ANNOUNCEMENT

Kamusta po? ^_^ Atin pong i-welcome ang ating mga new authors sa blog!! ^_^ Andyan po si Sean Christopher Bautista, patryckjr, iamDaRKDreaMeR, Giefe Carvajal, Steffano, Andrey, Jace ofcards, Caleb Uriel Tan, at si Lawfer. Para po sa mga interesado maging author din po. Pls email me po sa kenji.ohya@yahoo.com. Maraming salamat po! ^_^


Nilipat ko na po ang chatbox sa "Kamustahan ^_^" tab po. :)


Guys!! Let us all welcome our newest Admin!! Welcome Admin Tommy Cassanova!! ^_^

Thursday, February 23, 2012

Dream On Chapter 2


Dobleng kaba ang naramdaman ko noong sabihin sa akin ni Rolly na kailangan niya akong makausap. Nang mag-isa, malayo at hindi matao, nang kaming dalawa lang.

Hinanda ko na lang ang sarili ko sa kung ano man ang mangyayari mamaya pagkatapos ng aming klase. Balisa ako’t nangangatog ang tuhod. Halos mahimatay ako sa tindi ng kaba kung ano ang pag-uusapan namin. Namumutla at nanginginig sa takot. Takot dahil alam kong wala itong pinapalampas kahit na sa simpleng sagi lang sa kanya. Lagi kasi itong mainitin ang ulo kaya naman sa ibang bagay niya ito binabaling. Ang panggugulpi o di kaya naman ay tumakas sa klase upang mag-inom kasama ang mga basagulero nitong barkada.

Alam ko sa sarili ko na iba siya sa kanyang mga barkada. Ewan ko ba kung ako lang nakakapansin o kung bakit sa kabila ng kanyang pilyo at bruskong ugali ay humahanga pa rin ako dito.

Nag ring na ang bell hudyat ng pagtatapos ng klase. At hudyat din ng pagsisimula ng aming usapan. Usapan na sa tingin ko ay wala akong ligtas at hindi uuwi ng bahay na walang latay sa katawan.

Dali-dali siyang tumayo bitbit ang kanyang bag at lumingon sa kanyang likuran kung saan ako nakaupo. Para naman akong bibitayin sa mga panahong iyon. Kulang na lang ay mawala ako sa aking kinauupuan. Masasabi ko rin kung ang tingin lang ay nakamamatay, paniguradong kanina pa ako sinundo ni San Pedro dahil sa kanyang nanlilisik na tingin. Tingin na alam mong walang papalampasin.

Hablot ang aking kaliwang kamay at lumabas ng silid aralan. Halos maputol na ang aking kamay sa higpit ng pagkakahawak niya dito. Pumunta kami sa likod ng eskwelahan kung saan walang katao-tao dahil walang naglalagi dito.

“Eto na ‘to. Bahala na.” saad ng aking isip at napabuntong hininga na lang sa sobrang kabang nararamdaman.

“Alam mo naman siguro kung ano ang parusang ginagawa ko sa mga tulad mong tatanga-tanga. Kala ko pa naman matalino ka? Bakit hindi mo ginamit iyang kokote mo ha?”may galit na tono sa aking sabi ni Rolly na kala mo ay kakain na ng tao.

“P-pasensya k-ka n-na t-talaga. H-hindi k-ko t-talaga s-sinasadya.” Nauutal at nanginginig kong pakiusap sa kanya.

“Di mo talaga ginagamit ang utak mo no? Alam mo namang hindi ako tumataggap ng sorry diba?” may galit na turan niya sa akin.

Nakita kong tinikom niya ang kanyang palad upang ihanda ang kanyang kamay sa pagsapak sa aking mukha sa mga sandaling iyon. Pumikit na lang ako sa sobrang kaba. Alam ko din naman na kung lalaban ako dito ay wala talaga akong magagawa dahil mas malaki sya sa akin, mas may katawan, at isama mo pa ang mga barkada niyang mga basagolero sa eskwelahan. Kaya wala talaga akong laban. Hinanda ko na lang ang aking mukha at katawan sa matatanggap kong sapak galing  sa kanyang mga kamao . Dahil kung manlalaban lang ako, paniguradong babalikan lang niya ako at baka hindi na ako sikatan ng araw.

Di ko na alam ang nangyari pagkatapos kong pumikit. Dahan dahan kong minulat ang aking mga mata. Nandoon pa rin ako sa lugar kung saan ako kinastigo ni Rolly. Nahimatay pala ako.

“A-aaahh” usal ko na lamang sa sakit ng katawan habang tumatayo.

Magtatakipsilim na iyon at ako’y tiyak na pagagalitan ng aking tiyahin sa aking pag-uwi. Naglakad ako palabas ng eskwelahan at binaktas ko ang daan patungong bahay. Nadaan ako sa isang nakapark na motorsiklo at doon nanalamin. Kitang-kita ko ang pasa sa aking mata at dumudugong gilid ng aking labi. Masakit ang katawan. Tulo ang aking luha sa pag-iisip kung bakit ba sa akin nangyayari ito. Di naman ito ang ginusto kong buhay. Nais ko lang na mamuhay ng tahimik. Wala naman akong ginagawang masama at ayaw na ayaw ko ng gulo pero eto ako ngayon naglalakad ng mag-isa at katatapos lang bugbugin ng walang kalaban-laban. Walang kakampi at walang masasandalan.

Pagdating ko ng bahay ay nabungaran ko ang aking tiyo at tiya na daig pa ang sawa kung makalingkis sa isa’t isa. Nilingon lang nila akong mabilis na pumasok sa aking kwarto para di na ako ratratin ng tanong at magisa sa sermon.

“Ramil. Bakit ka may pasa? Kelan ka pa natutong makipagbasag-ulo ha? Ehh kung namatay ka? Gastos na naman. Buti sana kung itatapon ka lang sa ilog. Halos wala na nga tayong makain ohh nakuha mo pang makipagbasag ulo. Ang mahal mahal na ngayon ng pagpapalibing buti sana kung aabot iyon sa  abuloy sayo kung may mag-abuloy man. Palamunin na nga, wala pang silbi! Buti pa nga ang baboy kapag namatay kikita ka pa, ehh sayo?! Perwisyo! Hala! Bilisan mo na dyan at hinihintay ka na ni Aleng Lita” mahabang lintanya sa akin ng aking tiyahin.

Masakit isipin na sa ganitong kalagayan ko ay hindi ko man lang sa kanila naramdamang isa akong kasapi sa pamilya o kadugo. Na mas iniintindi pa ang pera kesa kung ano ang nararamdaman ko. Mas mabuti pa nga siguro ang katulong. May sweldo na, pinapakain pa ng tama ng kanilang amo. Pero ako, heto’t nagpapakahirap at nakikitungo sa amo kong walang puso.

Binilisan ko na lang ang aking pagbibihis habang parang pinipiga ang aking puso’t pinipigilang umiyak. Hindi ko na makuhang umiyak sa lahat ng nararanasan ko. Sawa na ako. Pagod na ako. Ubos na yata ang luha ko. Nagpapakatatag ako sa lahat ng pagsubok na aking kinakaharap dahil sa tingin ko hindi solusyon ang umiyak.

Pagkatapos ko magbihis ay pumunta na ako kay Aling Lita kung saan ko inuupahan ang stroller ng tokneneng, kikiam, fishball at palamig na aking nilalako sa tabi ng plaza kung saan maraming tao.

Habang naghihintay ng bibili at nanunood sa mga nagdaraan sa plaza ay narinig ko ang isang himig na hindi nakaligtas sa aking pandinig.
----song---
Biglang tumulo ang aking luha at nagbalik ang ala-alang kanina lamang nangyari. Naisip ko kung ganito din kaya ang buhay ko kung buhay pa ang mga magulang ko. Kung hindi lang sana sila namatay, hindi sana ako nagkakandahirap sa pakikitungo sa aking tiyuhin at tiyahin; di sana’y nakakapag-aral ako ng maayos; di sana’y may sumusuporta sa aking pag-aaral at hindi nahihirapan ng ganito; di ko na sana kailangan ang maglako at mamuhunan ng dudo at pawis sa pagtitinda upang tustusan ang aking pag-aaral. Hindi sana ako nahihirapan ng ganito.

Ganito ba talaga ang gusto ng maykapal na pagsubok na ibigay sa akin? O kung pagsubok nga ba itong matatawag o parusa. Alam ko naman na wala akong ginagawang masama kundi ang magsumikap upang makatapos sa pag-aaral at umahon sa buhay ko ngayon. Pero bakit ganito? Alam ko may plano sya para sa akin, upang subukin ako; upang maging matatag; upang magsumikap. Hindi ko na alam ang dahilan Niya kung bakit ganito na lang kahirap ang pagsubok na ibinibigay niya sa akin. Ngunit may tiwala pa rin akong lahat ng ito ay may dahilan. Hindi ko man alam pero Siya na lang ang matatawag kong meron ako. Siya lang ang nasasandalan ko kung may mabigat akong dinadala. Siya lang ang tanging naging sumbungan ko sa lahat ng problema.

Pagkatapos ng kanta, pinunas ko ang aking luha na minsan ko lang ilabas. Nakakagaan pala ng pakiramdam na minsan ilabas mo ang lahat ng pait at bigat na meron ka sa iyong puso. Napabuntong hininga na ako at inayos ang sarili.

“Kuya, limang tokneneng nga..” saad sa akin ng isang babaeng bumili. Bakas sa kanyang mukha ang pagtatakang reaksyon ng makita niya akong may pasa ako’t namumugtong ang mga mata.

Binigay ko sa kanya ang kanyang binili at kasabay nito ang pag-abot ng kanyang bayad.

“O-okay ka lang ba?” tanong niya sa akin. Di ko mapigilan ang aking sarili na manggilid na naman ang luha sa aking mga mata. Buti pa ang hindi ko kakilala, Tinatanong ako kung okay lang ako, kung ano ba ang nararamdaman ko, kung may problema ba ako.

“S-salamat. Okay lang ako.” Sabi ko sa kanyang malat ang boses.

Pagkatapos ilang oras pang pagtitinda sa plaza ay naisipan ko nang umuwi dahil halos wala ng tao sa plaza at gabi na.

Tulak ko ang stoller ng aking mga paninda ng madaan ako sa isang waiting shed. Nakita ko dun ang isang pamilyar na taong nakahiga dito. “Ano kaya ang ginagawa nya ditto? Bakit pa sya nandito?” saad ng aking isip. Nag-aatubi man akong puntahan, nilapitan ko pa rin ito.

“O-kay ka lang?”


Itutuloy…

No comments:

Post a Comment