“Ramil!!!!!...”tawag
sa akin ng aking tiyahin na kala mo ay nasusunog na ang bahay. Na halos umabot
na ang boses sa kabilang kalye kung makasigaw.
“Bumangon
ka na dyan. Tanghali na nakahilata ka pa rin. Mag-igib ka na ng tubig at wala
na namang laman ang drum. Pagkatapos mo mag-igib, mag luto ka na at ng may
malamon naman tayo at maglinis ka na rin ng bahay. Tingnan mo oh para ng
basurahan itong bahay natin. Nakakahiya kapag may bisitang dumating. Hindi lang
yung puro ka lang tunganga. Walang silbi. Bilis. Bangon na.” mahabang litanya
sa akin ng aking tiyahin.
Nakasanayan
ko na rin ito. Halos-araw araw kasing ang mala-armalite na bunganga ng aking
tiyahin ang nagsilbi kong alarm clock sa aking paggising. Pasok sa kabilang
tenga at labas naman sa kabila ang lahat ng kanyang sinasabi dahil alam ko sa
sarili ko na wala ring patutunguhan kung didibdibin ko ang kanyang mga sinasabi
at sasagot pa dito. Ako lang ang lugi. Kaya ang seste eh sunod na lang at nang
hindi mapagalitan.
“Kung
di lang sana….”usal ko.
“Ano
kamo?”
“A,
wala ho”.
Nag-inat-inat
ako ng konti at kuskos ng aking mutaing mga mata ang una kong ginawa.
Naghilamos at pumunta na sa labas bitbit ang galong kumikintab na sa lumot para
makapag-igib.
Matiyaga
akong naghihintay sa mahabang pila sa gripo. Tanging ang barangay lang ata
namin ang may gripo ng masa kung saan mas mabilis pa ang patak ng ihi ko. Pero wala akong choice. Kelangan kong
hintaying matapos ang lahat ng nakapilang nauna sakin sa pag-igib bago makasahod,
dahil kung hindi, tiyak na tatadtarin na naman ako ng bala ng tiyahin ko. Bala
ng kanyang bunganga.
Pagdating
ko sa bahay saka ko palang narinig ang iyakan ng mga alaga ko sa tiyan. Kaya
nagmadali na akong mag-luto at maglinis upang malamnan na ang nag-aalburuto
kong alaga sa tiyan at nang makapapag handa na sa pagpasok sa eskwelahan.
“Sa wakas malalagyan ko na rin ng laman ang
nagmumura kong sikmura” takbo ng isip ko habang minamadali ang ginagawa upang
matapos na ito.
“Natapos
din!” singhal ko.
Pumunta
ako sa hapag upang makakain na. Tanging pritong tuyo ang aming ulam na nakahain
sa hapag. Minsan, kapag masarap ang ulam, inaasahan ko ng wala na akong
maaabutan. Kung may matira man sigurado, nakatago na ito. Kaya kapag ganon,
kape na lang ang tanging almusal ko bago pumasok sa eskwela.
Nakakain
na ako ng natirang tuyo. (Buti na lang at may tinira pa.) Pumunta ako sa may
lababo upang magsipilyo. Hanap ko ang bagong bili pa lang na toothpaste ng
aking tiya upang makapagsipilyo. Wala.
“Asa ka
pa nga ba ako dun. Tsk”singhal ng aking utak. Alam ko naman na may tago factor
ang aking tiyahin kaya tiis na lang ako sa asin upang ipangkuskos sa aking
ngipin.
Natapos
na din akong maghanda para makapasok ng maaga upang hindi mahuli sa pagpasok.
Lakad ko lamang itong tinungo.
Habang
binabaktas ang daan papuntang eskwelahan, may napansin akong isang matandang himatay
sa paglalakad patawid sa kalsada. Nakakapanglumong makita na sa dami ng
dumaraan dito ay wala man lang ni isang tumulong. Kaya, kahit na nagmamadali
ako sa aking pagpasok ay inalalayan ko ang ale sa pagtayo at upang itawid na
rin siya sa daan kung saan sana tutungo.
Pagkatapos
ko siyang itawid sa kalsada ay binigyan ko siya nang makakain galing sa konti
kong ipon sa pagtitinda. Magiliw naman niyang tinanggap ang ibinigay ko sa
kanya. Pansin ko ilang araw na itong walang kain dahil halos mabilaukan na siya
sa sabay-sabay na pagsubo ng pansit at tinapay na aking binili. Napag-alaman ko
rin na ang ale ang ilang araw ng hindi kumakain at ni hindi man lang
mapupuntahan. May hinahanap daw ang ale. At hindi na rin ako nag-atubiling
usisain pa ang kanyang hinahanap dahil sobrang late na ako sa klase ko. Kaya
nag-apura na akong magpaalam sa kanya at sinabihang mag-iingat.
Takbo-lakad-takbo kong tinungo ang aming
eskwelahan. Di naman ito masyadong malayo sa aking tinutuluyan kung saan ako
pumapasok at wala din naman akong pamasahe upang sumakay pa ng padyak sa
ganitong panahon na nagmamadali ako.
“Mr. Matienzo!
Anong petsa na? Ano na namang nangyari sayo? Himala atang late ka ngayon?” usal
sa akin ng aking guro.
“At
ikaw din Mr. Berjuega! Buti naman at naisipan mo pang pumasok?” Di ko namalayan
na may tao pala sa aking likuran ng mga panahong iyon dahil sa pagkataranta ko
kung ano ang aking gagawin at hinahabol ko pa ang aking hininga dahil sa
pagmamadali ko kanina.
Ha? Mr. Berjuega? Nasa likuran ko?isip
ko lang. Nadagdagan ang aking kaba nang malaman na ang hinahangaan ng lahat
dahil sa katalinuhan, angking kagwapuhan at tikas ng katawan, dagdagan pa ng
isa itong varsity player ngunit suplado at tinagurian ding bugoy ng eskwelahan ay
nasa likuran ko lang.
Ewan ko
ba sa mga panahong iyon kung ano ang nangyayari sa akin. Hindi ko rin alam.
Para akong estatwang tuod at nakatayo lamang at hindi gumagalaw.
“Di dahil pinapayagan ko kayong umabsent at
wala nga sa grading system ko ang attendance, hindi nangangahulugan yun na lagi
na lang kayong wala sa klase ko. Buti na lang kamo at magagaling kayong dalwa
sa klase ko, kung hindi. Naku! Ibabagsak ko talaga kayo!” saad sa amin ng aming
guro.
Sanay
na si Rolly sa pagtanggap ng mga guro nito sa kanya sa tuwing siya ay papasok
dahil lagi nga itong late o kung minsan ay talagang absent pa. Pero kahit na
ganun ay may lakas ng loob pa rin siyang lumiban o tumakas sa klase dahil may
katalinuhan din naman itong taglay. Nakita ko na lang siyang lumampas sa akin
at walang kaabas-abas na tinungo ang kanyang silya at umupo ng nakadekwatro.
“O
anong tinatayo tayo mo pa dyan?”
“P-pasensya
na po sir. Di na po mauulit.” Paumanhin ko naman habang kamot ang aking ulo na
kala mo’y binabalakubak. Buti na lang kamo sadyang mabait ang aking guro kung
hindi panigurado akong maaapektuhan ang grades ko pati na ang pinaghirapan kong
scholarship.
“Class. This is my grading system. 10%
recitation, 40% exams at 50% sa quizzes. Wala akong pakialam sa attendance
ninyo at hindi din ako nagchecheck ng notebooks at nagpapagawa ng assignments at
project gaya ng ibang mga guro dahil hindi iyon ang aking sukatan kung may
natutunan ka sa klase ko o wala. Kaya siguraduhin ninyo na papasa kayo sa lahat
ng quizzes at exams na ibibigay ko dahil iyon lang ang tanging batayan ko sa
pag compute ng grades. At dahil ito lang ang batayan ko, asahan ninyong hindi
magiging madali lahat ng pagsusulit na ibibigay ko sa inyo.” Alala kong
sabi niya noong unang klase.
Noong
una natakot ako sa kanya dahil sa tingin ko terror siya gaya ng mga matatandang
guro sa aming eskwelahan. Pero sadyang iba lang talaga ang gamit niyang
strategy sa pagtuturo. Isa pa, walang masyadong gastusin dahil wala itong
projects na ibinibigay. Tanging recitation, quizzes at exam lang talaga ang
batayan nya sa kanyang pagkocompute ng grades. At ito naman ang nagustuhan ko.
Dahil kung nagkataon, mahihirapan na naman ako kung saan ko hahagilapin ang
ipanggagastos ko sa aking project.
Nagtuloy
na sa pagtuturo ang aming guro.
Habang
papalapit ako sa aking silya ay kinakabahan na naman ako dahil dadaanan ko kung
saan si Rolly nakaupo. Yumuko na lang ako habang tinutungo ang aking
pupuntahan. Hanggang sa natabig ko ang kanyang paa na nakadekwatro.
“S-sorry.”kinakabahan
kong turan sa kanya.
Hindi
sya umimik o nagalit sa tagpong iyon. At yun naman ang laking pinagtakhan ko.
Suplado kasi ito at hindi mo makakausap ng matino kung walang konekta sa laro o
babae ang pag-uusapan. Galit din ito sa bakla. Kaya laking kaba ko ng masagi ko
ang kanyang paa dahil baka paglabas ko ng aming silid aralan ay balikan ako
nito.
“Sorry
ulit” sabi ko na halata ang kaba sa aking boses.
Wala
man lang akong nakitang reaksyon sa kanyang mga mata. Hindi sya sumagot.
Nananatili sa kanyang mukha ang blangkong ekspresyon habang nakikinig sa
pagtuturo ng aming guro. At iyon ang dahilan kung bakit ako kinakabahan ng
sobra.
May
nabalitaan kasi akong binalikan nila ang isang estudyante noong mapagtripan
nila itong bugbugin dahil lang sa natabig siya nito. Binugbog nila ng barkada
nya ang nasabing estudyante at pinagbantaan. Napagalaman ko din na ang
estudyanteng iyon ay lumipat na ng eskwelahan dahil na rin sa nangyari. Kaya
naman labis labis ang kaba ko sa nangyari.
Umupo
na ako sa aking silya kung saan nasa harapan ko lamang siya. Nakinig na ako sa
kung ano man ang aming leksyon sa araw na iyon. Pero walang pumapasok sa kokote
ko dahil ang tanging nasaisip ko kung ano ang mangyayari sa akin paglabas ko sa
silid na iyon. Kinakabahan ako.
Maya-maya
pa ay lumingon sa akin si Rolly.
“Mag-usap
tayo mamaya”
Itutuloy…
No comments:
Post a Comment