sinobrahan ko ang nakikita kong normal nyang kinakain na nagbigay na naman ng paraan upang paulit-ulit syang magpasalamat sa akin. Habang kumakain ay patuloy ang kanyang pagkukwento tungkol sa kanyang trabaho at sa paglalagay nya ng adress sa regalong binigay nya sa akin.

"Tinanong po kita sa nars na nagpainom sa akin ng gamot nung umaga..."

Dito ay nagsimula akong mamula at iniisip ko kung ano pang ibang bagay ang itinanong ni Viktor kay Bernadette.

"...kung nasaan ka...tapos sabi nya nga po na day-off mo...nagalala po ako noon...kasi baka hindi na kita makita..."

Nilahad nya ang mga ito ng hindi tumitingin sa akin at patuloy sa pagkain.

"Natakot ako no’n...kaya naisip ko na sulatan yung binigay ko sa'yo...ay' teka! Kumakain ka po ba ng hopia na baboy...hindi naman talaga baboy yun, yun lang po ang tawag..."

"Haha...oo naman, ano ka ba. Kumain ako ng tatlo."

Habang kaharap ko sya ay kinakagat ko ang aking dila upang pigilan ang aking sarili sa paulit-ulit na pagngiti. Ngunit minsan ay hindi ko ito napipigilan sa kanyang harapan.

Hindi ko alam kung ano ang pinasok ko ngunit hindi ko talaga maintindihan ang nangyayari. At ang mga bagay na nagaganap sa akin ngayon ay talagang unang beses kong naranasan at aaminin ko na ngayon lamang ako naging ganito kasaya.

Bago kami umalis sa food chain ay ibinigay nya sa akin ang natirang tissue na hindi namin nagamit at sinabing huwag ko daw itong bubuklatin hanggang sa hindi kami naghihiwalay. Tinanong ko sya kung bakit hindi ko pa buksan ngayong nasa harap ko sya. Medyo parang babae ngunit natutuwa ako sa kanyang mga ideya.

"Nahihiya po ako sa sinulat ko e'..."

Ang tangi nya lamang sinabi, na nagbigay sa akin ng ideya kung ano ang nakalagay rito. Binalak ko ding gawin ang naiisip kong ginawa nya ngunit mabuti at inunahan nya ako.

Nang maghihiwalay na kami ay tatlong beses nyang pinisil ang aking mga braso at habang papalayo kami sa isa't-isa ay paulit-ulit syang kumakaway at patuloy na lumilingon hanggang sa hindi ko na sya makita.

Higit na tumatak sa aking isipan ang kanyang sinabi bago pa sya makalayo sa akin.

“Pinapasaya mo po ako ng sobra...”

Masyadong masaya ang mga pangyayari dahilan upang kabahan ako kahit na papaano. Sana ay wala itong kapalit. Sana.


            Itutuloy...

Thursday, November 22, 2012

Song We Used Sing part 2




Two


“And it won't matter now.
Whatever happens to me.
Though the air speaks of all we'll never be
It won't trouble me.”
-All I Want / Toad The Wet Sprocket



AKO nga pala si Angelo. Marion Angelo Ebenezer Alcantara.
Oo, ganyan kahaba ang pangalan ko. Galing sa lola ko, paboritong author ng aking ama at nakuha naman ni mama sa isang diksyonaryo ng mga pangalan. Pero Angelo lamang ang palaging itinatawag sa akin, sa bahay man o sa aking trabaho. Limang taon na akong staff nurse sa isang pampublikong ospital na bagamat hindi ganoon kalaki ang sahod ay ayos din naman sa dala nitong mga benipisyo.

Nagkaroon ng dalawang girlfriend na taon din naman ang itinagal ngunit hindi ko lang talaga alam ang dahilan kung bakit ngayon ay hindi ko na sila kasama. Iyong una ay ipinagpalit ako sa kanyang first love samantalng ang isa naman ay "it's all about me, not you" ang dahilan. Sa mga panahong kasama ko sila, nagawa ko namang ibigay ang lahat ng aking makakaya lalo na ang oras at pagmamahal ko. Ngunit ganoon lamang talaga siguro kapag hindi talaga para sa isat-isa, wala ng magagawa. Pero naniniwala pa rin akong ang lahat ng ito ay nangyayari dahil sa kanilang kagustuhan at sa kanilang mga desisyon na kanilang isinakatuparan. Nang magsolo at hindi na ako kasama.

Hindi ko alam kung dapat ko bang ilahad ang lahat ng aking nararamdam –dahil sa hindi naman talaga ako palakwento at maliban na lamang rin kung ako ay tinatanong—  ngunit hindi ko mapigilan na hindi tumugon kay Viktor.

Dalawang araw na ang nakalipas ng ma-admit dito si Viktor. John Viktor Andres ang kanyang buong pangalan. Aaminin kong hindi ko alam ang gagawin sa tuwing papasok ako sa kanyang kwarto. Bagamat may mga bagay na kailangan ko talagang isakatuparan gaya ng pagpapainom ng kanyang gamot at pagkuha ng kanyang mga vital signs ay nakikita kong madalas na balisa ang aking sarili. Lalo na sa kanyang harapan. May oras pa na naiwan ko sa kanyang kwarto ang aking stethoscope. Mabuti na lamang at makwento sya, na ang tanging gagawin ko na lamang ay ang makinig.

Nabiyayaan sya ng mahaba at kulot na pilik-mata, kaya ang pag-iwas na sya ay tingnan ang isa sa mga bagay na hirap akong gawin sa tuwing nasa loob ako ng kanyang kwarto. Ang mga mata nito na tila ba walang kulay puti na lalo pang nawawala sa tuwing sya ay tumatawa (na madalas nyang gawin) at halos nagmumukhang guhit na lamang na nakaukit sa kanyang parisukat na hugis ng mukha.
Malaki ang kanyang pangangatawan (na siguro ay dahil na rin sa tipo ng kanyang trabaho) ngunit may mga oras na umaasta syang parang bata na sa tuwing may makikitang kakaiba sa kanyang paligid ay ngingiti ito at mamamangha.

Madalas nyang ikwento sa akin ang buhay nya sa kanilang probinsya.
Panganay daw sya sa pitong magkakapatid kaya sya lamang ang inaasahan ng kanyang mga magulang. Kaya sobra nyang ikinalulungkot (kahit hindi halata) ang sinapit nyang aksidente. Madalas nya rin na itanong sa akin kung magkano na ba ang kanyang babayaran sa kanyang pamamalagi dito sa ospital. At dahil hindi ko naman alam ang sagot sa kanyang katanungan ay sinasabi ko na lamang sa kanya na huwag na nitong alalahanin at intindihin pa ang gastusin bagkos ay isipin na lang ang kanyang paggaling. Isa pa, sigurado naman akong tutulungan sya nang kanyang kompanya.

Ikaapat na araw na nito ng tanungin nya ako kung pwede ko na raw bang sulatan o pirmahan ang cast sa kanyang binti. Tinanggihan ko ito dahil naisip kong magdadala lamang ito ng suspetsya at kulay sa isip ng aking mga kasamahan. At kahit hindi ko sa kanya sinabi ay naisipan ko ring huwag ng dalasan ang pagbisita sa kanya kung hindi naman talaga kinakailangan. Ang huli ay hirap akong gawin. Madalas akong nakamasid sa kanyang pintuan sa tuwing ito ay aking daraanan.

Nang sumapit na ang hapon sa araw na iyon at ng magpapainom na ako ng gamot sa kanya ay sya namang dating ng mga kasamahan nito sa trabaho. May dala ang mga itong pasalubong para sa kanya na hindi ko naman malaman kung bakit ko ikinatutuwa.

Tumango ako sa mga kasamahan nito upang ipahayag na lalabas na ako at magalang din namang ngumiti ang mga ito sa akin. Nang hawakan ko na ang door knob ng pinto ay bigla akong tinawag ni Viktor.

"Sir Angelo! Kain ka po..."

“Ay oo nga po Dok'..."

Alok din ng iba pa sa akin.

"Sige...salamat."

Ang tangi ko lamang naisagot at matapos ay tuluyan na akong lumabas. Nang maisara ko na ng mabuti ang pintuan ay narinig ko na lamang ang boses nya na magiliw na nagkukwento.

"Baka bukas mga pare ay maka-uwi na ako..."

At patuloy na akong naglakad palayo.
Kinabahan ako sa hindi malamang dahilan matapos ko itong marinig ngunit alam kong ang isang sa dahilan nito ay dahil sa day-off ko bukas.

Bago ako mag-out nung gabi ay huli ko syang binisita sa lahat bago ako umuwi.

Nakita kong mayroon nang mga pirma ang kanyang paa na marahil ay nagmula sa kanyang mga kasamahan.

"Yan po sir, pwede ka nang maka-pirma...madami na sila...may kasama na yung pangalan mo."

Nakangiti nyang sinambit sa akin habang iginagalaw-galaw pa ang parteng ito nang kanyang katawan. Bago ako magpaalam ay nag-pasama pa ito sa akin sa comfort room sa loob nang kanilang kwarto. Bagamat kaya nya na daw ang tumayo, ay inalalayan ko pa rin sya papunta sa banyo. Inantay na lamang sa labas at sinabihang tumawag lamang kung mayroon syang kailangan. Maliban sa tunog nang tubig mula sa gripo na tumatama sa loob nang dram, inakala ko nung una na umiiyak ito kaya kinatok ko syang agad.

Saglit pa ay lumabas na ito at bago pa man magingay ang katahimikan sa aking hindi pag-sasalita ay nagpaalam na ako sa kanya. Tiningnan nya lamang ako mula sa kanyang pagkakaupo sa kama. Naisip kong bigla syang iiyak dahil sa nakita kong nagsisimulang kumislap ang kanyang mga mata. Pero bago pa man pumatak ang inaakala kong luha ay bigla na lamang syang ngumiti. Hindi ko maipaliwanag ang aking naramdaman nang mga oras na iyon.Ngunit lumuha pala ako nang hindi ko namamalayan. Malamang ay luha iyon mula sa sobrang saya na hindi ko alam kung saan nanggagaling.

Nang mapansin nyang lumuha ako ay bahagya syang napalapit sa akin at agad na pinunasan ang aking mukha gamit ang kanyang kaliwang kamay.
Hinayaan ko lamang ito at maya-maya pa ay bigla nyang kinuha ang aking mga kamay at mahigpit itong hinawakan. Mainit ang kanyang mga palad. Pinagmasdan nya ito nang mabuti at wala ni isa man sa amin ang nagsalita. Ramdam ko ang kanyang hininga. Hanggang sa basagin ko ang katahimikan at nagsimulang magsalita.

"Kailangan ko nang umuwi."
                                                        
“Ah...Mag-iingat po kayo. Hindi ko kayo malilimutan, Angelo.”
           
Dahan-dahan akong lumabas at tahimik na isinara ang pintuan. Hindi ako sumagot sa kanyang sinabi dahil hindi ko alam ang sasabihin. Isa pa, yung gusto kong sabihin sa kanya ay hindi ko sigurado kung gusto nya ring marinig.

                                                            ***

Tanghali na nang ako ay magising at mabilis akong nag-ayos matapos kong idilat ang aking mga mata. Nagmamadali ako sa isang bagay na hindi ko sigurado kung ano. Sa tuwing day-off  ko ay sa bahay lang ako nag-papalipas nang oras o madalas ay buong araw na natutulog upang makabawi sa pagod sa trabaho. Bihira rin naman akong mamasyal dahil ayokong gawin ito nang mag-isa.

Agad akong pumunta sa ospital at agad na nag-tungo sa aming station.
At dahil sa hindi ako naka-duty ay magmamasid at makikipag-kwentuhan na lamang sa aking mga katrabaho ang aking magagawa. Sa mga oras na iyon ay gusto kong tanungin o tingan ang chart ni Viktor ngunit hindi ko ito kayang gawin.
Pinipigilan ko ang aking sarili at gusto ko ring puntahan ang kanyang kwarto na ilang lakad lamang ang layo mula sa aming station.

Maya-maya pa ay lumabas ang isang nurse na aking kaibigan sa kwarto ni Viktor at nang makita ako nito, malayo pa lamang ay batid ko na ang kanyang mga ngiti.

"Aba, aba, aba...anong ginagawa mo dito?"

Tanong sa akin ni Bernadette, na isa sa itinuturing kong mabuting kaibigan sa aking trabaho. Si Bernadette na walang kwentong hindi naka-lagpas sa kanyang pansin. Ewan ko na nga lang sa mga usapan pagdating sa akin.

"Eto, pinapanuod ang mga toxic..."

Pinilit kong tumawa, kahit na hindi talaga ako mapakali. Gusto ko ring
tingnan ang hawak nitong chart kung bago ba ito o yung kahapon pa din.

"Sira ka talaga ...ay teka...may pinabibigay pala sayo yung alaga mo..."

Nakukuha ko naman ang respetong inaasahan ko sa lahat nang aking katrabaho, maliban kay Bernadette na lahat ay nasasabi sa akin nang harapan na dala na rin siguro nang aming matagal na pagkakaibigan. Wala nga lang akong ideya kung ang bagay na pinaka-tatago ko ay kanya ring nalalaman.

Nang marinig ko ang kanyang sinabi, pakiramdam ko na bigla akong pinana sa dibdib sa pagkaka-alam na wala na nga sya rito at sa kung anong bagay ang kanyang iniwan. Nakita kong kinuha ni Bernadette ang isang maliit na kahon mula sa maliit at medyo makalawang naming refrigirator at agad nya itong iniabot sa akin.

"O yan...galing yan sa pasyente mo, mamigay ha?. Ha ha! Pasalamat ka at ‘di ko pinag-tangkaang kainin."

"Ha ha...ikaw talaga."

Napansin ko ang kahon at nakita ko dito ang pangalan nang aking kliyente. Ang isa sa dalawang babaeng aking inalagaan na na-discharge na noon pang isang araw.

"O' napadaan lang ako, alis na rin ako. Hmm...gusto mo?"

Sambit ko sa kanya.
At iniwan ko na sa kanilang lahat ang tsokolate.

Nalungkot ako sa pag-kakaalam na iyon na marahil ang huli naming pagkikita. Bagamat  pinilit kong maging masaya, tingin kong hindi ko naman ito lubusang naitago. Kaya agad na rin akong nag-paalam sa kanila upang maka-alis. Nang papalapit na ako sa elevator upang makababa, narinig kong muli ang boses ni Bernadette na tumatawag sa aking pangalan. Nang lumingon ako dito, nakita kong may hawak na naman itong kahon at sumesenyas sa akin upang ako ay muling lumapit.


Itutuloy...